Chapter Two

698 14 0
                                    

CHAPTER TWO

MALAKAS na tinig ni Severino Sta. Maria, ang ama ni Ingrid, ang sumalubong sa kanyang pag-uwi sa bahay. Bukas ang pinto ng den kaya dinig na dinig ang boses nito hanggang sa sala. Pinagsasabihan nito ang bunso niyang kapatid na si Gretchen. Nakamasid naman sa isang panig ang kanyang ina na si Dolores na puno ng agam-agam ang mga mata. Tahimik siyang lumapit sa mga ito at nagmano. Iniabot lang ng kanyang ama ang kamay nito at muling binalingan ang umiiyak niyang kapatid.

“Ayoko nang mababalitaan na nakikipagkita ka pa sa lalaking iyon! Maliwanag ba, Gretchen?”

“Opo, Papa,” sagot naman ng kapatid niyang nakatungo lamang.

Hindi na niya narinig ang iba pang pag-uusap ng mga ito. Tahimik siyang pumasok ng kanyang silid. Ganoon naman talaga sa kanila. De-numero ang lahat ng kanilang kilos. Hindi sila maaaring makipag-usap sa kanilang ama kung hindi importante ang pag-uusapan at may katuturan. Ni hindi nga sila maaaring mag-usap sa harap ng hapag. Ang kanilang mga kilos ay dapat na kakitaan ng yumi at kapinuhan. Bawal sa bahay nila ang padalus-dalos na paglalakad, pakikipag-usap, at pagpapakita ng excitement. Ultimo ang pinto ay hindi dapat isinasara nang pabalabag.

Para sa kanilang ama, lahat ng kanilang gagawing pagpapasya ay dapat na may lohikal na dahilan. Hindi lamang ito konserbatibo. Isa rin itong autocrat; ang tanging panginoon sa kanilang tahanan. Nagbihis siya ng pambahay bago lumabas ng kanyang silid. Napansin niyang tahimik na ang buong kabahayan. Dire-diretso siyang nagtungo sa komedor at nagpahain ng merienda sa kanilang maid. Kumakain na siya nang lapitan siya ng kanyang ina.

“Kailan ba ang alis mo?” tanong nito matapos maupo sa kaibayong silya. Nagkulong na marahil ang kanyang ama sa study kaya malaya nitong nasusuway ang isa sa mga reglamento ng kanilang ama.

“Sa Friday na po, Ma.”

“Hindi mo ba maaaring isama si Gretchen sa pupuntahan mo?”

“Trabaho ‘yon, Ma, hindi bakasyon.”

Nagbuntong-hininga ito. “Hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin sa kapatid mo para lang mailayo siya sa Marlo na iyon.”

“Bakit ba kailangang hadlangan ng Papa ang pagmamahalan nina Marlo at Gretchen? Nasa tamang edad na sila. May trabaho naman si Marlo. Kahit ba med rep lang siya, marangal namang trabaho ‘yon. Makakaya naman siguro niyang buhayin ang kapatid ko.”

“Alam mong napakataas ng standard ng papa mo sa lalaking mapapangasawa ninyo.”

Hindi na siya umimik pa. Batid niyang magpapaikut-ikot lamang sila. Kapwa naman nila alam na pareho silang walang magagawa kapag ginusto ng kanyang ama ang isang bagay kahit ayaw nila. Napagpasyahan niyang kausapin din si Gretchen pagkatapos nilang mag-usap ng kanyang ina. Pumasok siya sa silid ng kapatid, gaya ng inaasahan, umiiyak pa rin ito.

“Ano ba’ng nangyari?” usisa niya nang maupo sa gilid ng kamang kinahihigaan nito.

Bumangon naman ito at sumandal sa headboard ng kama.

“Nakita ng Papa na inihatid ako rito ni Marlo. Wala naman kaming ginagawang masama, Ate. Sinundo lang niya ako sa office.”

“Alam na ng Papa na boyfriend mo siya. Binalaan ka na niya noon na huwag ka nang makikipagkita pa kay Marlo.”

“Pero mahal ko siya. At alam kong mahal din niya ako. Hindi ko magagawang basta na lang i-give up ang relasyon namin,” anito sa pagitan ng pag-iyak.

“Pero dahil nga sinuway mo ang Papa, lalo ka niyang hihigpitan ngayon. Lalo kayong mahihirapang magkita ni Marlo.”

“I know. Kaya iniisip kong pumayag na lang sa gusto ni Marlo na magtanan kami. Lalayo na lang kami rito.”

Baka Mahalin Kita by Dawn Igloria Where stories live. Discover now