Chapter 3

321 10 2
                                    

MAAARI ngang wala siyang interes sa negosyo, pero hinding-hindi niya hahayaang isipin ni Nonie na mabagal siya sa pag-pick up. Kaya bawat detalyeng itinuturo sa kanya ng lalaki ay intinding-intindi niya. Hindi niya ito pinapayagang mag-ulit ng paliwanag. Isang beses lang nitong sasabihin at sinisikap niyang makuha kaagad iyon. Dahil ang ibig niya'y ma-impress nang husto sa kanya ang lalaki.

Kaya naman kahit ilang araw pa lamang siyang namamasukan doon ay napakarami na niyang natutunan. Marami na siyang alam ukol sa negosyo.

Aba, dapat lang na malaman ng Onofre na ito na hindi lamang siya basta ismarte, kundi talagang matalino.

Ngunit aminado naman siya sa sarili, talagang mahusay si Nonie. Ang totoo, bilib na bilib siya rito. Hindi lamang niya iyon puwedeng sabihin o kaya'y aminin sa iba. Lalo na sa kanyang daddy.

Ano, para ulit-ulitin na naman nito sa kanya na hindi ito nagkamali sa ginawang pagpasok sa kanya sa kompanyang iyon? Na kesyo napakagaling ni Nonie, na kesyo marami siyang matututunan.

Naririndi na nga siya sa paulit-ulit na dialogue ng ama.

Totoo nga naman. Pero sa sarili na lang niya iyong.

Naiinis lang naman siya kay Nonie dahil siguro napakahusay nito. At hindi mayabang. Wala siyang maipintas. Matalino, maginoo, makisig. Talagang napaka-ideal.

Through him ay parang nakikita niya ang kanyang mga kapintasan. At mahirap tanggapin iyong. Iyong feeling na parang isinasampal sa kanya ang kanilang differences.

Si Nonie ang good example, at siya naman ang opposite.

Nakakainis din ang attitude ng lalaki na masyadong devoted sa trabaho. Iyon bang hindi na yata marunong mag-relax o mag-good time. Sobra na nga sa yaman ay nagpapayaman pa.

At nakakainis din ang masyadong pa-clean image nito. Kaya naman halos lahat ng babae ay nagkaka-crush na yata rito.

Basta! Lahat ng bagay ukol sa Nonie na 'yon ay nakakainis! Siguro'y dahil. .

Nai-in love na siya sa binata?

Nakaupo sa kanyang mesa si Marjorie.

Nakatingin sa kawalan. Napangalumbaba. Tila tinitimbang kung tama ba ang sinasabi ng kanyang damdamin.

Na siya, in love kay Nonie?

Bakit ba siya nagkaroon ng kakaibang kaba sa unang pagkakataon na nagkakilala sila? Bakit ba kaydali niyang nakita ang magagandang assets nito? Bakit ba nanghihinayang siya sa mga pagkakataong hindi si Nonie ang personal na nag-a-assist sa kanyang mga ginagawa? At bakit kaya nagkukukot ang kanyang kalooban kapag nakikita niyang nakikipagbiruan ito sa officemates niyang babae? At bakit din kaya kabisado na ng kanyang ilong ang suwabeng amoy ng cologne na gamit nito?

Hindi ba iyon ay isang maliwanag na senyales na siya ay umiibig kay Onofre Carvajal? Ayaw mang tanggapin ng isip, pero tila ganoon nga. At napangiwi siya sa mga alalahanin. Bakit kay dali naman siyang napaibig ng lalaking ito na hindi naman niya nakakagaanan ng loob?

Nasa ganoon siyang sitwasyon nang lumapit naman si Nonie.

Pinuna nito ang pangangalumbaba niya. "Malas daw 'yan," sabi nito, medyo nakangiti kahit pormal na pormal ang anyo. "Baka malugi tayo."

Inayos niya ang puwesto, tumuwid sa pagkakaupo. "May kailangan ka ba, Sir?"

"Well, I want to talk to you in my office. Importante ang pag-uusapan natin." Pagkasabi niyon, tumalikod na ito.

Sumunod na lamang si Marjorie.

"HAVE a seat," utos ni Nonie nang nasa loob na sila ng private office nito.

Pwede Ka Bang Mahalin - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon