El Punto de Vista de Hera
Nawala ang imahe ng lalaki at nabasag ang salamin. Unti-unting natunaw ang salamin at naging malinaw na likido.
Nang gabing iyon ay hindi na ako nakatulog dahil sa takot na baka magbalik ang kung anumang nilalang iyon. Pinakiusapan ko si ina na samahan ako sa silid ko at hindi siya tumanggi. Sinamahan niya ako buong magdamag hanggang mag-umaga.
Nang sumikat ang araw ay maayos na ang pakiramdam ko. Tuloy ang kaganapan sa labas, mga taong nagsasaya dahil kapistahan dito. Lumabas muna ako upang magpahangin.
Habang ako ay naglalakad-lakad ay hindi ko namalayan na ako ay nakarating na sa bayan. Napadaan akong muli sa butukan ng mga ipit, naroroon pa rin ang aking nais na ipit. Nag-iisa na ito subalit naiwan pa.
Lumapit ako rito at nagtanong kung anong halaga ng ipit na iyon subalit natawa ako sa kadahilanang wala naman akong salapi na pambili noon.
Umupo na lamang ako sa isang tabi at pinagmasdan ang maswerteng makakukuha noon. Nalungkot ako nang may lumapit at nagkilatis sa bagay na iyon ngunit nagtaka dahil lalaki ang may hawak noon. Nag-abot siya ng pilak at kinuha ang ipit. Humarap siya sa akin... si Allen.
"Magandang umaga, binibini." nakangiting bungad niya sa akin. Ang maganda niyang ngiti ay nakahuhumaling. Mga mata niyang kulay kayumanggi ay kumikinang habang ito ay nakatingin sa akin at ang mapula niyang labi ay nakapang-aakit.
Lumapit siya sa akin at tiningnan sa mata. "Maraming salamat sa iyong pagbabalik." wika niya habang nakatingin sa akin nang diretso.
Iniangat niya ang kaniyang kamay at hinawi ang buhok ko. Ikinabit niya ang ipit na gusto ko. Hindi maalis ang tingin ko sa kaniya. Nais ko siyang yakapin nang mahigpit subalit hindi gumagalaw ang katawan ko.
"Maaari ba kitang yakapin?" tanong niya na hindi ko kayang tanggihan. Niyakap niya ako, ngunit mas hinigpitan ko ang yakap ko. Sa oras na ito ay ayaw ko nang bumitaw. Hindi ko napansin na napapaluha na ako. Sa bawat hagod niya sa buhok ko ay mas lalong nagiging dahilan ng pagluha ko. Hinayaan niya ako na manatili sa kaniyang yakap hanggang sa tumigil ako sa pag-iyak.
Bumitaw ako sa pagkakayakap at nahiya sa inasal. Nakayuko akong nagpunas ng luha. Narinig ko pa ang mahina niyang pagtawa na mas lalo kong ikinahiya.
Naglakad kami pauwi sa amin. Nakita kaming magkasama ni Allen kaya't inaya kami ni ina na doon na magpananghalian.
Habang kumakain ay may tumawag sa pangalan ni ina. "Malissa!" napalingon kami sa may bukana ng pinto at nakita ang isang babaeng may katandaan na tumatawag kay ina... siya yung nagpakain sa akin noong ako ay galing sa kagubatan. Takang nakatingin lang ako sa kaniya hanggang umimik si ina.
"Inay, ano pong pakay mo rito?" tanong niya. "Hindi na ba maaaring bumisita sa tirahan ng anak ko?" ngiting sagot niya. Nagtawanan naman sila ina at pinapasok si Lola. Si Lola Estra... siya nga. Hindi ko siya namukaan kaagad noon, marahil sa tagal na panahon na ang nakalipas. Ilang taon ko lang din siyang nakasama dahil pumanaw siya kaagad noon.
Nagtama ang mata namin. Sumabay siya sa pagkain ng pamilya. Ganoon na lamang ang tuwa ko nang makasabay silang kumain.
Nasa tabi ko ang lahat ng importanteng tao sa buhay ko, wala na akong iba pang nanaisin bukod dito.
Matapos ng tanghalian ay tuloy-tuloy ang kwentuhan nila ama. Namaalam na rin si Allen dahil mayroon daw siyang mahalagang aasikasuhin. Nakipaglaro pa sa akin si Kaira bago ako pumasok sa silid ko.
Ilang segundo lang sa pagpasok ko ay nagbukas muli ang pinto. Galit na mukha ni Lola Estra ang tumambad. Natakot ako sa ipinakita niya.
"Kinakailangan mo nang bumalik sa kasalukuyan. Hindi ito ang oras mo at hindi ka nararapat dito!" pabulong siyang sumigaw.
"Nagiging dahilan ka lamang ng kaguluhan rito!" mariin at galit na galit na sambit ni Lola Estra.
Natakot ako sa mga sinasabi niya. Lumapit siya at may idinigkit na kulay rosas na papel sa aking palad at isinara iyon. Mayroon siyang inimik na kakaibang lingguwahe bago ako iwanang mag-isa.
Nanakit ang tiyan ko sa paglabas ni Lola Estra. Namimilipit ako sa sakit at napahiga sa kama habang hawak hawak ang tiyan. Napapikit ako sa pakiramdam na nagbuhol-buhol ang aking laman-loob.
Ano ang ginawa niya sa akin?
YOU ARE READING
Talon ng Dolor - Short story [COMPLETED]
Mystery / ThrillerAng mundo ay ang katotohanan na magmumulat sa nakaraan. Ang mga tanong ay aapaw ngunit walang kasiguraduhan kung ito'y may kasagutan. Ang mga pangyayari na hindi nararapat mangyari ay magaganap at tuluyang maaapektuhan ang kasalukuyan.