K1: BARKO NG SLAVE TRADE

7.1K 303 16
                                    



Kabanata I

"Celine! Celine! Celine!"

Naghahanda na si Celine sa pagtulog nang marinig ang sigaw ng tatay niya. Kaba at takot ang naramdaman niya dahil sa hindi maikakailang kaibahan ng pagtawag nito sa kanya nang araw na iyon. Kilala niyang kalmado magsalita ang ama, kaya sa tono pa lang, alam na niyang hindi magandang balita ang dala nito.

Hingal na hingal at bakas ang takot sa mukha nito nang buksan nito ang pintuan ng kanyang silid.

"Bakit, 'Tay?"

Hindi na rin maikakaila ang takot niya.

"Tumakas ka na. Dalian mo!"

Hinila siya nito nang hindi na iniisip na napahigpit ang hawak nito sa kanya.

Totoo ang takot nito dahil hindi na nito pinansin ang hitsura ng bestida niyang manipis na ginagamit niya tuwing matutulog. Maging ang kagubatan, hindi na nito inisip na mapanganib dahil iyon ang tinutungo ng mga hakbang nito at sumusunod lang siya kahit pa kinakain na rin siya ng takot. Ang isipin na papasukin nila ang mapanganib na kakahuyan sa oras pa na iyon, ang nagbigay sa kanya ng ideya na nanganganib ang buhay nila at wala na itong iba pang pagpipilian.

Nagsimulang magtayuan ang mga balahibo ni Celine nang makita ang madilim at masukal na lugar. Pero hindi na iyon pinansin ng kanyang ama na mas desididong pumasok sa loob.

Lakad-takbo ang ginawa nila patungo sa abandonadong lugar sa gitnang kagubatan na sinasabing tinirahan ng isang angkan ng mga bampira noon. Dahil wala na ang mga ito, naging isang lugar na iyon ng katatakutan.

Ang isla nila na tinatawag na Lupain ng Ginto ang may pinakamarami pang naninirahang tao. Ngayon, hindi na lihim sa kanila ang existence ng iba't ibang nilalang at patuloy na dumarami ang mga ito na nagbibigay ng takot sa kanilang mga pangkaraniwang tao lang.

"Dumating ang barko ng Slave Trade at humahanap sila ng mga babaeng katulad mo!"

Nagsimulang mangilabot si Celine dahil sa sinabi ng ama. Ang barko na iyon ay kumukuha ng mga alipin, karamihan ay babae pero may mga kalalakihan din lalo na kung may magandang hitsura o pangangatawan para makapagtrabaho.

Iyon ang panahon kung saan hindi magandang magkaroon ng napakagandang anyo lalo na kung hindi kabilang ang taong iyon sa matataas na uri ng tao, dahil siguradong bibiktimahin ito ng mga tauhan ng Slave Trade. Ang ilan sa mayayaman na nakukuha ay ipinatutubos sa pamilya at kung hindi matutubos sa halaga kung ano ang benta rito, ibabagsak na ito sa pagpipiliang mga alipin. At sa isang katulad ni Celine na hindi lumaki sa mayamang pamilya, nasisiguro niyang wala siyang magiging pantubos.

Ibebenta ang mga alipin ayon sa pamantayan ng kagandahan. Oras na mabili na at maging alipin, maging buhay ng alipin ay bayad na rin. Suwerte kung buhay pa itong pauuwiin matapos pagsawaan, dahil maraming mas malalang nangyayari oras na itapon na ang alipin ng mga bumili rito. Ang iba, ipinapakain sa mga halimaw na alaga ng mga ito, o pinapatay. May pagkakataon din na uutusan ang alipin na patayin ang sarili mo sa kung paano nila gusto. Ganoon ang mga nagpapasalin-saling kuwento tungkol sa Slave Trade. Isama pa na hindi tao ang bumibili ng alipin, kaya puwedeng ang mga ito mismo ang kumain sa kanila dahil sila nga raw tao ang pinakamasarap na pagkain ng ibang nag-aanyong tao.

"Pero masyadong malayo ang isla natin para mahanap nila tayo—" sabi ni Celine na hindi na natuloy ang sasabihin nang makarinig ng napakalakas na ugong mula sa isang barko. Ugong pa lang nito parang hinuhugot na ang kaluluwa niya sa takot.

"Mukhang aalis na sila," tila nakatanaw ng pag-asa ang kanyang ama.

"Sana nga, Itay..."

Hindi pa rin siya kampante hangga't hindi tuluyang nawawala ang barko na iyon.

Totoo na malayo ang Lupain ng Ginto sa lugar kung nasaan ang base ng bentahan ng mga alipin. Isama pa na hindi kasama sa mapa ang isla nila, kaya nga kahit paano nakakapamuhay sila nang maayos kumpara sa ibang isla. Agrikultura ang tanging pangkabuhayan nila, at ang produkto nila ay umiikot lang sa kanila. Bibihirang may makarating doon, at iyong iba, kahit siguro makita ang lugar nila hindi gugustuhing sakupin iyon dahil maliit lang at masyadong malayo sa Freed Market—ang pamilihan para sa mga potions, sandata, at iba pa. Doon din madalas maganap ang mga kabilaang subastahan.

Kaagad silang pumasok sa isang kuwebang madilim na nadaanan nila. Nangangapa pa sila noong una, pero nang masanay ang mga mata nila, kasama ang tulong ng liwanag ng buwan, kahit paano naging maliwanag na sa kanila ang bukana ng kuweba.

"Usapan na sa bayan noong nakaraan na maraming naghahanap ng mga aliping babae, kaya naman takot na ang iba sa atin na baka makarating sila rito."

"'Tay, natatakot ako, pakiramdam ko hindi na ito daigdig ng mga tao."

Nagsimula ng bumagsak ang mga luha niyang hindi mapigil-pigilan.

Paano niya pa masasabi na daigdig ng tao iyon, kung marami ng iba't ibang nagsusulputang nilalang na may iba't ibang kakayahan na hindi takot sa kahit na anong uri ng sandata ng tao?

Marami na rin siyang nakikita na hindi pangkaraniwan at halos lahat sa mga ito, ang puntiryang gawing pamatid-uhaw at gutom ay silang mga tao. Katulad ng mga oras na iyon, para na silang hayop na nangangamba sa mangangaso. Bukod sa takot silang mamatay, kasama pa roon ang takot na mas maghihirap sila bago pa tapusin ng mga ito ang buhay nila.

Nakarinig sila ng tahol kaya naman hindi na nila magawang mag-imikang mag-ama. Naninindig pareho ang mga balahibo nila. Maging ang paghinga halos pigilin nila sa sobrang takot dahil hanggang sa kagubatan pala hahanap ang mga ito ng mabibiktima.

Tinakpan ni Celine ang bibig niya ng dalawang palad habang panay ang pagluha.

Paanong hindi matatakot ang tatay niya kung siya ang pinakamaganda sa bayan nila? Maraming lalaki ang nagkakagusto sa kanya. Maraming may nasa magandang pamumuhay ang gusto kaagad siyang pakasalan. Pero may lalaki siyang hinihintay at patuloy na umaasa na babalik ito sa kanya.

"Napakaraming babaeng maganda rito, bakit ngayon lang natin 'to pinuntahan?"

Katuwaan ang nasa boses ng lalaki.

"Tama ka. Nasisiguro ko na malaki ang kikitain natin!"

Lalong naipikit nang mariin ni Celine ang mga mata nang marinig ang mga boses na nag-uusap.

"Hindi pa ba tayo aalis?"

"Baka umalis na tayo, sampu lang naman kada isla ang puwede nating kunin. Pero may ipinapahanap pa sa ating Celine ang pangalan sa lugar na 'to, hindi ba?"

Nanlaki ang mga mata ni Celine na tumingin sa tatay niya na halatang nagulat din. Sa liit ng isla nila, magkakakilala silang lahat, at kilalang-kilala siya bilang si Celine kahit pa pangkaraniwan ang pangalan na iyon dahil sa isla nila siya lang ang natatanging may ganoong pangalan.

Napatayo silang mag-ama nang may pumasok na malaking asong lobo sa kuweba at inangilan kaagad sila. Pulang-pula ang mga mata nito sa dilim na lalong nagpatindig ng kanilang mga balahibo.

"Goblin, ano'ng tinatahol mo riyan? Lumabas ka nga rito!" boses ng isa sa mga lalaki.

Sinugod sila ng asong lobo. Kaagad naman na dinampot ng tatay niya ang hawak nitong patpat na kanina pa nito dala habang tumatakbo sila. Pero imbes na matakot ang hayop kaagad itong sumugod. At kahit nahampas ito ng tatay niya nagawa rin nitong sakmalin ang kanyang ama sa binti.

"'Tay!" hindi naiwasang sigaw niya sa pagkabigla.

Kaagad pumasok ang tatlong lalaki at ngising-ngisi nang makita siya. Hinila kaagad siya ng isa palabas. Wala itong kaingat-ingat.

Ilang putok ng baril ang narinig ni Celine kaya hindi niya maiwasang magwala nang husto. Panay ang luha niya habang pilit kumakawala sa lalaking hindi man lang natinag sa mga pagpupumiglas niya. Ito ang bumaril sa tatay niya. Wala itong puso!

"Itay!" malakas na sigaw niya nang balikan ito ng tingin at naliligo na sa sariling dugo. "Tama na! Pakiusap, 'wag n'yo na siyang saktan! Sasama ako!"

Binalingan niya ang mga ito at nagmamakaawa siya nang husto. Pero imbes na maawa kahit kaunti, nagtawanan pa ang mga ito na tila mga demonyong pinagkakatuwaan siya.

SLAVE TRADE: CELINE (PUBLISHED UNDER BLACK INK/ RED INK) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon