Talipandas

15 1 0
                                    

Malamig na rehas,
Sahig na maaligasgas,
Basta na lamang isinalampak,
Sa lugar para sa mga alibughang anak.

Isa ako sa salot ng mundo,
Mayamang anak ng pulitiko.
Ngunit labas masok
Sa nakakasulasok na piitan ng San Idelfonso.

Ibigay ang hiling,
Dahil iyon ang kapalit,
Ng oras na hiram,
Paglilingkod sa sambayanan.

Ipupusta ko aking Aston Martin,
Kung ako'y kanilang dadalawin.
Hindi nila yan gagawin,
Madudungisan pangalan na inangkin.

Batas kayang bayaran,
Upang pangala'y huwag madumihan.
Karangalan bago katapatan,
Talo ng rangya ang hustisyang nakadapa.

Hindi mo kilala angkan ko,
Tingin mo ba kilala nila ako?
Sila ba kilala ko?
Tinatakwil pagkat talipandas ako.

Naging pariwara upang makuha
Ang pag-alo ni ina,
O kahit tapik ni ama,
Ngunit kahit mata, iniiwas na.

Ako ang makasalanang anak
Ng mga pulitikong si Inang bayan
At Amang lipunan.
Pinabayaan para paglingkuran ang nasasakupan.

Talipandas na anak.
Talipandas na mamamayan.
Talipandas sa lipunan.
Huwag kang magbalat kayo, talipandas ka rin!

Sa'yo na lang ang posisyon at yaman,
Ibalik mo lang aking magulang.
Ama't ina, ililigtas ko kayo.
Kaya hayaan nyo akong gumaling.

Inaamin ko, mali man ang paraan,
Baluktot man ang dahilan,
Kung ito lang ang paraan,
Gagawin kong dahilan.

Mula sa sakit na dulot ng bisyo,
Hanggang sa paggaling ng puso.
Pakatandaang, talipandas man ang turing,
Ako'y anak na nagmamahal pa rin.

©️marikitdreams


Litrato: Mula sa www.shuttershock.com/1012787206

Sampung Maskara ni AnakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon