Kabanata 2

164 9 0
                                    

Elisha.

Niluhod ko ang kaliwang tuhod sa sahig upang kalapin ang mga nagkalat na larawang nabitiwan ko kanina. Pagkatayo, agad kong sinara pabalik ang aking locker.

Napahawak ako sa ibabang labi habang naglalakad ako sa daan na patungo sa guard house. Pumilig ang ulo ko't kinutusan ang sarili.

Gigil ako sa lalaking iyon dahil sa pagnanakaw niya ng halik, ngunit mas gigil ako sa sarili ko dahil sa pagtugon ko sa halik na iyon.

Seryoso ka, Elisha? Hindi ka lang basta tumugon, inamin mo ring masarap! Nakahihiya ka!

Napagulo na lang ako ng buhok dala ng frustrasiyon. Kulang na lang ay malukot ang mukha ko sa halo-halong emosyon.

"Guard, ito na po 'yong susi, thank you!" inis man, pinahinahon ko pa rin ang boses.

Nilapag ko ang susi sa counter para ibalik. Ngumiti at tumango sa akin ang lalaking kasalukuyang naghahalo ng kape nito sa hawak na tasa.

"Pauwi ka na? Kape muna tayo." Inangat niya ang tasa para ipakita sa akin. "Pagtimplahan kita?"

Nalaglag ang ngiti ko dahil tila kakaiba ang tono ng pananalita niya, gayundin ang tingin niya.
Mali mang basta-basta na lang na manghusga, pero mas naniniwala talaga ako sa kutob ko.

"Hindi na po, salamat na lang." Tuloy-tuloy na ako sa paglalakad matapos kong sabihin iyon. Doon na ako kinilabutan nang tawagin niya ako. Napahagod ako sa leeg.

Tumigil ang sinakyan kong taxi sa tapat ng subdivision namin. Ilang beses kong pinindot ang doorbell ng gate namin.

Natanaw ko ang mayordoma ng aming mansion na si Yaya Isabelle sa bungad ng main door. Mabilis siyang lumapit sa aking gawi para pagbuksan ako ng gate.

"Nandiyan na ba sila mommy, 'ya?" tanong ko, habang papasok ako. Sinara ko pabalik ang gate.

"Kanina pa, iha. Nag-aaway na naman ang dalawa."

Napabuntong-hininga ako sa sinabi niya. "Wala namang bago, yaya. Lagi naman silang ganiyan." malungkot ang tonong usal ko.

Natahimik naman si Yaya at hindi na nag-abalang tumugon. Walang kibo niya na lang akong sinundan.

Napapitlag ako nang pumasok ako sa mansion namin. Bumungad agad sa akin ang pagkabasag ng isang bagay sa sahig.

Si mommy ang may kagagawan no'n. Nagtapon siya ng isang mamahaling flower vase habang umiiyak sa harap ni daddy.

"Ano itong nababalitaan ko na nambabae ka na naman? Kailan ka ba magtitino, ha, Alessander?Bakit ba palagi na lang ganito? Alam ko, maraming pagkukulang sa akin, pero bakit hindi mo ako magawa man lang na respetuhin bilang asawa mo?!"

Napaiwas ako ng tingin. Parang mariin akong piniga sa loob ng dibdib dahil sa narinig. Muling narindi ang tenga ko sa kawalang hiyaang ginawa na naman ng sarili kong ama.

"Wala kang pakialam sa kung ano ang gusto kong gawin! Asawa lang kita!" asik pabalik ni daddy na nagpangilid sa aking mga mata.
Dismaya akong napailing at saka napatiim na lang ng labi.

Dire-diretso akong naglakad para magtungo sa kwarto ko. Bawat hakbang ko ay mabibigat. Halos maging padabog na iyon pero tila hindi nila ako napansin. Mistula akong hangin na dumaan.

Umakyat ako sa hagdan na hindi pinapansin ang mga sigawan nila. Hangga't maaari, ayaw ko na lang makisawsaw. Wala silang paki sa akin, kaya dapat matuto rin akong mawalan ng pakialam.

Wala rin naman akong magagawa kahit awatin ko pa sila dahil hindi pa rin naman magbabago si dad. Madadamay lamang ako sa away nila.

Napahugot ako ng hininga. Pinihit ko ang seradura sa pinto ng aking silid. Hindi ko na inabala pang buksan ang ilaw nang pumasok ako sa loob. Hinayaan na madilim ang paligid.

Nanghihina akong sumampa sa kama kahit suot pa ang uniporme. Hindi ko na napigilang mapaluha nang mas lalo pang lumakas ang sigawan sa baba. Sinubsob ko ang mukha sa unan dahil sa labis na kirot sa puso ko.

Kalaunan, dahil siguro sa pagod ay mabilis akong nakatulog. Nang sumapit ang umaga ay maaga ang naging gising ko. Kaya maaga rin akong nakapaghanda. Katatapos ko lang maligo at magbihis.

Suot ang bag ko ay mahina kong inayos ang uniform ko sa harap ng full-length mirror. Tinali ko ang hanggang balikat kong bagsak na buhok. Nang makuntento sa aking ayos ay lumabas ako ng kwarto at bumaba ng hagdan.

Si Yaya Isabelle pa lang ang unang naabutan ko na ngayon ay abala sa pagpupunas ng lamesa.

"Yaya, sila mommy?"

"Maaga silang umalis para sa trabaho. Kumain ka muna ng umagahan bago ka rin umalis. Naalala kong hindi ka kumain kagabi. Masama ang magpalipas ng gutom, iha."

Pilit akong tumango. Inilapag ko ang bag ko sa upuan. Hinila ko ang katabing upuan nito saka naupo. Ang aking yaya na mismo ang naghanda ng kakainin ko sa aking harapan. Pinagtimpla na rin ako ng gatas.

"Salamat, yaya Isabelle."

Bumuga muna ako ng hininga bago nagsimulang lantakan ang pagkain. Medyo mabigat ang loob ko na kumakaing mag-isa. Dapat nga nasanay na ako, ngunit hindi ko talaga maiwasang mawalan ng gana.

Nang matapos ako ay nagpaalam na ako kay Yaya Isabelle. Sinabi niya lang na mag-iingat ako na tinugon ko naman ng isang tango.

"Seryoso ka?"

Nanlalaki ang mga matang tanong ni Karma sa akin nang ikwento ko sa kaniya 'yong tungkol sa stalker ko. Ganoon din ang paghalik na ginawa sa akin ng lalaking iyon.

"Kaya pala napapansin ko sa 'yo nitong nakaraan na parang hindi ka mapakali at wala sa sarili. Ang buong akala ko, may problema ka sa inyo na ayaw mo lang sabihin. Iyon pala, may stalker ka! Hindi pa naman iyon maganda! Maaari kang mapahamak! May ginawa ba siyang masama sa 'yo?"

Umiling ako at umiwas ng tingin. Nangamatis ang pisngi ko nang maalala kung paano ako marahas na sinandal ng lalaking iyon tapos nagustuhan ko pa.

"Wala naman, bukod sa pagnakaw niya ng halik sa akin."

"Oh, Jesus! Sure akong obsessed ang lalaking iyon sa 'yo. Kailangan mong mag-ingat, 'day! Gusto mo bang ireport natin sa pulis? May mga kakilala ako."

Inilingan ko siya agad. "Huwag. Baka ikapahamak pa natin. Hindi natin kilala kung sino at ano ang lalaking 'yon. Mamaya niyan, sobrang delikado at bigating tao pala 'yon."

"Pero—"

"Huwag na Karms. Hindi naman din 'yon mabibigyan ng pansin dahil wala tayong kahit na anong ebidensiya."

She sighed. "Basta kung ano mang mangyari, lagi mo lang tatandaan na nandito ako palagi para sa 'yo, ah? Kung gusto mo ng tulong, ako agad tawagan mo. You know that I am just one call away."

"Ang sweet naman," nangingiting panunuya ko sa kaniya. "Noted 'yan, madam."

Inirapan niya ako. "Dapat lang."

His Sweet Obsession Where stories live. Discover now