Chapter 5

300 6 2
                                    

TINANGHALI nang gising si Marjorie nang umagang iyon. Masyado siyang pinuyat kagabi ng mga alaala ni Nonie at nang mga impormasyong nalaman niya buhat kay Malou. Medyo sumasakit man ang ulo ay pinilit pa rin niyang maihanda ang sarili. Kailangan niyang pumasok sa trabaho.

Kung bakit parang ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Inspiradong-inspirado siya ngayon.

LATE ng mahigit sa isang oras si Marjorie. Nagmamadali ang kanyang mga hakbang. Sa may entrance ay nakasalubong niya si Dennis, ang kanilang field inspector, na ayon sa mga officemates niya ay may crush daw sa kanya.

Hindi naman siya manhid para hindi malaman iyon. Kaya lang ay wala talagang dating sa kanya si Dennis. Kahit pa nga guwapo rin ito at matangkad. Pero hindi niya kasi type ang chubby. Ang tingin kasi niya sa mga ganitong lalaki ay lampa. Iba na siyempre ang medyo lean, pero may muscles. Lalaking-lalaki ang dating.. tulad ni Nonie.

"Hi," bati ni Dennis sa kanya. Abot-tenga ang ngiti nito.

"Hi," ganting-bati naman niya.

Ilang minuto pa silang nagpalitan ng konbersasyon. Na kahit labag din sa loob niya ay wala naman siyang magawa. Ayaw niyang bastusin si Dennis.

Hindi tuloy nila napansing may pares ng mga mata na nagmamasid sa kanila sa isang sulok ng gusali.

"Minsan naman, baka puwedeng ihatid na lang kita sa pag-uwi?" sabi ni Dennis. Na sa tono'y tila nagpapalipad-hangin na ng lagay na iyon.

"Okay lang naman ako, Dennis," tugon niya, pilit nilalagyan ng gana ang pagsasalita.

"Nakakauwi naman ako nang mag-isa. At saka sinusundo ako ng driver namin. Kaya walang problema."

"E, di kung ganoon, kumain na lang tayo sa labas," pakiusap pa rin ng lalaki.

Nakukulitan na si Marjorie. Ibig na niyang makapasok, hindi lang niya masopla-sopla itong si Dennis. Hindi niya kasi ugali ang nambabastos ng lalaki kahit pa nga hindi niya ito gusto. "Eh, Dennis. . ."

"Eherm. . ."

Kapwa sila napalingon. Naroon si Nonie, pormal na pormal ang anyo. Parang hindi nagugustuhan ang nakikita.

"I'll go ahead, Marj," mabilis na paalam ni Dennis sa dalaga. Pagkuwa'y bumaling ito kay Nonie. "Sir. . ."

Napangiti si Marjorie. Si Nonie lang pala ang makakatapos ng kakulitan nitong si Dennis. Babatiin sana niya ng "good morning" si Nonie, pero tumalikod na ito.

Pumasok na rin siya. Alam niyang hindi maganda ang timplada ng kanyang boss. Pero nakaramdam pa rin siya ng kaunting pagkainis sa inasal nito. Parang napahiya siya. Basta na lang siya tinalikuran. Natapakan yata nang bahagya ang kanyang pride.

Walang ganang naupo sa kanyang mesa si Marjorie. Ganoon pa naman ang ugali niya, kapag may hindi magandang nangyari sa kanya first hour in the morning, apektado na ang buong maghapon niya. Nakakainis isipin na buong magdamag siyang nag-ilusyon kay Nonie kagabi ay ganito lang pala ang mangyayari sa umagang ito.

Ibig tuloy niyang sumbatan si Malou. Ganyan? Ganyan ba ang sinasabi mong may pagtingin din sa akin si Nonie?

Kung naunsiyami ang kanyang araw, tingin niya kay Nonie ay gayundin. Mainit ang ulo nito. Pirming magkasalubong ang mga kilay. Parang pasan ang daigdig. Bakit kaya? Nalugi na kaya ang Carvajal Trading Firm? O ang alinman sa mga negosyo nito?

Sabi pa naman ng mga officemates niya, talaga raw nakakanerbiyos si Nonie kung magalit. Ah, huwag mo akong idadamay sa init ng ulo mo, Onofre! Hindi mo ako masisindak sa galit mo. Mukha namang pinagtiyap ng pagkakataon.

Papalapit si Nonie. Mabuti na lang at sa mesa ni Lynn ito tumuloy. Galit ito, pahagis ang ginawang pagpapasa ng papeles sa pobreng sekretarya.

"Sino'ng gumawa niyan?" mataas ang boses ni Nonie kaysa karaniwang pitch nito.

Pwede Ka Bang Mahalin - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon