Chapter Fourteen

387 6 1
                                    


DAHIL alas-onse pasado na nang magising ang dalawang babae ay tanghali na rin silang nakaalis ng Makati. Nananghalian muna sila sa isa sa mga restaurant sa Greenbelt. Gamit ang Montero Sports ni Lukas na nakaparada lang sa parking space sa building ay nakarating sila sa Meycauayan ng alas-dos na halos ng hapon.

Nang ipaparada ni Aurora ang sasakyan nito sa gilid ng driveway ay natanaw na nila ang kotse niya sa loob ng bakuran. May nakita rin siyang delivery truck.

Sinalubong sila ni Magbanua. "Sa SM Marilao ko na lang in-order ang mga kama at ilang kagamitang kahalili ng mga nawasak, Miss Zuñiga," anito. "Hindi magagandang kahoy tulad ng mga nasira, subalit saka na lang ninyo palitan ang mga iyan. Pansamantala lang naman. Nagpalagay na rin ako ng bakal sa bawat bintana sa loob ng bahay.

"At ang tatlong pinto sa kabahayan ay pinalagyan ko na rin ng mga bakal. Hindi iyan basta napapasok. Iyan ang mga uri ng bakal na ipinakabit ng tatay mo sa tindahan." Sinulyapan nito ang mga tao na nagkakabit ng mga rehas sa bintana.

"This is ridiculous," aniya na umiling at nagbuntong-hininga. "Bakit kailangang pati ang pinto ay may bakal?"

"Actually, si Olivia ang nagsabing palagayan ko ng makakapal na bakal ang pinto. Iginiit niya. And it made sense, ang pinto ninyo ang unang winasak ng mga masasamang-loob. Natatakot si Olivia para sa iyo."

"Si Ate Olivia? Nasa loob siya?"

Tumango si Detective Magbanua. "Kanina pang umaga. Narito na siya pagdating ko at pinangasiwaan ang trabaho ng mga tao."

"Maraming salamat, Detective," aniya at muling sinulyapan ang mga bakal na ang ilan ay nakakabit na sa mga bintana.

Binati ni Magbanua si Lukas. Nag-uusap ang dalawang lalaki samantalang pumasok na sa kabahayan si Aurora habang iniiwasang maapakan ang mga bakal na nakakalat sa daanan. Natagpuan niya si Olivia sa kusina na naghahanda ng fresh orange juice kasama ang kasambahay.

"Ate Olivia!"

"Narinig ko ang pagdating ninyo kaya nagpatimpla na agad ako ng juice dito kay Maring," anito. Ilang beses itong tumikhim.

Ang pagnanais niyang yakapin si Olivia ay napigil dahil sa kakaibang ikinikilos nito. Ni hindi nito sinasalubong ang tingin niya at agad itong lumipat ng puwesto nang umikot siya sa mesa. Sa wari ay iniiwasan siya.

"Are... you all right, Ate Olivia?" tanong niya. "Pinatatawagan kita kay Doreen pero hindi ka niya makontak."

"Baka nataong walang baterya ang cell phone ko. Walang... problema sa akin, Aurora. Ikaw ang inaalala ko..."

Aurora hinted fear in her voice. She couldn't blame her. Ang laking gulat siguro nito nang makitang sinira at winasak ang mga kagamitan sa loob ng bahay na posibleng pagtaguan ng mga alahas.

"Sinabi ba sa inyo ni Detective Magbanua ang nangyari sa akin sa Bangui noong isang araw?"

Bahagya lang itong tumango. Inaasahan niyang itatanong ni Olivia kung bakit nasa norte siya gayong kahapon pa lang siya dapat uuwi mula sa ibang bansa. Subalit hindi ito nagtanong at sa halip ay minadali si Sabel sa ginagawa. Naglabas din ito ng puto na binili mula sa kilalang magpuputo sa bayan. Siya namang pagpasok nina Lukas, Doreen, at Magbanua sa komedor.

Nang lumingon siya kay Lukas ay nginitian niya ito. Bakit ba kakaiba ang pakiramdam niya tuwing nasisilayan ito? Kung wariin ay may paruparong naglalaro sa dibdib niya. Naroon ang pananabik na hindi niya mawari gayong kung tutuusin, sa nakalipas na maraming oras ay magkasama sila.

Kahit noong hindi pa niya natutuklasan ang kasamaan ni Gregor ay wala siyang natatandaang nakadama siya ng ganito.

"Ate Olivia, si Lukas Tliachev. Siya ang tumulong sa akin para makauwi ako rito. Lukas, si Ate Olivia."

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon