Nilisan ni Ina

197 6 4
                                    

                  

Paano mo nga ba malalamang may kulang pa?
Dahil kung basehan lamang ang buong pamilya,
Hindi na ako, mabubuo pa.
Lalo na't nilisan na ko ni Ina.

Sabi ko noon, poot aking nadarama
ni ang masilayan ka'y di ko magagawa.
Tadhana'y di napigil, tayo'y pinag-adya
ipinagkasundong magkakilanlan na.

Sabi ko pa, sayo'y hinding-hindi pipisan
susog na rin ng galit na pinapasan.
Ngunit kapalaran natin ay pinaglaruan.
Bakit mo nga ba ako iniwanan?

Sabi mo, pasasalamat sa may laan,
hinding-hindi mo ito malilimutan.
Ito'y iyong pinakaiintay na sandali
pinagbigyan na magkasamang muli.

Sabi ko pa, walang sapat na dahilan
ang makabubura ng sakit ng paglisan.
Ngunit kahit galit, saki'y hindi pumanig,
ininda ang puso mong puno nang sakit.

Sabi ko pa, hindi kita mapapatawad,
ilang luha man ang saki'y iyong igawad.
Ngunit isang iyak mo lang ng hinagpis,
nalusaw na lahat ng tinitiis.

Sabi mo sa akin, kahit ika'y sigawan
masabi ko lang aking nararamdaman.
Ako sayo'y maraming nais na isigaw,
isa ang paghihirap na umaalingawngaw.

Sabi mo pa, gusto mong lang makamit
isang pagtanggap na sayo'y ipinagkait.
Hindi madaling mapawi lahat ng pait,
ngunit para sayo, ibabaon ko ang galit.

Inihayag mo na ako'y mahalaga sa'yo,
'di maitutumbas kahit sa mahal na bato.
Lingid sayong kaalaman ika'y mahalaga
kahit pangungulila'y 'di ko inalintana.

"Mahal kita anak", yan ang iyong sambit,
"kahit kailan tayo'y di na magkakawaglit."
Ina, sa palagay ko ika'y nagkakamali
mahal kita, kahit ako'y yong nilisan dati.

Ang puso ko ay di na magdaramdam.
Sawa na rin akong laging nanghihiram,
ng salapi, ng pagmamahal, ng kaagapay,
ng inang aking syang dapat karamay.

Ang puso ko'y aligaga sa nadarama,
kaligayahan pala ang ating tinatamasa.
Ngunit gaya ng lahat ng huling linya,
baon na lamang ay masasayang alaala.

Hinahanap ka ng isang binatang lalaki,
narinig ko, tinawag ka nyang momski.
Ang tawag nya sayo'y nakakamangha.
Kilala mo ba sya? Bakit ka nagtataka?

Damit ko'y hinihila ng batang mayaman.
Tinitigan ko ang mata sa aking harapan.
Sa mata nya, nasasalamin ko ang sarili,
ang mga mata namin ay tumatangis?

Pinilig ang ulo, pilit na iniisip kung sino.
Malakas ang pagkakahigit sa damit ko,
yumuko at napatitig sa isa pang pares,
pares ng mga matang saki'y kawangis.

Alam ko namang sila'y mga kapatid ko,
iniintay ko lamang na sambitin mo,
na maipakilala din ako bilang anak mo.
Ina, ipinagmamalaki mo rin ba ako?

Malungkot na katahimikan ang sa ati'y bumalot.
Mga kilay nila ay sa akin nakakunot,
"Anak aayusin ko lamang ang gusot
ako'y babalik matapos ang sigalot."

Ang huli kong narinig mula sa'yong labi,
kung saan nagmula ang lahat ng pait,
na napagpasyahang ako'y lisanin muli,
babalikan at sa ngayo'y isinasantabi.

Natapos na ang ilang taong ipinangako.
Mga pangakong tuluyan nang napako.
Ibinaon at nilimot kasama ng panahon.
Tingin ko'y hindi na ako makakaahon.

Ikaw ba ay isang bingi at iyong naatim,
napakalakas na sigaw ng aking hinaing?
Pakinggan mo ngayon aking sinasabi,
naisin mo lang na ako ay pansinin.

Naaalala mo pa ba mga pangakong sinambit?
Naaalala mo pa ba mga medalya kong nasungkit?
Nasaan na ang mga sulat na kinikipit?
Nawala at napalitan ng luha kong impit.

Ganito yata talaga ang iyong igaganti,
sa lahat ng aking minimithi.
Wala namang ibang hinihingi,
kundi pagmamahal mong tinatangi.

Ngunit ganito talaga ang kapalaran,
tatanggapin ko ang kinabukasan.
Anuman ang pagdaanan,
akin itong malalampasan.

Sakaling ako'y maisipang balikan,
Bukas lagi ang pintuan,
Kailan man di magagawang pagsarhan
Dahil mahal kita kahit ako'y nilisan.

©marikitdreams, 2015

Sampung Maskara ni AnakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon