Kabanata 2

21 1 0
                                    

Pagkalipas ng ilang araw ay hindi sinasadyang muling nagkita ang magkaibigan, at dahil nagtatampo si Carlito sa kay Dandoy kung kaya't hindi niya ito noon pinupuntahan. Nagulat na lang siya nang magkasabay sila sa iisang tricycle na papunta ng kanilang bayan.

"Pre patawarin mo na ako, hindi ko naman 'yun sinasadya." hingi ng despensa ni Dandoy kay Carlito.

Napakamot na lang sa ulo niya si Carlito dahil mas lalo siyang naasar sa kaibigan. Sa kanyang paningin ay parang nakangiti ito na kagaya ng aso habang nanghihingi ng tawad sa kanya.

"Walang hiya naman pare, parang inaasar mo pa ako sa mga ngiti mo!"

Inakbayan na siya ni Dandoy.

"Sorry na talaga pare..."

Pagdating nila sa palengke, kaagad na pinamili ng dalawa ang pakay nila. Nang sila ay napadako na sa pwesto ng mga tindang isda ay hindi sinasadyang may nakabangga si Dandoy na isang lalake. Matipuno ang pangangatawan nito at parang nasa kwarenta na ang edad. Humingi naman ng pasensiya si Dandoy dito.

"Pansensiya na ho, Manong."

Ngumiti lang ito at dali-dali ng umalis. Medyo na-weirduhan ang magkaibigan pero hindi na nila ito pinansin. Ipinagkibit na lang nila 'yun ng balikat.

Sa kanilang pag-uwi ay nadaanan nila ang grupo ng mga tao na nagkukumpulan sa tabi ng daan. Maingay sila at parang nagkakagulo pa. Napatigil ang tricycle na sinasakyan nila upang maki-usyuso. Nag-usisa ang driver nito sa mga naroon. Hindi pa nakuntento ang dalawa at pinili pa nilang bumaba nang mapansin nila na may mga pulis doon at may nakahandusay rin na katawan ng tao sa tabi ng kalsada. Dahil likas sa kanila ang pagiging usisero ay agarang napatanong si Dandoy sa malapit na Ale.

"Ano pong meron?"

"Naku, may mga bangkay daw ng tao na natagpuan ngayon lang. Nakakatakot ang hitsura ng mga biktima. Wasak ang tiyan nila at nawawala pa raw ang mga mata at lamang loob nila. Parang isang mabangis na hayop yata ang lumapa. Hindi lang iyon, pare-pareho sila ng hitsura ng pagkamatay."

Kinilabutan agad si Dandoy sa narinig. Lumingon na siya kay Carlito na parang may nais na ipahiwatig sa kaibigang kasama niya.

"Pare sa tingin mo sino kaya ang pumatay sa kanila?"

Umiling si Carlito.

"Wala rin akong alam pare. Halika na! Tinatawag na tayo ng tricycle driver. Aalis na raw tayo."

Noong hapon din ng araw na 'yun, habang nakatambay ang dalawa sa bahay ni Carlito nagkayayaan silang mangilaw ng mga hipon at isda sa malaking ilog.

"Doy, manghuli tayo ng pang-foodtrip natin. Lutuin natin ang mahuhuli pagkagaling nating mangilaw."

"Okay sige, sa bahay na lang din tayo magluto. Mga alas-siyete ay dapat naroon ka na para hindi tayo masyadong gabihin."

"Sige, pare."

Wala pa 'mang alas-siyete ng gabi ay dumating na si Carlito kina Dandoy.

"Pare ano 'yang dala mo?"

Napansin kasi ni Dandoy na may bitbit na eco bag si Carlito kaya tinanong niya.

"Kanin pare para mamaya pag-uwi natin ay naka-ready na."

Tumawa pa si Carlito.

"Ah, ganun ba?"

Nang maihanda na nila lahat ng gamit sa pangingilaw ay lumakad na ang dalawa. Hindi pa man sila nakakalayo sa pangingilaw ay nakakarami na sila ng huling hipon. Nagtataka ang dalawa kung bakit wala ni isang isda silang nahuhuli. Imposible na kasi iyon dahil sa malaking ilog na 'yun, kung saan sila nangingisda ay napakarami ng mga dalag dito at iba pang uri ng isda.

Ang Dayong GabunanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon