Entry #26

5 2 0
                                    

"PAGTINGIN"
Ms_rainism

Oh ginoo, kailan nagsimulang mag-iba ang tingin ko sa 'yo?
Mula sa mga normal na bagay, ngayo'y may kakaiba na itong kahulugan
Mga kilos mong nagbibigay kuryente sa dibdib kong hindi magkamayaw
Tila ako'y lumulutang na dahil sa pakiramdam na ito

Isang tingin, isang sulyap
Ngiti'y abot na sa himpapawid
Isang tawa, isang ngiti
Lumalambot na ang tuhod

Iyong mga mapang-asar na ngiti,
Iba na ngayon ang epekto
Pinipilit ikubli ang nararamdaman,
Pero mas lalong sumisibol

Isang tawag, isang bulong
Kailan mo maririnig ang hiyaw ng puso kong nagsusumamo?
Isang hawak, isang yakap
Kahit magkalapit na ay hindi mo pa rin ako makita

Marahil ay sa iba ka nakatingin,
Kaya't hindi mo magawang pansinin
Sandali, paano mo nga ba maririnig,
Kung may ibang tinitibok ang puso mo?

Isang luha, isang hikbi
Tama na ang pagpapahirap sa pusong sawi
Isang pahid, isang punas
Hayaan na lang na lumipas

Salamat sa pagkakataong nagpangiti at nagpalumbay sa akin
Asahan mong mananatiling magkaibigan pa rin tayo
Susuporta pa rin ako sa bawat laban mo,
Hanggang sa manalo ka't matagpuan mo siya

Whispers of Unrequited AffectionWhere stories live. Discover now