CHAPTER FIVE
“IWASAN mo munang magkikilos, Ingrid. Lalo ka lang masasaktan niyan.”
Sinulyapan niya ang kanyang ina. Hindi siya mapakali sa nakasemento niyang braso. Mabigat iyon at hindi siya sanay na may sagabal sa alin mang parte ng kanyang katawan. Kasalukuyan siyang nasa ospital noon. Doon siya dinala makaraang mahulog siya sa bisikleta. Ayon sa resulta ng kanyang X ray, may fracture ang kanyang buto sa braso na nag-cushion ng kanyang bigat nang mahulog siya. May mga pasa at galos din siya sa ibang parte ng kanyang katawan ngunit maliban doon ay wala naman daw siyang malalang pinsala.
“Kaya ko ang sakit, Ma. Kailangan ko lang sigurong masanay sa sagabal na ito sa braso ko. Bakit hindi muna kayo kumain? Nag-skip na kayo ng lunch kanina.” Gusto na sana niyang pauwiin ito dahil nangangalumata na ito. Halos hindi ito nakatulog nang nagdaang gabi dahil sa pagbabantay sa kanya.
“Mamaya na kapag dumating si Gretchen para may magbabantay sa ‘yo,” tanggi naman nito.
“I can manage alone, Mama. Sige na, kumain na kayo sa canteen.”
Nasa ganoon silang pag-uusap nang makarinig siya ng katok sa pinto. Si Earl Miguel ang iniluwa niyon. May bitbit itong basket ng mga prutas. Binati muna nito ang kanyang ina, ibinaba sa side table ang basket, bago bumaling sa kanya.
“How are you feeling, Miss Cute?” anitong naglimayon agad ang mga mata sa kanyang kabuuan na para bang hinahanap kung may makikita itong panibagong problema roon. “Kaya ba ng pain killers ang sakit?” Marahan nitong hinaplos ang braso niyang sinemento.
“Yeah, there’s no need to worry now. Maliban dito,” turo niya sa naka-sling na braso, “I feel fine.”
“Buti na lang, matapang ka. Kung hindi, lalo akong magi-guilty.”
Sa halip na sagutin ito ay binalingan niyang muli ang ina. “Mama, puwede na n’yo akong iwan, may kasama na ako. Kumain muna kayo.”
“O siya, sige, hijo, bahala ka na muna kay Ingrid. Sandali lang ako.”
“Sige po.”
“I’m sorry,” halos magkasabay nilang sabi ni Earl Miguel nang lumapat ang pinto paglabas ng kanyang ina. Sabay rin silang natawa sa kanilang ginawa.
“It was foolishness on my part, I admit,” pagkuwa’y sabi niya. “Hindi ko dapat binilisan ang pagpapatakbo ng bike dahil nag-aaral pa lang naman ako.”
“I was watching you from a safe distance. May pinag-uusapan kayo ng papa mo bago iyon nangyari. May nasabi ba siya kaya ka nag-react nang ganoon?”
Hindi siya agad makasagot. Nakatitig ito sa kanya na para bang nababasa nito ang kanyang iniisip. “Mabigat daw ako at hinihingal siya sa pag-alalay sa akin,” aniyang inilihis sa mga mata nito ang tingin, sabay kibit ng balikat.
Ilang sandali itong natahimik kaya muli siyang napatingin sa mga mata nito. “You’re not a good liar, Ingrid. I saw you crying at galit ang mukha ng papa mo. He did upset you kaya mo nagawang patakbuhin nang mabilis ang bisikleta. Sising-sisi ako na iniwan pa kita. Hindi ka sana nasaktan.”
“Aksidente iyon though I was partly to blame. Pareho nating alam na wala kang kasalanan. Let’s not talk about that, please,” hiling niya dahil parang maiiyak na naman siya.
“Okay.” Umayos ito nang upo sa silyang binakante ng kanyang ina. Hinagud-hagod nito ang kanyang buhok. “I’m sorry if my plans didn’t turn out well. Gusto ko lang namang magkalapit kayong mag-ama—”
“Mig, please.”
“Well, ako na lang pala ang lalapit sa iyo. Palalapitin mo ba ako?”
Natawa na naman siya. “Nakalapit ka na nga, eh. At may magagawa ba naman ako kung sakaling tumanggi ako? Nakahiga lang ako rito, nakasemento pa ang kamay ko.”
YOU ARE READING
Baka Mahalin Kita by Dawn Igloria
General FictionBAKA MAHALIN KITA by Dawn Igloria Published by Precious Pages Corporation "You are great... beautiful inside and out... and so easy to please. With you, I can be myself. Just looking at you brings me so much happiness. Now tell me, paanong hindi kit...