Elisha.
Hindi ko alam kung tamang desisyon ba na pumayag ako sa suhestiyon ni Karma na pumarito sa Club na ako lang mag-isa.
Independent naman akong tao, pero ang pumunta sa lugar na hindi ako sanay? Hindi ko 'ata kaya, 'day!
Pagkailang. Sa mga oras na ito ay iyon ang nararamdaman ko. Paano ba naman kasi, kanina pa maraming mata ang nakasunod ang tingin sa akin.
Naaalibadbaran ako.
Sa klase ng tinging binibigay nila, hindi ko alam kung hinuhusgahan ba ako nila o ano. Iniisip ba nila na isa akong prosti rito dahil sa suot ko?
Ganoon naman kasi iyong mga tao, 'di ba? Kung ano ang suot o ayos mo, nagko-conclude na agad sila ng kung ano. Sa isipang iyon, hindi ko mapigilang mapayakap sa sarili.
Pakiramdam ko hubad ako sa suot kong backless black dress. Hapit iyon sa katawan ko, lalong-lalo na sa bewang ko. Ang hem noon ay umabot lang hanggang sa ibabaw ng tuhod ko.Si Karma ang may pakana sa ayos ko ngayon. Pinagdiskitahan niya pa ang mukha ko. Pinagtalunan nga namin iyong sinabi ko na huwag na lang akong lagyan ng make-up, pero mapilit ang isa, sumuko na lang ako sa huli at hinayaan siya sa gusto niya.
Matapos naman noon, inulan niya pa ako ng mga papuri bago na ako hinayaang makapunta rito sa ELites Club. Yes, ELites Club ang pangalan ng club kung nasaan ako ngayon. As in big letter ang EL sa elites.
So ayon nga, parang gusto ko nang pagsisihan na pumunta sa lugar na ito. I admit it, the place is extravagant and beautiful, but it seems dangerous.
Tila isa akong dayo na naligaw sa lugar ng mga hindi ko kauring tao. Ramdam ko talaga ang mga nanunusok na mata nilang tila isa akong rare specimen na kanilang sinusuri.
"Ay! Pasensya na!" hingi ko agad ng paumahin. Nabangga kasi ako sa isang malapad at matigas na dibdib ng isang lalaki. Muntik na nga akong mabuwal dahil animo isa itong pader.
"Why are you here?" Natigilan at napalunok ako sa malalim at matigas na boses na iyon.
Agad kong inangat ang tingin at bumungad sa akin ang leeg at mapupulang hugis puso na labi ng lalaking pamilyar sa akin ang presensya. Wala sa huwisyong naihakbang ko paatras ang aking paa.
Nakatingalang mas pinakatitigan ko siya, umaasang makikita ko ang itsura niya sa likod ng maskarang gamit niya.
Malas nga lang, katulad noong nagdaang mga araw, tanging labi at mata niya lang ang kita ko, hindi ang buong mukha niya. Para bang hindi ako maaaring bigyan ng pagkakataon na malaman kung sino ba talaga ang taong nasa likod ng mga pagsunod sa akin.
"I-Ikaw ulit..." tanging naibulalas ko.
Naiangat ko pa ang hintuturo para ituro siya. Ang itim niyang mata ay nakababa lang ang tingin sa akin habang nakapamulsa sa suot na black trousers. Sa pang-itaas na bahagi ay tanging white long sleeve polo shirt lang ang suot niya at bukas pa ang dalawang botones. Kitang-kita ang dibdib niya kung saan may sumisilip na tattoo.
"Why are you here, Elisha?" Lihim akong napasinghap sa pagrolyo ng pangalan ko sa kaniyang dila.
"Ikaw 'yong nagnakaw ng halik sa akin, ah! Iyong stalker ko!" akusa ko agad. "Bakit mo ba ginagawa iyon?" buong tapang kong tanong sa kabila ng dumadagundong na kaba sa loob ng dibdib ko.
"Binabantayan ko lang kung ano ang akin."
"Anong sa 'yo na naman ang pinagsasabi mong hudyo ka? Hindi mo ako pag-aari! Puwede bang tigilan mo na ang kasusunod sa akin? Kung nasaan ako, parang naroon ka rin na akala mo body guard ko. Hindi pa ba malinaw sa 'yong kinikilabutan ako sa mga pagsunod mo?"
"I'm sorry."
"Ano?!"
"I'm sorry for making you uncomfortable," mababa ang boses niyang sabi.
"I'm sorry again, because I won't stop stalking you. I want to always make sure that you're safe and mine."
Nagbuhol ang kilay ko. Nanindig yata ang lahat ng mga balahibo at bolbol ko.
"Adik ka ba?" tanong ko. Baka mamaya nakahithit 'to ng katol, marijuana, rugby, or worse droga.
"No," flat niyang sabi. "Just adik sa 'yo."
"Pftt..." muntik na akong matawa sa huli niyang sinabi.
Seryoso ba bumanat ang hudyong ito? Parang sira naman, kalahi yata si Daniel Padilla. Jusko, 'day, huwag naman sana.
Pumilig ang ulo niya sa akin. I saw how his eyes narrowed at me. "Did you just..."
Iniwas ko ang tingin at kinagat ang labi para pigilan ang sarili na matawa. Pinilit kong paseryosohin ang mukha bago binalik ang tingin sa kaniya.
"Seryoso, tigilan mo na ang kasusunod mo sa akin. Alam ko naman na maganda ako pero wala kang mapapala sa isang katulad ko. Hindi maganda 'yang pagiging obsessed mo sa akin. Kapag hindi ka pa talaga tumigil, hindi na ako magdadalawang isip na e-report ka sa mga pulis."
Umiling siya. "Ayokong tigilan ka. Kahit magsumbong ka pa sa mga pulis."
Pinamewangan ko siya.
"Wow, ha? Binibigyan ka na nga ng chance, umaayaw ka pa? Hindi ka ba nasisindak sa isipan na kakasuhan kita?"
Umarko ang labi niya para sa isang ngisi. "Isa akong Hilton, Elisha. Baka naman sapat na iyan para matakot kang banggain ang isang katulad ko?"
Sa sinabi niyang iyon ay para akong sinabuyan ng malamig na tubig sa kinatatayuan. Ang kaba na kanina ko pa nararamdaman ay tila nadagdagan. Nanlamig ako sa katotohanang... wala pa ako sa kalingkingan ng lalaking kaharap ko ngayon.
Sa isang pitik lang, kaya nilang sirain ang buhay ng isang tao. Kalat ang apilidong iyon dahil sa taglay na kapangyarihan na mayroon sila.
Sa angkan nila, halos lahat ay mga business magnate. Magbalak ka pa nga lang na kalabanin sila, alam mong talo ka na agad dahil sa mga yaman at impluwensiya na mayroon sila. Kaya ang isiping Hilton ang aking kaharap sa mga sandaling ito, parang gusto ko na agad na tumakbo at magtago.
Tumaas ang kilay ng lalaking nasa harapan ko habang tila nanunuya ang itim na pares na mata.
"Ano, Elisha? Hindi ka na 'ata nakapagsalita?"
Pilit akong tumawa at pabiro siyang pinalo sa braso na akala mo matagal na kaming close.
"Ano ka ba naman. 'Di ka naman mabiro riyan. Syempre joke lang iyong kakasuhan kita. Sa guwapo mo ba namang 'yan? Malabong maniwala ang mga pulis na stalker kita," sabi ko saka dahan-dahang tumalikod. Nagsimula na akong humakbang paalis pero narinig ko pa ang halakhak niya.