sabi nila napakatalas ng aking memorya, sa pagkakabisa ako raw ay nangunguna. sa mga numero at letra wala na akong problema, mataas na marka ay aking natatamasa. ngunit, alam kaya nila na mas kilala na kita, mga bagay na sinasabi mo ay tandang tanda ko pa, bawat sagot sa mga katanungan, sa isipan ay naitatak ko na.
kabisado na kita. mula sa paborito mong banda, mga kanta na iniiyakan mo mula sa kanila. sorbetes naman ang nais mo sa tuwing hindi mo na kaya, hindi ba? tanda ko pa na tuwing umuulan ay masaya ka, sapagkat magkakaroon ka ng sapat na oras upang magbasa. mahilig ka nga rin pala sa mga makata, ako rin ba ay hilig mo na?
nakakabigla sapagkat sa pagsusulat hilig na hilig ko ang mga kuwento na iiyakan nila. ngunit, nagbago ang lahat noong makilala kita, nais ko na ang magsulat ng mga bagay na magdudulot ng kilig at guguhit ng ngiti sa mga labi ng makababasa. aking aaminin na aking hiniling sa mga bituin na tayo naman ang maging bida.
kilala na kita, ngunit nais na mas kilalanin ka pa. walang labis at walang kulang na pag-unawa. iyong ibahagi sa akin ang mga bagay na hindi mo masabi sa kanila at pangakong mauunawaan at iingatan sa abot ng aking makakaya, ang makilala ka ay magdudulot ng walang humpay na ligaya.
sapagkat ang kilalanin ka, ay ang mahalin ka.
YOU ARE READING
WHEN LIFE GETS BLUE
PoetryThose random urges to write down everything to keep yourself busy and clean:)