Kabanata 4

4 1 0
                                    

Kinagabihan tamang tambay lang sina Carlito at Dandoy sa paborito nilang tambayan sa tabi ng kalsada, sa ilalim ng mayabong na puno ng mangga na hitik sa mga bulaklak.

"Pare anong plano natin bukas?" tanong ni Dandoy sa kaibigan.

"Ano pa nga ba? Hay. Hahanap pa rin ng pwede nating pagkakitaan. Masama lagi ang timpla ni Tatay kapag hindi karne ang ulam eh." hinaing ng problemadong si Carlito, "Bukod sa wala ng ginagawa panay pa ang inom eh, napakatamad naman gusto pa laging karne ang ulam."

"Hayaan mo na lang pare kaya nga tayo naghahanap ng trabaho para may pangkain tayo." kumbinsi ni Dandoy.

"Alam mo Doy buti ka pa napaka-swerte mo sa iyong Nanay, maaga man nawala ang tatay mo mas lalo ka pa niyang inalagaan at pinahalagaan, samantalang ako mula ng mawala ang Inay nagkaganoon na si Tatay."

"Ang drama mo naman pare, baka mag-iyakan na tayo dito."

Tumawa lang si Carlito sabay hampas ng pabiro sa likod ni Dandoy. Maya-maya pa ay nag-aya si Dandoy na maglakad-lakad para malibang naman ang kaibigan.

Noong napadako sila sa medyo madilim na parte ng kalsada biglang may humarang sa kanilang lalakeng kasindak-sindak ang itsura. Mabalahibo ang buong katawan at namumula ang mga mata. Dahil sa takot ng dalawa ay tila naging estatwa sila, gusto 'man nilang kumaripas ng tumakbo pero hindi nila 'yun magawa.

"Anong ginagawa n'yo dito? Ang titigas talaga ng mga ulo niyo!Sinabihan ko na kayo na huwag kayong lalabas pagkagat na ang dilim." seryosong wika ng lalake.

Dahil sa kanilang mga narinig ay bigla nilang naalala ang lalake sa sangahan ng ilog at 'yung lalake na nakabangga ni Dandoy sa palengke at ang tao o halimaw sa kanilang harapan ay iisa lang. Mas lalo pa silang kinabahan ng magsilabasan ang mga kasama nito sa likod ng mga puno na pareho ang hitsura.

"Sino kayo? Anong klase kayong mga nilalang?!" tarantang tanong ni Dandoy.

"Mga aswang kami, kakailanganin namin ang tulong niyo iho sa mga darating na araw. Sa ngayon ay umuwi na muna kayo at kami na ang bahala na humarap sa mga aswang na nagnanais ng inyong mga buhay."

Isang ihip ng usal ang ginawa ng aswang na nasa kanilang harapan ang nagpabalik sa kanilang mga wisyo. Mabilis na silang kumaripas sa pagtakbo papalayo sa grupo.

"Takbo Carlito, ang dami nila!" takot na takot sigaw ni Dandoy.

"Oo Doy, bilis!" hinihingal na sagot ni Carlito, "Tulong mga kapit-bahay, may mga aswang!"

Dahil sa kanilang mga sigaw ay natatarantang nagsilabasan ang mga kalalakihan sa kanilang baryo.

"Anong sinisigaw-sigaw n'yo diyan?" tanong na may galit ni Rolan na kaibgan ni Mang Elmer.

Nag-iinuman ang mga ito kasama ang ilang barkada nila at medyo may tama na ng alak sa katawan.

"Pareng Elmer, sila Carlito at si Dandoy pala ito..." wika ni Rolan.

"Hoy kayong dalawa, lumapit nga kayo dito sa akin!" payapay pa ng kamay ni Rolan sa dalawa, "Anong sinisigaw-sigaw n'yo ha?"

"Mang Rolan may mga aswang ang dami nila! Nakita namin sila doon sa madilim na parte malapit sa kagubatan." namumutlang sagot ni Dandoy na nanginginig pa ang labi.

"Aswang?"

Malakas ng tumawa si Mang Rolan.

"Kayo ba ay mga sira ang ulo o baka naman ay nag-aadik kayo?"

Bumaling pa ito sa kainuman.

"Pareng Elmer mukhang nag-aadik itong dalawang magkaibigan."

"Hindi po Itay talagang may aswang nandyan na sila, umuwi na po tayo!" pag-aaya na ni Carlito sa ama.

"Lumayas ka nga sa harapan namin, mga bwiset kayo! Sarap-sarap ng inuman namin dito kung anu-ano ang mga pinagsasabi n'yo!"

Kasunod noon ay malakas na tinadyakan na ni Mang Elmer si Carlito. Kitang-kita ni Dandoy ang reaksyon ni Carlito na nasaktan.

"Tara na, Carlito umuwi na tayo." agarang hila ni Dandoy sa kaibigan paalis sa pwesto ng mga nag-iinuman.

Bago umalis ay pasimpleng binuhat ni Dandoy ang isang piraso ng ginataang hito na pulutan ng mga nag-iinom. Itinago niya 'yun sa likod niya at lumapad pa ang ngisi nito habang papaalis sila roon.

"Aba'y sira-ulo ka talaga Dandoy, walang modo ka talagang bata ka! Pulutan namin 'yan, hoy! Ibalik mo 'yan dito!" kunot na ang noong sigaw ni Rolan.

Nagtawanan lang ang dalawang magkaibigan nang marinig ang mga sinabi nito.

Ang Dayong GabunanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon