"Pasensya na po, Tito Henry."
Nasapo ko ang aking noo, nanghihina, habang nakatitig sa kaniya na napailing at napaupo sa kama, hawak-hawak ang umiiyak kong kapatid.
Akala ko tinangay niya na ang kapatid ko.
"Sana naman sa susunod huwag kang sumigaw. Pwede namang magtanong ng mahinahon." He was disappointed.
"Alam kong wala ka pang tiwala sa akin dahil kanina lamang tayo nagkakilala, pero huwag mo naman sana akong husgahan sa iyong utak o pagbintangan ng kung anu-ano."
Napayuko ako dahil sa hiya. Kanina lamang ay napasigaw ako't dali-dali ko siyang hinanap sapagkat akala ko tinangay niya na ang kapatid ko. Nagulat nga ito kanina at mabilis na tinakpan ang bibig ko. Nasa crib lang pala si Ozie kanina, sa tabi ng kabilang kama. Nilipat siya ni Tito Henry upang mas komportable daw itong matulog. Ngunit nang sumigaw ako, nagising ito. Kaya ngayon, pilit ko itong pinapatahan upang makatulog ulit.
"Ayaw mo naman sigurong mapahamak tayo dito sa loob, bata," dagdag niya.
Tumango naman ako bilang tugon.
"Pwede silang magkumpulan sa harap ng pinto at maaari tayong makulong dito."
Naramdaman kong namanhid ang buong katawan ko. This man just saved our lives, tapos aakalain kong ipapahamak niya din kami agad? Mabuti nalang hindi ito nagalit ng husto. Baka kung ginalit ko ito iwanan na kami ni Ozie.
Mahirap na talaga kapag lumaki ka sa lipunang mapanghusga. Bawat galaw mo binabantayan nila upang may maisusumbat sila sa iyo kapag nagkamali ka. Ang lipunan na ito ay dapat na ngang mawala. Ang tanging sandata nila'y mga mata nila at mga labi. Tiyak na mas masasaktan ka kapag ito'y iyo mismong maririnig mula sa magagaspang nilang boses.
Siguro naimpluwensyahan na talaga kami kung paano gumalaw ang lipunan natin ngayon. Naging mapanghusga narin ang lahat ng tao upang makaya rin nilang makipaglaban sa mga matatalim na salitang kayang sugatan ang buong pagkatao nila.
Kaya sa sandaling ito ay napagtanto kong nararapat lamang itong mangyari sa sangkatauhan. Upang sakaling may mga taong makakaligtas, lilikha sila ng makabagong lipunan na magbibigay ng pag-asa sa lahat.
"Pasensya na po talaga. Nadala lang ako ng aking emosyon. Siguro dahil nawala na si mama kaya ganito rin ang aking naging reaksyon."
Tumabi si Tito Henry at hinaplos ang aking likuran.
"Si Ozie nalang ang meron ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung pati Ozie mawala pa sa akin." Hindi ko na napigilan ang namumuong tubig sa gilid ng aking mata na tumulo.
Niyakap ako ni Tito Henry. "Ramdam kita, bata. Hayaan mo, makakaalis rin tayo rito. Sisiguraduhin kong makakarating kayo sa safe zone na ligtas."
Hindi ko mapigilan ang sarili kong yakapin siya pabalik. Ang gaan ng loob ko sa mga sandaling ito, parang yakap ko ang aking ama.
Naging kalmado ang sitwasyon. Kumalas siya ng yakap sa akin at ganon din ako. Isang ngiti ang pinakawalan ni Tito Henry na nagpatatag ng loob kong mapagkakatiwalaan siyang tao. Bilang isang tugon, ngumiti ako ng pabalik sa kaniya.
Ibinalik ko si Ozie sa kaniyang kuna dahil nakatulog na rin ito.
Tiniyak sa akin ni Tito Henry na aalis kami sa lugar na ito bukas ng umaga.
"Matulog ka na muna, bata. Magpalakas ka dahil ilang milya pa ang kailangan nating takbuhin bukas," payo niya.
"Opo, tito," tugon ko naman.
Pumunta na ako sa aking higaan at agad na natulog habang naiwan si Tito Henry na naglilinis ng kaniyang shotgun.
Nagising ako, pawisan dahil sa isang masamang panaginip. Napanaginipan ko si mama. Nagpaalala siya sa akin na huwag daw ako masyadong maniwala sa mga taong makikilala ko dahil mas mapanganib daw ang mga ito kumpara sa mga halimaw sa labas. Matapos non ay tinangay daw si Ozie ng isang taong hindi ko maaninag ang mukha.
BINABASA MO ANG
The Safe Zone
HorrorIt was in the year 2075 when the COVID-19 vaccines turned out to ignite fire of the greatest destruction to happen in the entire human race. Rayburn Travino, a teenager, was with his five months old younger brother when the news flash said that the...