Kabanata IV
Nakagat ni Celine ang ibabang labi habang inaalala ang damit niyang naiwanan sa labas. Maliit lang ang tuwalyang hawak niya at kung tatakpan niya nang husto ang dibdib, makikita naman ang maselang bahagi niya sa ibaba. At kung ibababa naman niya mas makikita ang mga dibdib niya—ngayon niya ginustong hindi na lang sana ipinanganak na matangkad.
Marahan siyang sumilip sa labas para alamin kung naroon si Sebastian o nanatili ito sa kuwarto. Nang makita niyang walang tao sa sala, gumuhit ang ngiti niya. Tatakbo na lang siya para makuha ang mga isusuot niya dahil hindi naman iyon kalayuan.
Lumabas na siya at mabilis na tinungo ang sofa at kinuha ang dalawang kahon. Nangiti siya nang mahawakan iyon. Pero mabilis na nanlaki ang mga mata niya nang matapakan niya ang basang sahig na sa kanya rin mismo nagmula ang tubig at nagtuloy-tuloy siya sa sahig.
"Aaaaaah!"
Naihagis niya ang mga hawak niya maging ang tuwalya niya nabitiwan niya kaya dali-dali niya iyong iniangat at luminga sa paligid. Pero wala naman siyang nakita. Ginapang niya ang dalawang kahon at tumayo, nagdahan-dahan na siya pagbalik—iyong kabog ng dibdib niya sa takot na makita ni Sebastian ay halos wala ng pagitan.
Sumandal siya sa likuran ng pintuan pagkapasok niya sa loob ng paliguan. Iyon lang ang ginawa niya pero parang napagod na siya nang husto.
Namasahe ni Sebastian ang noo nang makita ang nangyari.
"Ako iyong nahiya sa nangyari sa kanya."
Mabuti na lang bago tumingin ang babae sa kanya ay nailapat na niya ang pintuan. Gusto niya itong itayo pero alam niyang mahihiya ito. Wala namang malalang nangyari rito dahil nakatayo pa ito at nakatakbo pa nga nang mabilis.
Lumabas siya ng silid nang lumipas ang isang minuto.
Naupo siya sa sofa at pinagkrus ang mga binti.
"Siguraduhin mo na magaling kang magtago." Ngumisi siya. "Nakita mo ang hubad na katawan ng alipin ko na para lang sa mga mata ko kaya ayos lang naman siguro kung hindi na kita bubuhayin?"
Siksik na siksik si Menar sa balkonaheng bahagi ng tinutuluyan ni Sebastian. Siniguro niyang hindi siya nito mapapansin, hindi rin niya sinadyang makita ang nahubarang babae pero aaminin niya na namangha talaga siya sa hitsura ng katawan nito at hindi niya iyon basta-basta makalilimutan. Pero iyong pagnanasang tumatakbo kanina sa kanya ay napalitan ng paninindig ng balahibo dahil damang-dama niyang siya ang kinakausap ni Sebastian.
Nakatingin siya sa puwesto nito at nakaupo lang ito sa sofa. Mabilis sana siyang tatakbo patalon sa balkonahe pero pagharap niya nasa harapan niya na si Sebastian at nakangiti.
Ang abong mga mata nito ay kulay pula na, habang ang ngiti nito ay lalong nakadagdag ng kilabot na nararamdaman niya. Presensiya pa lang nito sapat na para mangatog siya.
"S-Sebastian! I-inu-tus-an lang ak...ko!"
Kaagad siyang lumuhod dito.
"Iyong bar...il... pinapa...kuha... sa 'kin..."
Hindi niya magawang idiretso ang mga salita kahit hindi niya gustong matakot. Kusang nanginginig ang mga laman niya.
"Sino ang nagpapunta sa 'yo rito?"
Damang-dama ni Sebastian ang tibok ng puso nito—takot ang nangingibabaw rito.
"Si... Gerenon."
Ilang minuto ang itinagal ni Celine dahil sa kahihila ng suot. Masyadong hapit ang damit sa katawan niya at kitang-kita ang harapang bahagi niya sa korteng 'V' niyon. Hindi iyon maganda sa pakiramdam niya lalo at sa isla nila, uso ang mga kasuotang tagong-tago ang buong katawan kahit pa hindi naman umuulan ng niyebe sa lugar nila.
BINABASA MO ANG
SLAVE TRADE: CELINE (PUBLISHED UNDER BLACK INK/ RED INK)
Fantasy#SLAVETRADE ( DARK FANTASY ) Panahon kung saan ang kagandahan ay isang pasakit sa mga kababaihan at kalalakihan na nagiging alipin nang isang organisasyong kilala bilang SLAVE TRADE.