Sulong

34 7 3
                                    

Nakaramdam ka na ba ng pagod na parang hindi natatapos? Yung uri ng kapaguran na hindi napapawi ng anumang uri ng pahinga-tipong mayro'n ka namang sapat na tulog ngunit tila kay hirap hatakin ng katawan para bumangon upang mapunan ng kaunting pag-asa ang paubos ng motibasyon.

Naranasan mo na bang mapatanong, ano nga ba ang pagsulong? Bakit tila ito'y mailap at lalo kang umuurong. Maaaring may mga pagkakataong mapapaisip ka umuusad ka pa ba o maging ang pagong ay nauungusan ka?

At kung minsan nga darating pa sa puntong matutulala o di kaya'y maluluha ka na lang, hanggang sa 'di mo na maiwasang makumpara ang sariling pag-unlad at mga nararating mo sa mga tagumpay na nakukuha ng kapwa mo lalo na ng mga malapit sa'yo na s'yang makapagpapababa ng tingin mo sa sarili mo. May mga oras na mapapatanong ka bakit sila nasa tugatog na bakit ako nandito pa sa pinakababa, sabay-sabay lang kaming nagsimula 'diba?

Para sa'yo na nakakaramdam ng ganito nais kong magbalik-tanaw ka kung saan ka talaga nagsimula, alalahanin mo yung mga pangarap mo noon na ngayon ay iyo nang nakuha-tulad na lang ng mga bagay na imposible sa'yong akala.

'Yung masasarap na pagkaing hangad mo lang matikman noon na hindi mo magawa dahil sa pagtitipid sa perang mayro'n, nakakain mo na ngayon kahit walang okasyon. Yung mga lugar na dati sa imahinasyon mo lang mapupuntahan ngayon may kuha ka nang larawan.

Kaya sana sa tuwing ika'y panghihinaan lagi mo sanang balikan ang iyong pinagmulan 'yung mga bagay na hiling mo noon na hawak o nalalasap mo na ngayon ay ipagpasalamat sa Panginoon.

Huwag mo sanang gawing sukatan ano mang narating o tagumpay ng iba upang alamin kung umuusad ka. Oo, maaaring malayo pa pero malayo na. Marahil kaunting hakbang pa, usad pa at yapak para sa mga nahuhuling pangarap

Sa Pagitan ng Mga PahinaWhere stories live. Discover now