Hinga

18 5 1
                                    


Sa dinami-rami ng populasyon sa mundo estudyante, trabahador, magulang, simpleng tao, o kung ano pa mang propesyon o gawain mo siguro isa rin 'to sa problema mo at sasang-ayon ka kapag sinabi kong ang hirap hatiin ng oras 'no? Minsan kahit anong gising mo ng maaga parang kumurap ka lang saglit mamukat mo gabi na pala. Ang hirap makipaghagaran sa oras para kang nakikipaghabulan sa may enerhiyang hindi maubos at 'di matapatang lakas.

Hindi naman lingid sa lahat na importante ang oras-kada patak ng segundo at minuto'y ginto dahil kapag nagdaan na hindi mo na pwedeng ibalik bukas, pero kung sakali mang mabasa mo 'to sana'y mapaalalahanan ka na dito sa mundo importanteng balanse ang paligid mo. Hindi naman pwedeng laging todo, hindi rin pwedeng kulang ang bigay mo- dapat mong matutunan yung sapat, yung sakto para makuha mo ang kalakaran nito.

Kung ikaw ay estudyanteng nag-aaral sa elementarya man, sekondarya o kolehiyo, ibigay mong lahat ng makakaya mo habang dala-dala yung nag-aapoy man o kahit aandap-andap na liwanag ng pangarap mo. Gawin mong lahat para maingat at marahang maabot ito pero 'wag mo ring kalimutang bigyan ng kaunting oras ng pahinga ang sarili mo. Doon ka lang lagi sa gitna ng paminsan-minsang pagsasaya at tamang paggampan sa pagiging estudyante mo. Sulitin mo yang parte ng paglalakbay mong nag-aaral ka pa, dahil hahanapin mo yung mga bagay na d'yan mo lang naranasan o natutunan 'pag sumabak ka na sa reyalidad ng mundo.

Kung magulang ka naman o kaya'y tumatayong magulang sa pamilya na halos makuba na sa pagkayod para sa pangangailangan n'yo, intindi ko ang sentimyento n'yo na minsan may mga bagay o sitwasyon na walang ibang gagalaw kung hindi kayo ang gagawa pero sana kahit saglit baka pwedeng sila naman, yung kahit konting oras siguro na para sa'yo ay 'di naman kalabisan.

Bilang trabahante naman sa opisina o kung saan man 'wag mong pwersahin ang sarili mo at patayin yung katawan mo sa pakikipagpatintero sa pagitan ng natitirang minuto sa opisina mo at sa bunton ng nakabinbin mo pang trabaho pero minsan 'wag mo rin kalimutang tumayo o iunat man lang yang likod mo. 'Yang trabaho siguro naman makapaghihintay kahit pa'no, pero yung katawan mo 'yan ang makokompromiso kapag inabuso mo at pinagod araw-araw ng husto. Alalahanin mo 'to maaari mong maabot ang pinakamalaking sweldo pero kahit kailan hindi 'yan sasapat para ibili ng isa pang buhay mo.

'Wag sana tayong magpadaig sa mga bagay na hindi natin kontrolado. Gawin mo lang kung ano yung kaya mo sa araw na 'to- sapat na kung ano yung mga nagawa mo sa maghapon mo. Ang mahalaga ibinuhos mo yung buong dedikasyon mo sa paggawa ng mga nararapat na matapos mo.


Sa Pagitan ng Mga PahinaWhere stories live. Discover now