Kabanata II
Tagos hanggang butong lamig ang nagisingan ni Celine habang nakahiga sa malamig na semento ng isang may kadilimang selda. Nakakarinig siya ng patak ng tubig na hindi niya alam kung saang bahagi nanggagaling.
Ipinikit niya nang mariin ang mga mata. Nang maalala niya ang nangyari, kaagad na nag-unahan ang mga luha niya hanggang pumatak iyon sa sementong kinahihigaan.
Namaluktot siya sa sobrang lamig. Hindi niya akalain na ganito ang sasapitin niya. Hindi niya matanggap na ang maganda kahit simpleng pamumuhay nilang mag-ama ay matatapos lang sa isang gabi. Ang pinakamasakit pa doon ay nakita niya kung paano barilin ang tatay niya at walang awang pinatay. Wala man lang siyang nagawa para damayan ito o lunasan man lang.
Napamulat siya nang marinig ang pagbukas ng seldang kanyang kinalalagyan. Dalawang babae na may edad ang naangatan niya ng paningin. Pareho itong nakasuot ng mahabang puting-puting bestida na may taling kulay pula sa baywang.
Pumasok ang isang mas bata sa loob ng selda at itinayo siya. Marahil nasa apatnapu ito habang nasa limampu naman ang ikalawa. Namasdan niya ang maikling kulutang buhok nito habang mabagsik naman ang hitsura ng matandang babae na nasa labas ng selda at ipon na ipon ang nakataling buhok.
"Ilabas mo na 'yan, Flora."
Kasing-bagsik ng hitsura nito ang boses ng matandang babaeng may hawak na maraming susi.
Pilit siyang pinaglakad at pinauna ng babaeng tinawag na Flora hanggang makalabas sila ng selda. Para siyang presong sumusunod sa mas matandang babae at itinutulak naman ng isa kapag nababagalan na ito sa kanyang paglalakad.
Nakikita niya ang dinadaanan nila pero wala doon ang isip niya.
Pakiramdam ni Celine pinipiga ang puso niya tuwing naaalala ang tatay niya. Namatay nang maaga ang nanay niya. Sabi ng tatay niya dalawang taon lang siya nang mamatay ito dahil sa isang sakit na hindi kaagad nalunasan dahil mga simpleng mediko lang ang mayroon sa isla nila. Iyong natuto lang nang kaunti, dahil kung may natuto man at naging magaling sa panggagamot, hindi na iyon nananatili sa isla at paniguradong pupunta na iyon sa mauunlad na lugar kagaya ng Capital of Prima Vera kung saan mas magiging maunlad ang buhay nito.
Ang ibang selda ay may mga kababaihan ding laman. May naririnig siyang mga hikbi at pagmamakaawa na paalisin sa lugar na iyon pero kahit gawin niya rin ang pagsigaw na iyon, alam ni Celine na wala na rin namang mangyayari.
Sa isipan niya naroon na ang kagustuhan niyang magpakamatay. Hindi niya hahayaang gawing laruan nang kung sino ang pagiging babae niya lalo pa at sinabi ng tatay niya na ang babae ay hindi dapat sinasaktan kundi inaalagaan. Kaya nga humanap siya nang ganoong uri ng lalaki. At hindi niya matatagpuan iyon sa lugar na kinalalagyan niya ngayon.
Madilim ang dinaraanan nila, ang mga ilaw sa sulo ang nagsisilbing liwanang sa madilim at malamig na lugar.
Muntik na siyang bumagsak kung hindi lang siya nahawakan ni Flora. Sumunod lang kasi siya nang sumunod. At dahil wala doon ang isip niya, hindi niya napansin na paakyat na sila sa hagdanan.
Tumungtong siya sa magaspang na batong hagdanan. Hindi na niya ininda ang lamig ng talampakan dahil sa lamig ng magaspang na bato. Manhid na manhid ang pakiramdam niya habang bagsak nang bagsak ang mga hindi maawat na mga luha.
Nang makarating sila sa itaas nang paikot na hagdanan, isang pintuan ang binuksan ng matandang babae at pumasok ito sa loob bago siya binalingan.
"Dalian mo!"
BINABASA MO ANG
SLAVE TRADE: CELINE (PUBLISHED UNDER BLACK INK/ RED INK)
Fantastik#SLAVETRADE ( DARK FANTASY ) Panahon kung saan ang kagandahan ay isang pasakit sa mga kababaihan at kalalakihan na nagiging alipin nang isang organisasyong kilala bilang SLAVE TRADE.