Untitled 9

3 1 0
                                    

Marahil halos lahat sa atin naranasang maikumpara sa ibat-ibang rason, ibat-ibang lalim, o ibat-ibang paraan— yung iba maaaring sinadyang pagkumparahin yung iba naman hindi intensyon o rektang kagustuhan.

Kaya't kung isa ka sa ikinukumpara o 'di kaya'y naikumpara at mababasa mo 'to ang akdang ito ay para sa'yo.

Sa mga nagbabasa o makakabasa nito na dumadaan sa sitwasyong nabanggit ko, hindi ko na tatanungin kung kumusta ka, sapagkat alam ko wala ka mang salitang sambitin o sikapin mo mang ikaila tagos ang sakit sa'yong mga mata.

'Wag kang mag-alala 'di mo kailangan mag-eksplika para lang maramdaman gaano kahirap yang emosyong dala mo. Hindi ko man napagdaanan ang bawat isang bakas ng mga karanasang naging sanhi ng sugat mo, pero ibig kong ipabatid na nauunawaan kong hindi ganoon kasimple ang mapunta sa kalagayan mo.

Hindi biro ang maihalintulad sa iba, may kurot sa damdaming habang pinagpupursigihan mong gawin ang lahat para patunayan ang kapasidad at kakayahan mo, minsan wala ka pa ring halaga sa mata ng mundo—ngunit h'wag mo sanang hayaang lamunin at lunurin ka ng mga inaasahan sa'yo ng mundo na dapat mong mahigitan, bagkus gawin mong motibasyon itong mas umangat at mamayagpag hindi para sa iba kun'di para sa'yo. Lagi mong ilagay sa'yong isip na hindi basehan na nalagpasan mo ang iba, para masabing nakaangat o may narating ka— dahil higit sa lahat kung meron ka mang dapat na pamantayan kung saan o kanino ka dapat ihambing, yun ay sa dating sarili mo at wala nang iba.

Sa Pagitan ng Mga PahinaWhere stories live. Discover now