Habang si Carlito ay nagluluto ng kanilang pananghalian ay nagulat s'ya ng may biglang kumalabog sa kanilang bubungan. Sa gulat niya habang nagluluto ay natapon ang isang hiwa ng karne na kanyang inaadobo.
"Lintik ano 'yun?"
Pagbukas n'ya ng pintuan sa likod ay bumungad sa kanyang harapan si Dandoy na malapad ang ngiti.
"Pareng Carlito para naman yatang masyado kang magugulatin."
"Putcha naman pare!" kamot nito sa ulo, "Nagkanda-tapon ang niluluto ko nang dahil sa'yo! Pasalamat ka wala si Tatay dito dahil kung hindi ay hahabulin ka ng taga noon."
"Siya nga pala Carlito nabalitaan mo na ba 'yung mga natagpuan na bangkay doon sa sangang ilog?"
"Oo nga pare, doon pa naman tayo nakarating kagabi. Mabuti at wala pa 'yung mga bangkay doon, 'no? Ano kaya ang nangyari kung tayo na mismo ang nakakita sa kanila?"
Sandaling nanahimik ang dalawa. Hindi nila matukoy sa sarili kung ano ba talaga ang kababalaghang bumabalot sa kanilang baryo.
"Doy hindi kaya totoo ang mga sinabi noong lalake doon sa ilog?"
"Oo pare, pero sandali lang sa tingin ko ay sunog na niluluto mo."
"Patay puro ka kasi kwento eh!"
Mabilis na inahon ni Carlito ang kanyang niluluto na bahagyang nasunog. Kinabahan na siya dahil paniguradong mapapagalitan s'ya ng kanyang ama kapag nagkataon.
Noong mga oras na 'yun ay nagpaalam na muna si Dandoy sa kaibigan para umuwi ng bahay. Nagkasundo ang dalawa na sila ay pupunta sa kabilang baryo para maghanap ng pag-e-extrahan.
Pagkatapos na mananghalian ay muling nagkita ang magkaibigan na ayon sa kanilang napag-usapan kanina. Sa kanilang paglalakad ay napag-usapan ng dalawa ang nangyaring krimen sa baryo kagabi.
"Carlito sa palagay mo sino ang gumagawa ng mga patayan?"
"Ewan ko, hindi ko pa sigurado. Sa ngayon ay blanko pa rin talaga ako kung sino man ang may gawa ng krimen. Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko pare, ayon sa aking ama ay hindi hayop ang may gawa kundi mga aswang."
Nagulat si Dandoy sa kanyang mga narinig, nauutal pa ito habang nagsasalita.
"A-Ano pare aswang? Kung totoo sila saan naman galing ang mga 'yan?" takot na tanong ni Dandoy.
"Ewan ko pare parang ang hirap paniwalaan. Aswang? Totoo ba sila? Eh wala naman ganoon sa ating baryo dahil dito na tayo pinanganak kaya malabo 'yun."
Pagdating nila sa kabilang baryo ay kaagad naman silang nakahanap ng pwedeng pag-extrahan. Mayroon kasi doong magpapalinis ng kanilang bakuran na mataas na ang damo. Napagkasunduan ng magkaibigan na kinaumagahan na sila magtra-trabaho at alanganin na rin namn ng mga oras na 'yun.
Sa kanilang paglalakad pabalik ng kanilang baryo ay nasalubong nila ang isang pamilyar na mukha. Naalala ni Dandoy na ito ang kaniyang nakabangga sa palengke.
"Magandang hapon po, Manong. Hindi po ba at kayo 'yung nabangga ko sa palengke? Pasensya na po talaga." muling wika ni Dandoy.
"Ayos lang iho sa susunod ay mag-iingat ka na." tugon ng lalake.
Nilagpasan lang sila nito na nagpatuloy na sa paglalakad. Nakakailang hakbang pa lang ito nang biglang tumigil at nagsalita.
"Sa mga susunod na araw ay mas magiging malala pa ang mga pagpatay dito at sa mga kabilang baryo. Mag-iingat kayo sabihan mo ang mga kabaryo n'yo na huwag lalabas sa gabi."
"Ano po 'yun Manong?" naguguluhan na tanong ni Dandoy, kinuha na rin niya ang pagkakataon para magtanong. "Sino po ba ang nasa likod ng mga pagpatay?"
"Mga aswang. Mga mababangis na aswang na sasakop at papatay sa inyong lahat na nakatira sa baryo."
Nakaramdam ng kakaibang kilabot sa kanilang mga katawan ang mag kaibigan sa mga narinig. Magsasalita pa sana si Dandoy ng mapansin n'ya na umalis na ang lalake.
"Sa palagay ko pare parang totoo lahat ng sinasabi noong lalake," sambit ni Dandoy. "Ano sa tingin mo Carlito sasabihan ba natin ang mga ka-baryo natin?"
"Wag muna pare wala pa tayong siguradong impormasyon. Pagkakamalan lang tayo na nag-aadik ng mga 'yun o di kaya ay wala tayo sa tamang katinuan."
Nagpatuloy na sa paglalakad ang dalawa pauwi sa kani-kanilang bahay. Dakong alas-nuebe na ng gabi ng mga oras na 'yun. Habang naglalatag ng higaan si Dandoy ng biglang parang may nalaglag sa kanilang bubungan nagtaka ang binata dahil wala namang malapit na puno sa bahay nila. Nanindig na ang balahibo n'ya ng sunod-sunod na alulong ng aso ang narinig n'ya.
Takot man ay bahagya s'yang sumilip sa siwang ng kanilang bintana. Natanaw niya ang grupo ng mga kalalakihan na naglalakad na may mga bitbit na sa palagay n'ya ay itsurang tao na nakahubad. Nang may biglang may mag wika ng...
"Anak matulog ka na, maaga ka pa bukas. Ano ba ang sinisilip mo diyan sa labas?" tanong ng kaniyang ina na si Aling Melita.
"Ah, 'Nay may mga tao po sa labas na naglalakad. Marami po sila at parang mayroon 'ding mga bitbit."
"Naku anak, matulog ka na at sigurado akong mga magsasaka lang ang mga 'yun. Baka ginabi sa pag-aani."
Tumango lang si Dandoy at parang nagdududa sa mga nakita sa labas. Ipanagkibit-balikat niya lang ito at kaagad na rin siyang humiga upang matulog. Baka tama ang nanay niya.
Kinaumagahan ay nagising si Dandoy dahil sa mga taong nagkakagulo sa harap ng kanilang bakuran. Tinawag n'ya ang kaniyang ina ngunit wala s'yang narinig na tugon mula dito. Paglabas n'ya ng bahay nakita niya ang mga kapitbahay nila at si Carlito na kasama ni Aling Melita. Nang makita naman siya ni Carlito ay lumapit agad ito sa kanya.
"Doy mayroon na naman pinatay na mga taga centro at dito sa tapat n'yo natagpuan ang mga bangkay."
"Ano?!" bulalas ni Dandoy.
Mabilis na siyang tumakbo papunta sa kaniyang ina.
"Inay ano pong nangyayari?"
"Diyos ko anak may mga pinatay na naman!"
"Inay, mga aswang po ang may kagagawan nito."
"Tama ang anak mo Melita, aswang ang may kagagawan lahat ng pagpatay dito at sa mga kalapit na baryo natin." pagsang-ayon ni Mang Elmer na tatay ni Carlito.
Dahil sa mga pangyayari ay hindi na umabot sa takdang oras ng trabaho ang magkaibigan pero tumuloy pa rin sila. Pagdating nila sa sa kanilang pagta-trabahuhan ay nagtaka sila dahil parang ang daming tao na abalang-abala sa kani-kanilang mga ginagawa.
"Tao po?!" sigaw ni Carlito.
"Ano po 'yun?"
"Kami po 'yung mag-ta-trabaho ngayon nakausap po namin 'yung may-ari nitong bahay kahapon."
Bahagyang natigilan ang babae at parang naluluha na tumingin sa kanila.
"P-Patay na si ama," malakas na hagulgol ng dalaga, "Kinuha siya kagabi ng mga halimaw habang kami ay natutulog. Kaninang umaga ay natagpuan ang bangkay n'ya na luray-luray sa may tabi ng ilog."
Hindi mapigilan ng magkaibigan na kilabutan sa balitang kanilang narinig. Gulantang man ay hindi pa rin nila maiwasang manghinayang. Pera na kasi 'yun naging bato pa. Ganunpaman ay kailangan nilang i-respeto ang pamilya ng namatayan. Hahanap na lang sila ng ibang trabaho at mapagkakakitaan.
BINABASA MO ANG
Ang Dayong Gabunan
HorrorNabulabog ang tahimik na baryo kung saan nakatira ang mag-inang Dandoy at Melita nang mayroong hindi kilalang pamilya ang dumating doon at nanirahan sa lugar nila. Nagsimulang magkaroon ng hindi maipaliwanag na mga krimen at patayan na kahit sino an...