Chapter 7

521 7 0
                                    

SINASALAT-SALAT PA NI TRISTAN ang panga nang umibis ng sasakyan. Mabagal itong naglalakad papunta sa pintuan kasunod si Fatima. Pansin nilang pareho na patay na ang ilaw sa loob ng mansion, gayundin sa labas. Iisang bombilya ang natitirang nakasindi. Iyon ay ang nasa tapat ng sala ng bahay, malapit sa hardin. Pero malamlam lang ang liwanag niyon, sapat lang upang maaninag nila ang isa't isa.

"Ano'ng gagawin mo?" tanong ng dalaga nang nasa tapat na ng pinto ang binata.

"Kakatok, para may magbukas sa atin at nang makapasok tayo," sarkastikong tugon nito.

Napabuntung-hininga siya. "Huwag ka nang kumatok; may sarili akong susi," aniyang dumukot sa bulsa ng suot na jacket. Pero nang ilabas niya mula roon ang kamay ay wala iyong hawak na susi. Sa halip, may pag-aalinlangan siyang lumapit sa binata. "Wait, ah, b-bago tayo pumasok sa bahay... gusto ko munang magpasalamat sa iyo, and at the same time, humingi ng sorry."

"Para saan?"

"First, sa pagtatanggol mo sa akin. Salamat doon," halos pabulong na sabi niya. Napayuko siya. "And sorry kung dahil sa akin ay napaaway ka pa at nasaktan."

Tumawa ito nang mahina. "Huwag mong intindihin 'yon; wala ka namang kasalanan. In fact, ako nga ang dapat na mag-apologize sa iyo. I ruined your night."

"Hindi ikaw ang sumira ng gabi ko kundi si Julius," nakasimangot na saad niya. Nang mapasulyap siya sa kausap, parang may kung anong puwersang nagtulak sa kanya upang ikilos ang kanang kamay. Tila may sariling isip iyong gumawi sa panga nito. Likuran pa lang ng kanyang hintuturo at middle finger ang nadikit sa balat nito sa mukha ay para na siyang nakuryente. Dahil doon, hindi pa nagtatagal ang pagkakadaiti ng kanilang balat ay agad na niyang binawi ang kamay. "I... I'm sorry. Nasaktan ka ba nang sobra?"

Seryoso ang mukhang umiling ito. "Hindi naman..."

Napangiti siya at saka tuluyang dinukot sa bulsa ang susi. "Bubuksan ko na ang pinto."

Ito naman ang pumigil sa kanya sa braso. "Sandali."

Dahil sa tila pagkakuryente sa touch na iyon, nabitiwan niya ang hawak na susi. Kapwa sila awtomatikong yumuko upang damputin iyon. This time, mga kamay naman niya ang nagkadaiti.

Hindi agad nakapagtaas ng ulo ang dalaga nang muli na namang maramdaman ang tila kuryenteng dumadaloy mula sa palad ng lalaki na nakadikit sa kanyang kamay.

Bumaybay iyon sa kanyang braso at kumalat sa loob ng dibdib niya.

Oh, my God! sabi ng isip niya. Bakit parang mahihimay ang lahat ng laman ko? Bakit ba ako nagkakaganito kapag nahahawakan ako ng lalaking ito?

Shocked si Fatima na madiskubreng sa edad na beinte-seis, ngayon lang siya nagkaganoon sa simpleng hawak ng isang lalaki. Marami na rin siyang lalaking nakaugnayan, kabilang na si Julius, pero wala isa mang nagpayanig sa kanyang dibdib at nakapaghatid sa kanya ng kakaibang init gaya ng nagagawa ng simpleng touch ni Gerard.

"M-may sasabihin ka pa ba?" sa wakas ay untag niya sa binata.

"Ha? Ah, o-oo, kuwan, ah..." Saglit nitong binalikan sa isip ang sana ay sasabihin kani-kanina lang. "Ah, mag-a-apologize ako sa 'yo."

Napakunot-noo siya. "For what?"

"Doon sa nangyari sa tennis court. Sa pagbubunton ko sa iyo ng sisi sa nangyari," anito. Nakaluhod sila sa may pintuan at hawak pa rin nito ang kamay niya.

Saka pa lang siya naging aware doon. "Gerard, ang kamay ko," aniyang tinangka iyong bawiin.

Tumanggi ang binata na bitiwan ang kanyang kamay. Sa halip, dahan-dahan nitong inilapit ang mukha sa kanya.

My Heart Belongs To You - Estrella MontenegroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon