Chapter 1

2K 22 3
                                    

KAMPANTENG NAG-INAT SI FATIMA. Gising na siya pero nakapinid pa rin ang mga mata dahil sa pagkahilo. Hinagud-hagod niya ng daliri ang kanyang sentido bago ibinagsak ang braso sa kama. Saglit siyang natigilan nang may mabagsakan iyong kung ano sa kanyang tabi. Dinama niya iyon. Malambot ang hibla ng telang nakadikit sa kanyang balat kaya inakala niyang isa iyon sa mga stuffed toys na nakapalibot sa kanyang kuwarto.

Bumiling siya para yakapin ang inaakalang stuffed toy pero laking gulat niya nang may madiitan siyang balat. Kinapa-kapa niya iyon, at kinilabutan nang matiyak na iyon ay braso ng isang lalaki.

Dali-dali siyang tumayo, sapo ang ulong lumayo sa higaan.

S-sino ang taong ito? litong tanong niya sa sarili. Pilit niyang inalala ang nangyari nang nagdaang gabi. Natatandaan niya, umuwi siyang hilung-hilo at halos umeekis ang lakad.

Galing siya sa shower party ng isang kaibigan. Maaaring lasing siya, oo, ngunit malinaw sa isip niya na wala siyang nakitang lalaki sa naturang party.

Dahan-dahan niyang iniangat ang kumot para silipin ang paanan nito. Pero habang ginagawa niya iyon ay nagising ang lalaki at ang ginagawa niyang pagsilip ang namulatan nito. Bumalikwas ito.

"W-who are you?" tanong nitong mabilis na bumaba ng kama. Noon niya nakita naka-kremang slacks ito.

Napasiksik ang dalaga sa isang sulok, gulat at medyo takot.

"Hindi mo ba narinig ang tanong ko? Sino ka?" ulit nito.

Huminga siya nang malalim. Kuwarto niya iyon, bakit siya ang tinatanong nito ng ganoon? "T-teka, teka. Hindi kaya ako ang dapat na magtanong kung sino ka?" aniya nang makabawi. "Ano'ng ginagawa mo rito at bakit ka natutulog sa tabi ko?"

"Natutulog sa tabi mo?" Gulat ding napakunot-noo ang lalaki. Kahit nakapagitna sila sa kakatwang sitwasyon iyon, nabigyang-pansin pa rin niya na guwapo at makisig ito. "I'm sorry, Miss, pero nang mahiga ako rito kagabi, wala namang ibang nakahiga rito."

Napamaang siya. "You mean... mas nauna kang natulog kesa sa akin kagabi?"

"Well, I don't know. Basta wala akong nakitang ibang tao nang mahiga ako dito kagabi," sagot nito. "Kung ganoon, ikaw ang yumakap sa akin. Ang akala ko nananaginip lang ako. Totoo pala, niyayakap ako ng isang babae!"

"Hoy! Wala akong nalalaman sa sinasabi mo!" depensa niya.

"Wala? Bakit mo sinisilip ang... ilalim ng kumot ko? Ano sana ang gusto mong gawin sa akin?"

"Aba, at ako pa ang pag-iisapan mong may gagawing masama sa iyo, eh, ikaw itong basta na lang pumasok sa kuwarto ko!" Dumampot siya ng unan at ibinato rito. "Lumabas ka sa kuwarto ko, walanghiya! Bastos!"

"Hey, wait! Ano ba?" anito habang umiilag.

Stuffed toys naman ang hinagip niya. "Get out of here!"

Hanggang sa makalabas ng kuwarto, sinusundan pa rin ng lumilipad na stuffed toys ang lalaki. At waring hindi pa kontento, hinabol pa niya ito. "Yolly! Julian!" tawag niya sa mga kasama sa bahay. "Tumawag kayo ng pulis, madali! May nakapasok na ibang tao sa bahay!"

"Wait! Bakit mo ako ipapupulis?"

"Yolly! Julian! Ano ba kayo? Tumawag sabi kayo ng pulis, eh!" tili pa rin niya.

"Fatima, Gerard... ano ba 'yan?"

Napalingon ang dalaga nang marinig ang boses na iyon. "T-Tita Margarita!" gulat na sambit niya. "Narito na pala kayo."

Dali-daling nagpunta sa likuran ng matandang babae ang lalaki. "Ninang, sino ba 'yang gerera na iyan?" busangot ang mukhang tanong nito.

Ninang? Tinawag nitong 'Ninang' ang kanyang Tita Margarita?

My Heart Belongs To You - Estrella MontenegroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon