CHAPTER SEVEN
UNANG araw ni Ingrid sa opisina mula nang maaksidente ay tambak na kaagad ang trabaho niya.
“Kasama ka sa trip ng staff sa Kalinga sa Friday,” pagbibigay-alam ni Bing sa kanya.
“Sumaglit ka rin sa Corregidor dahil hindi maganda ang kuha ni Igor no’ng Friday, maraming madidilim.” Si Igor ang kanilang artist at cartographer na rin sa Cruising.
“Lalo na ‘yong kuha niya sa Eternal Flame of Freedom, kailangan talagang ulitin. ‘Yong mga indoor shots lang niya ang pupuwedeng gamitin. Makulimlim kasi ang panahon no’ng magpunta kami ro’n, umaambon pa. Maganda naman ang panahon ngayon. Siguro magtatagal na ganito at makakakuha ka ng magandang shots doon bukas.”
Nadismaya siya. “Bukas na agad?”
“Kung puwede nga lang sana, ngayon na, eh. We’re already behind schedule. Frantic na nga si Ed,” tukoy nito sa editor in chief nila. “Ibibigay ko na lang sa ‘yo ang unedited pang copy ng article ko tungkol do’n para may idea ka sa mga dapat kunan. Tingnan mo na rin ang mga kuha ni Igor.”
Hindi siya nakaimik.
“May problema ba?” tanong ni Bing.
“Wala akong kasama?”
“Manghatak ka na lang ng makakasama. Busy lahat ang staff dahil anniversary copy ang susunod nating issue. Nagpa-book na ako for two sa Sun Cruises para sa day-tour nila for tomorrow. That way, hindi ka na mahihirapang libutin ang buong isla.”
Nakagat niya ang ibabang labi. Sinong makaka-sama niya? Martes pa lamang kinabukasan at lahat ng maaari niyang makasama ay may pasok. Wala naman sanang problema kung dati na niyang narating ang Corregidor. Ang kaso wala siyang alam tungkol sa isla maliban sa sakop iyon ng Cavite. Mapipilitan siyang pumunta roon nang mag-isa. Bahala na, pasya niya. Nakatayo na siya upang puntahan ang cubicle ni Igor nang tawagin siyang muli ni Bing.
“Bakit?” tanong niya rito.
“Mamomroblema ka ng makakasama, eh, bakit hindi na lang si Earl Miguel ang isama mo?” anitong nanunukso ang pagkakangisi.
Nakilala at naka-vibes agad nito at ni Terre si Earl Miguel noong nagpapagaling siya sa bahay. Kahit tutol noong una ang kanyang mga kaibigan sa kasunduan nila ng binata, bandang huli ay kinikilig na ang mga ito sa kanilang dalawa.
“Ano ka ba? Alam mong busy sa office ang isang ‘yon. Besides, ang dami-dami ko nang abala sa kanya mula nang maaksidente ako.”
“Huu, I’m sure, isang sabi mo lang do’n, papayag ‘yon. Halata namang he’s so eager to please you. Kayo na ba?”
Nilukutan niya ito ng ilong. “Usisera!”
TINAWAGAN siya ni Earl Miguel bago mag-lunch at kinukumusta siya nito.
“Eto,” sagot niya. “Tambak agad ang trabaho ko. Pupunta nga ako bukas sa Corregidor to shoot some scenes there.”
“Kaya mo na?”
“Kakayanin ko. Medyo stiff pa ang braso ko pero hindi naman mahirap igalaw.”
“Kasama mo ba si Bing?”
“Hindi, eh. Busy ang buong staff kaya mag-isa lang ako.”
“Kabisado mo ba ang lugar na ‘yon? Magbabarko pa papunta ro’n, ‘di ba?”
Gusto sana niyang magpasama rito ngunit nanaig ang rason sa isip niya. Hindi naman talaga niya ito manliligaw sa tunay na kahulugan ng salita. Nahihiya rin siyang abalahin ito. “Hindi pero nai-book na ako ni Bing sa ferry ng Sun Cruises. May tour guide naman pagdating sa isla kaya hindi siguro ako mahihirapan.”
YOU ARE READING
Baka Mahalin Kita by Dawn Igloria
General FictionBAKA MAHALIN KITA by Dawn Igloria Published by Precious Pages Corporation "You are great... beautiful inside and out... and so easy to please. With you, I can be myself. Just looking at you brings me so much happiness. Now tell me, paanong hindi kit...