Chapter 8

3.2K 47 1
                                    


HINDI pa nakakaalis si Greg nang bumaba si Allie kinabukasan ng umaga.

"Good morning," bati nito sa kanya.

""Morning," matabang niyang sagot. Naupo siya sa puwesto niya sa mesa at itinihaya ang juice glass. Agad na sinalinan ng katulong ang baso niya. Napapailing si Greg sa kanya.

"You're so slim, bakit hindi mo subukang lagyan ng kaunting laman iyang katawan mo?"

"Well, I'm sorry kung walang appeal sa iyo ang katawan ko. At kung hindi ako kasing-voluptous ng... ng..." Hindi niya itinuloy ang sasabihin. Dinampot ang juice at marahang uminom. Naiinis pa rin siya. Maghahating gabi na nang umuwi si Greg.

Tumikhim si Greg na nagsasalubong ang mga kilay na sinusulyapan siya. Sa pagitan ng pagsubo ay kinakausap siya.

"Mamaya nga palang gabi ay may bisita tayo. Dito maghahapunan ang mag- asawang Cordero kasama si Karla."

Bigla ang pag-angat ng mukha niya sa pangalang narinig. "Bakit?"

"Matagal ka ng gustong makilala ni Mrs. Cordero pero hinintay munang makauwi si Mr. Cordero mula sa Maynila. He arrived yesterday at kinumbida ko silang dito na maghapunan. Kausapin mo si Nana Andrea para pag-usapan kung ano-ano ang lulutuin mamayang gabi. "

"Huwag mo akong utusan. Kayang-kaya ni Nana Andrea iyon. At saka ano ang malay ko sa mga ganyan. Sa mga okasyon sa mansion ay nagpapa-cater ang Mommy noon," padabog niyang sinabi.

Sa kabila ng outburst niya ay ngumiti si Greg. "Hindi ba dapat na panahon na para matutuhan mo iyon, Allie?"

"Bakit pa? May mayordoma ako sa mansion. She can supervise all those things. Besides, lagi namang sa hotel ako kumakain," angil niya. "Five months to go na lang, Mr. Falcon and I have to..." Nahinto ang sasabihin niya sa pagdaan ng isang maid palabas sa sala.

Kung nakamamatay ang tinging ipinukol ni Greg sa kanya ay naupos na siya. Hindi ito sumagot man lamang. At sa unang pagkakataon ay nasa kanya ang huling salita. Ang nakapagtataka ay hindi siya nasiyahan doon.

At ang isa pang nakapagtataka ay ginawa niya ang bilin ni Greg. Sa maghapong iyon ay nagplano siya ng kung ano ang lulutuin kasama si Nana Andrea na naiiling sa mga pagkaing sinasabi niya. Nag-aral siya ng culinary sa Italy at ngayon niya pakikinabangan iyon.

Kinagabihan ay hindi niya malaman kung paano likot sa salamin upang tingnan kung bagay ang suot niya sa okasyon. At hindi siya sanay sa ganito. Sa wakas ay nakapili siyang maisusuot. Isang rose yellow empire dress. Uso ito sa Europe ngayon. Kung tingnan ay parang pambuntis pero tila siya modelo nang isuot niya iyon. Pinarisan niya ng high-heeled sandals na kulay itim. Manipis na manipis ang mahabang takong na tila mababali kung tingnan mo. Simple lang ang dating niya pero very classy. Hindi rin siya naglagay ng make-up maliban sa frosted plum na lipstick.

Nang akma siyang lalabas ng silid ay nakadama siya ng insekyuridad sa ayos niya. Sinaway niya ang sarili. Original collection mula sa isang designer sa Paris ang bestida niya. Ang perfume niya ay ang pinakamamahalin sa buong mundo. Pero bakit ganoon ang nadarama niya sa kauna-unahang pagkakataon?

Gusto niyang ipakita sa Karla na iyon na hindi nagkamali si Greg nang piliin siya. Piliin? Ang kabilang bahagi ng isip niya. Hindi ka pinili ni Greg, ikaw ang pumili dito. At sa susunod na limang buwan ay wala ka na sa buhay nito. At ang Karla na iyon ay mananatili na tila hindi ka dumating sa bahay nila. At sa kaisipang iyon ay may di-pamilyar na kirot siyang nadama.

Kung may pait man siyang nadama sa buhay niya ay noon lang mamatay ang lola niya. Pero bakit higit ang pait at kirot na nadarama niya ngayon?

Nang bumaba siya ay nasa ibaba si Greg at kausap na ang tatlong bisita nila. Si Karla ay nakaupo sa armrest ng sofa na inuupuan ng asawa niya. Tumayo si Greg nang matanawan siya. Lumakad ito palapit sa kanya at Ikinawit ang braso sa baywang niya.

All-Time Favorite: Apoy Sa Malamig Na PusoWhere stories live. Discover now