El Punto de Vista de Hera.
Nagising ako sa malalakas na tunog na aking naririnig. Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ang huling pangyayari bago ako nawalan ng malay. Nagmasid ako sa paligid at hindi natagpuan ang salamin na naaalala kong naririto kanina lamang.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumayo. Unti-unti kong sinilip kung anong kaganapan ang nangyayari sa labas. Malapit nang magdilim at sa nakikita ko, mayroong kasiyahang nagaganap.
Pasimple akong lumabas na hindi nakikita ninuman. Tiyak na walang nakakita na akin. Tumakbo ako papalayo sa tirahan namin.
Nakakita ako ng mga tao na sama-samang nagluluto sa labas ng kanilang tirahan. Gaya ng napapanood ko sa telebisyon noon, nag-iihaw ang mga tao ng manok at baboy. Kaniya-kaniya sila ng mga ginagawa at abala sa pag-dedesenyo ng kapaligiran. Maliwanag ang mga ilaw na nakasabit sa mga kawayan. Nakakamangha ang ganda ng aking nakikita.
Tuloy-tuloy lamang ako sa aking pagtakbo hanggang makarating ako sa hindi mataong na lugar. Unti-unti na ring dumadami ang nakikita kong puno. Malamang ay malapit na ako sa kagubatan o mismong nasa kagubatan na ako.
Nais ko nang bumalik sa mundo ko. Iba ang pakiramdam ko rito. Biglang dumaan ang salitang talon sa isip ko. Ang huli kong natatandaan ay nasa talon ako bago ako mapunta rito. Tiyak na sa pamamagitan ng talon ay makababalik din ako.
Tuloy ako sa pagkatakbo at nagbabakasakaling makahahanap ng talon. Ilang minuto na akong naghahanap ngunit wala pa rin akong natatagpuan.
Natauhan ako nang maisip na nagdidilim na. Nahihirapan na akong aninagin ang daan na tinatahak ko. Kasabay ng malamig na hangin ay ang kaluskos na naririnig ko sa hindi kalayuan. Nagsitayuan ang balahibo ko at nagsimulang matakot.
Pilit kong inaaninag ang daan. Nakatanaw ako ng maliwanag na ilaw mula sa isang tirahan. Walang alinlangan akong lumapit dito dahil iyon lamang ang tanging paraan upang ako ay maligtas sa nararamdaman kong panganib.
"May tao ba ri-" hindi ko natapos ang aking sasabihin nang makita ang lalaking paparating sa hindi kalayuan. May katandaan, malaki ang katawan, at walang suot pang-ibabaw. Nakakatakot ang kaniyang presensya. Hindi na ako nakapagtago nang magtama ang aming mga mata. Nanlilisik ang kaniyang mga mata.
"Ano ang iyong pakay rito?" nakakunot noo niyang wika. Ang kaniyang panga ay nanggigigil na akala mo'y mayroon akong masamang ginawa.
"Nawawala po ako sa kagubatan. Maaari niyo po bang ituro ang daan papunta sa bayan?" tanong ko. Kumukulo na rin ang aking kalamnan, ako ay nagugutom.
"Malayo pa ang bayan, dito ka muna tumuloy panandalian." tugon niya sa akin. Umiling ako at tangkang paalis na subalit may inihabol siyang salita.
"Dalhin mo ito." napalingon ako sa sinabi niya at nakalahad ang kamay na may baguette. Malugod kong tinanggap ang baguette.
"Diretsuhin mo iyang daan na iyan, may makikita kang nakapulupot na puting tela. Nakaturo kung saan ang daan patungo sa bayan." sambit ng lalaki.
Kaagad akong naglakad upang makauwi na rin. Tiyak na nag-aalala na sila sa akin. Madami pa akong naririnig na mga tunog sa aking daan ngunit hindi ko na lang ito binibigyang pansin dahil madadagdagan lang ang kaba na aking nararamdaman.
Unti-unti ko nang nakikita ang liwanag mula sa bayan. "Sa wakas." mahinang sambit ko.
Ang mga tao ay nagkakasiyahan pa rin. Ngayon ko lang napuna ang suot ko. Suot-suot ko na ngayon ang kasuotan na isusuot dapat sa piging.
Hindi kaya araw na ng piging ngayon? Pero paanong nangyari iyon?
Pilit kong inuunawa ang mga pangyayari. Hindi malayong ako ay mawala sa katinuan sa mga nangyayari.
Ang damit ko ay may nakadikit na tinik mula sa halaman, mangkit kung tawagin. Nagkaroon din ako ng karagdagang galos dahil sa pagtakbo sa masukal na kagubatan.
"Ija, kumain ka muna!" sigaw sa akin ng isang matandang babae. Napalingon ako. Tumanggi ako ngunit ako ay pinaupo niya at ikinuha ako ng pagkain. Nasa labas kami ng tirahan niya at kitang kita ang mga taong abala sa kanilang mga gawain.
"Kumain ka muna, Hera." sambit niya. Paano niya ako nakilala?
"Saan ka nanggaling at ano ang iyong hawak?" tanong niya.
"Mayroon po akong hinahanap sa di kalayuan ngunit ako ay nawala sa kagubatan. Baguette po ang aking hawak." sagot ko. Hindi ko na nagawang kainin ang baguette dahil sa kagustuhang makauwi na lamang kahit ako ay nagugutom na. Sumubo ako ng isang kutsarang kanin.
"Hindi ka dapat tumatanggap ng kung ano-ano na galing sa kagubatan." galit at mariin niyang sambit.
"Maaari kang mamatay dahil sa pagkaalibugha mo!" maging ang ibang tao ay napatingin sa amin dahil sa pagtaas ng boses niya sa akin. Hinablot niya ang baguette mula sa akin at iniwan ako na nagtataka.
Ilang subo lang ay nabusog na ako. Umalis din akong kaagad sa lugar na iyon at inuli ang bayan. Napakaganda rito. Kumikinang ang mga mata ng tao dahil sa liwanag na ginagawa ng mga ilaw.
Nakaramdam ang ng pagpatak ng tubig mula sa itaas. Nagsimulang bumuhos ang ulan kaya't ang ilan ay pumasok na sa kanilang tirahan. Basang-basa ako at giniginaw. Mas lalo itong lumakas kasabay ng malakas na hangin. Hindi ko alam kung saan ako patungo.
Maya-maya ay lumiwanag nang mabilis at dumagundong nang malakas. Natakot ako at nag-umpisang tumulo ang aking luha. Takot ako sa kidlat. Ang pakiramdam ay hindi kanais-nais. Napahagulgol ako sa gitna ng daan. Lumingon ako sa paligid at nakitang wala nang iba tao kaya't mas lalo akong natakot.
"G-gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang makauwi." paulit-ulit kong sambit. Naulit ang malakas na dagundong mula sa kulog kaya't mas natakot ako. "I-ina... Ama..."
YOU ARE READING
Talon ng Dolor - Short story [COMPLETED]
Mystery / ThrillerAng mundo ay ang katotohanan na magmumulat sa nakaraan. Ang mga tanong ay aapaw ngunit walang kasiguraduhan kung ito'y may kasagutan. Ang mga pangyayari na hindi nararapat mangyari ay magaganap at tuluyang maaapektuhan ang kasalukuyan.