Juan, iyan ang aking pangalan
Tubong Barrio Bakawan
Lumaki sa piling ni Ina
Nilisan at iniwan ni Ama.Natatandaan ko pa ng ika'y nagsabi,
Tinawag ako at pinalapit
Sabi mo ika'y may sasabihin saglit
Kaya ako'y sumunod at lumapit.Binigla mo ako sa iyong sinambit
Pupunta ka sa Kuwait
Magtatrabaho at magbabaka sakali
Darayo para sa salapi.Lumipas ang panahon ako'y napag-aral mo
Lumipas pa ang panahon na naging binata na ako
Lumipas pa ang mas mahabang panahon ng iwan mo ako
Lumipas na ang ilang dekada, nasaan ka na ama ko?Hinanap ka namin ni Ina
Tinawagan ang lahat ng kakilala
Dating kasamahan at kaibigan
Ngunit kahit sila ay hinanap ka kung saan.Ano ba ang nangyari sayo ama?
Minaltrato ka ba ng dayuhan?
Pinahirapan at inalipusta na lamang?
O sadyang kami'y kinalimutan mo na lang?Nanawa ako kahahanap sa'yo
Hindi ka na babalik gaya ng pangako mo
Kaya sa mga ama ng kaibigan ko, nakiamot ako
Oo, nakiamot ako ng ama sa ibang tao.Nagkasakit si Ina na syang naging aking ama at ina
Pagmamahal ko sayo ay ubos na
Sana maisipan mong bumalik pa
Nanghihina si Ina dahil wala ka.Nagdaan ang araw na tinakda
Kinuha sa akin si Ina
Ni hindi ka man lang nagpakita
Ni anino mo ay nasaan na?Marami na ang naganap sa buhay ko,
Lahat ng sakit at pait ay nilimot ko
Kahit ang ama na tulad mo, itinakwil ko
Dahil nasaan ka ng nag-iisa ako?May babaeng nagmahal sa akin
Nagbigay tahanan sa puso kong sawi
Nagbigay init sa gabing malamig
Bumuo sa katauhan kong gula-gulanit.Hindi naglaon kami'y nagpakasal,
Nagkapamilya at nagsumikap,
Para sa isa't-isa kami'y nariyan
Hindi gaya mo na nang-iiwan.Mayroon akong anak na babae
Iniingatan ko sya at ang kanyang ate
Binalaan na huwag lalapit
Doon sa pulubi sa may parke.Kinahapunan nadatnan ko ang matanda
Nakaupo sa may labas sa may bintana
Gula-gulanit ang damit at may saklay
Sintu-sintong walang kaakay.Pinaalis ko ang matanda sa may daanan,
Sapagkat malaki syang pangharang,
Sa daan ko siya'y sagabal
Sa pamilya ko siya'y nakakagimbal.Hinila ko sya at itinulak,
Baka aking pamilya ay mapahamak
Sa kamay ng di kilalang lalaki
Na nakaharang diyan sa tabi.Kinabukasan ay muli tayong nagkita
Umiiyak bunso kong si Anita,
Labis ang galit sa nakita,
Ano ang ginawa mo sa kaniya?Binilinan kita ng mahigpit
"SA AKING ANAK HUWAG KANG LALAPIT!"
Lumayo ka ng tumatangis,
Paika-ikang ika'y umalis.Hindi ko naman mawari,
Kung bakit kinabukasan ay hanap parin,
Hinanap kita sumandali,
Ngunit nanaig aking pagkamuhi.May isang lalaking lumapit,
Nagtanong tungkol sa lalaking pulubi.
Sinagot ko ang kanyang katanungan
Umiling sya at nanghinayang.Hindi ko mawari ang kanyang reaksyon,
Kaya't minabuti kong tanungin,
Pinagbigay alam nya sa akin,
Nabunggo at namatay ang matandang gusgusin.Nakita sa kanya ang isang litrato,
Hawak-hawak nya bago mabunggo,
Sambit ang ngalan na Juan Antonio,
Pangalan na binigay sakin ng ama ko.Sa litrato ay isang lalaki at bata,
Mukha silang masaya na mag-ama,
Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso,
Naalala ko ang mahal na ama ko.Ng mapagsino ko ang mga taong yaon,
Binagabag ang aking isip at puso,
Hinanap ang litratong kapareho sa akin,
Doon napatunayan ko ang agam-agam sa damdamin.Napag-alamang limang taon ng nakauwi,
Nangulila at nabaliw,
Nasira ang iyong ulo sa Kuwait,
Kaya pagdating ay pulubi.Kalunos-lunos ang iyong sinapit,
Sa pagsubok ng buhay sa atin,
Hindi man lamang kita nahapit,
O nayakap na napakainit.Lukso ng dugo ang malimit na tawag dito,
Ramdam ko ang pagmamahal mo.
Ngunit huli na ang lahat,
Wala ka na sa piling ko.Muhi ang nadarama sa puso,
Napakaitim ng budhi ko!
Paano ko nagawa iyon sa'yo?
Alibugha akong anak mo.Patawarin mo ama ko,
Sa pagtatakwil ko sa iyo.
Patawarin mo ang anak mo,
Anak mong nagkulang sa iyo.Sana mapatawad din ako,
Ng iyong mga apo.
Sana mapatawad kong muli,
Ang sarili kong nagkamali.Ama nasaan ka man,
Nawa ay iyong matandaan,
Ako na anak mong si Juan,
Ama, mahal kita, magpakailanman.(c) marikitdreams, 2015
(READ: Picture's not mine. Credits to the owner. Source: Pareng Google)
BINABASA MO ANG
Sampung Maskara ni Anak
Poesia"Ginawa nila ang lahat para sa kapakanan mo, Kaya ikaw na anak, mahalin mo ang magulang mo." Paano kung ako ang hindi mahal ng magulang ko? Anong gagawin mo sa mga taong gaya ko? Inalipusta ako ng mapait na kapalaran ni mundo. Kahit kailan hindi ako...