Chapter 7

281 6 3
                                    

NANG umagang iyon, tatlong mapupulang rosas ang bumulaga sa paningin ni Marjorie—nakapatong sa ibabaw ng kanyang mesa. Fresh na fresh ang mga bulaklak. May mga patak-­‐‑patak pa nga iyon ng hamog.

Napangiti siya. Walang ibang posibleng nagbigay niyon sa kanya maliban kay Nonie. Sign siguro ng pasasalamat dahil sa pagbibigay niyang lumabas sila.

Sa galak ay nahalikan niya ang mga bulaklak. Nang ilalapag na niya iyon, saka pa lamang niya napuna ang munting card na naiwan mula sa pinagpatungan niyon. Excited na dinampot niya ang card.

Pero nadismaya siya nang mabasa ang pangalang nakasulat doon. Dennis Ilustre. Parang pinahid na uling ang excitement niya. Hindi naman pala galing kay Nonie ang mga bulaklak. Gayunpaman, inilagay pa rin niya ang mga bulaklak sa isang vase na nasa gilid ng kanyang mesa. Napakalupit naman niya kung ibabasura iyong porke hindi niya gusto ang nagbigay.

Prestong kalalagay naman niya ng mga bulaklak sa vase nang mamataan niya si Nonie sa 'di kalayuan. Lumukso ang puso niya nang makita ang lalaki. Kaagad niyang nginitian ito.

Alam niyang nakatingin din sa kanya si Nonie. Pero hindi siya pinansin nito. Bagkus ay dumiretso ito sa sariling opisina. Nagtaka siya sa ikinilos ng lalaki. Bakit kaya? Wala na naman kaya sa mood si Nonie? Mukhang masyadong moody yata itong kanyang boss.

Hindi na niya binigyan pa ng ibang kahulugan ang ikinilos na iyon ni Nonie. Marami silang gawain para sa araw na iyon na mas nangangailangan ng kanyang atensyon. Marami silang job orders. Maraming kliyente ang dumarating at tumatawag. Inabala na lamang niya ang sarili sa pag-­‐‑aasikaso ng mga iyon.

Nasa kasagsagan siya ng kanyang trabaho nang lapitan siya ni Lynn. "Marj, tawag ka ni Boss."

"Bakit daw?"

"Ewan. Pero ingat ka. Mukhang may topak na naman."

Tama ang hinala ko, naisip ni Marjorie. Sa hitsurang iyon ni Nonie kanina, talagang may topak nga iyon! "Ganoon ba? Thanks, ha?" Inilagay niya sa isang tabi ang kanyang ginagawa. Inihanda niya ang sarili bago pumasok sa tanggapan ng boss.

"Ipinatatawag mo raw ako?" bungad ni Marjorie nang makapasok sa loob. May iniabot na folder sa kanya si Nonie. Pormal ang anyo nito. "Baka puwedeng i-­‐‑revise mo 'yan?" utos nito.

Takang binuklat ni Marjorie ang folder. Wala kasi siyang natatandaan na ginawa niya iyon. In-scan niya. Tungkol iyon sa inspection report. Nabasa niya rin ang pangalang nakapirma sa may ibaba niyon. Kay Dennis. "Kay Dennis pala ito, eh," kaswal niyang sabi. "Bakit ako ang magre-­‐‑revise?"

Tiningnan lamang siya ni Nonie, pagalit. "Wala si Dennis," sabi nito. "Close naman kayo, 'di ba? Siguro'y maaari mo na ring saluhin pati ang trabaho niya."

Sarcastic ang tono ni Nonie. Alam ni Marjorie na may nais itong ipakahulugan. Pero nagpakahinahon muna siya. "Hindi ko yata naiintindihan."

Hindi tumugon si Nonie. Tumingin ito sa kanya, pagkatapos ay ngumisi ng parang nakakaloko.

At doon nayamot si Marjorie. Bakit ba ayaw pa nitong tumbukin? "Alam mo kung minsan, ang hirap mong intindihin," aniya rito. Kumawala na ang kanyang pagtitimpi. "Para kang bagyo na paiba-­‐‑iba ang kondisyon. Minsan mabait ka, minsan naman, masungit ka. Okay ka lang?"

Huminga nang malalim si Nonie. Tinitigan siya. Pagkuwa'y nagyukod ng ulo. "Sige, lumabas ka na. Iwan mo na 'yan."

Pinagmasdang maigi ni Marjorie ang lalaki. Pilit binabasa sa anyo nito ang tunay na nilalaman ng loob. Pero hindi siya ganoon kagaling bumasa ng damdamin ng isang tao. Nakasimangot na tinalikuran na lamang niya ang lalaki. Pagkalabas ay sinalubong na rin kaagad siya ni Lynn.

Pwede Ka Bang Mahalin - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon