El Punto de Vista de Hera
Napapikit ako sa pakiramdam na nagbuhol-buhol ang aking laman-loob. Ano ang ginawa niya sa akin?
Kalaunan ay inapoy ako ng lagnat at walang kalakas-lakas na nakahiga sa kama. Hindi ko manlang nagawang tawagin sila ama at ina upang ipaalam ang karamdaman. Hindi ko na kinaya pang makaimik sa nangyari. Nakatulog ako sa sobrang pamimilipit ng tiyan ngunit sa paggising ko ay ganun pa rin.
Si ama ay kumatok at nakita ang kalagayan ko. Kaagad niya itong ipinaalam kay ina at ako ay pinunasan ng malamig na tubig. Tinanong pa ako kung bakit hindi ako tumatawag sa kanila subalit hindi ako nakasagot. Sinubuan ako paunti-unti ng pagkain upang may laman daw ang aking tiyan.
Maghahating gabi ay dumating si Allen. Hinayaan nila na pumasok siya sa aking silid. Ang maganda niyang ngiti ang sumalubong sa akin. Nanginginig ang kaniyang kamay na puro galos at tusok tusok. Hindi ko mawari kung ano ang dahilan.
"A-ano ang n-nangyari sa iyo?" mahinang sambit ko. "Huwag mo akong alalahanin, binibini. Ikaw ang nasa hindi magandang kalagayan." tugon niya. Sa likod ng nakangiti niyang labi ay ang lungkot sa mata niya nang masilayan ko ito.
"Ipagpaumanhin mo, aking binibini. Alam ko ang lahat ng nangyayari. Ang lagusan ay nasira, dahilan upang ikaw ay kuning muli sa kabilang mundo, ngunit sa pagkakataong ito... hindi ka na makababalik pa rito. Ito na ang huli nating pagkikita." salitang nagpatigil sa akin. Nagsimulang mamuo ang luha ko. Niyakap niya ako nang mahigpit.
"Hindi bagay sa iyo ang umiiyak." salita niya habang pinupunasan ang aking luha. May kung anong kumirot sa puso ko. Namuo ang mga luha sa kaniyang mga mata at hindi ito itinago.
Niyakap niya akong muli at may dinukot sa kaniyang bulsa. Isinuot niya sa aking kamay ang isang purselas.
Sa huling sandaling iyon ay unti-unti na lamang siyang naglalaho. Ganoon din ang pagkawala ko sa kinaroroonan ko.
Tercer Punto De Vista
"Bakit?" tanong ng dalaga sa sarili. Tuloy-tuloy siya sa pag luha na para bang walang limitasyon ang sakit na nadarama niya.
Natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili sa talon kung saan siya laging dinadala ng kaniyang mga paa, Talon ng Dolor.
Suot-suot ang isang purselas habang umiiyak. Napatingin siya rito at nakaukit ang mga letrang 'ᜋᜑᜎ᜔ ᜃᜒᜆ.'
YOU ARE READING
Talon ng Dolor - Short story [COMPLETED]
Mystery / ThrillerAng mundo ay ang katotohanan na magmumulat sa nakaraan. Ang mga tanong ay aapaw ngunit walang kasiguraduhan kung ito'y may kasagutan. Ang mga pangyayari na hindi nararapat mangyari ay magaganap at tuluyang maaapektuhan ang kasalukuyan.