Epilogue

1.2K 16 1
                                    

IKINALUNGKOT NI FATIMA na ang naging kapalit ng paglabas ng katotohanan ay ang pagkawala ni Doña Margarita. Nagpasya itong mag-migrate na lamang sa America kasama ang anak.

Ayon sa matanda ay iyon na ang pinakamabuti. Kailangan nila ni Dinah ng panahong magkasama. Marami itong iniwang habilin kina Fatima at Gerard. Nilimot na rin nila ang di kanais-nais na pangyayari noon, dahilan upang mawala si Fatima sa mansion. Ibinilin din ng kanyang ina-inahan na balitaan sila nito sakaling maisipan nilang pakasal na. Hindi na rin pumayag ang doña na ihatid pa ng magkasintahan silang dalawa ni Dinah.

Ilang sandali pa ay umusad na ang sasakyan palabas ng bakuran habang tinatanaw ng magnobyo.

"Yolly, nasaan na nga pala si Mina?" tanong ng dalaga sa katulong na pinangingiliran ng luha dahil sa pag-alis ng amo.

"Kusang umalis; nakonsyensya siguro," tugon nito. "Babalikan ko na 'yung isinalang ko sa kusina."

"Sandali, Yolly," habol ni Fatima. "Hindi pa ako nakakapagpasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo, hindi sana naayos ang gulong ito."

"Sus! Aksidente iyon, Timay, ano! Doon ka magpasalamat at hindi sa akin," sabi pa nito at saka tumuloy na.

"Paano? Tayu-tayo na lang ang naririto," ani Gerard nang makapagsolo sila.

"Oo nga, eh. Ano nga pala ang sinabi mo kay Dinah?"

"Sinabi kong hinahangad ko ang kabutihan niya at sana makakita siya ng isang taong mamahalin niya at magmamahal din sa kanya," malawak ang ngiting pahayag nito.

"Ano'ng sinabi niya?"

"Wala," tugon nitong nakakibit-balikat. "Hindi siya umimik."

"Do you think makakalimutan ka niya pagdating nila sa States?"

"Siguro. Marami siyang mapagtutuunan ng pansin doon." Kinabig nito ang ulo ng nobya at saka bumulong. "Ang ayaw kong pumunta roon ay ikaw."

"Wala naman akong balak na pumunta roon, eh," malambing na bigkas niya. "Unless kasama ka."

"Siyempre," nakangising saad nito. "Sa guwapo kong ito, pakakawalan mo pa ba naman ako?"

"Aba, at ang yabang ng mokong na 'to, ah," kunwa'y ingos niya, sabay siko sa tagiliran nito.

Tumawa ito. "Alam mo, hindi naman ako ganito dati," pagkuwa'y sabi nito.

Umangat ang isa niyang kilay. "You mean, natuto ka lang magyabang nang makilala mo ako?"

"Well, hindi naman siguro pagyayabang ang tawag doon kundi pagmamalaki. I'm proud of you... and I'm proud of myself because you love me," anito sa masuyong tinig. "At kung kinakailangan kong pag-aralan kung paanong maging punkista, gagawin ko para maging proud ka rin sa akin."

"Hindi mo kailangang maging punk, Gerard. I'm proud of you and what you are. Ayaw kong magbago ka pa," madamdaming pahayag niya.

"Pero kung hindi ako magbabago, hindi ninyo ako isasama ng mga kaibigan mo sa disco," natatawang sabi nito.

"At sino naman ang may sabi sa iyong magdi-disco pa ako? Sawa na ako sa mga ganoong gimmick."

"Really?"

Nakangiting tumango siya.

Hinawakan nito ang kamay niya at saka madamdaming tumitig sa mukha niya. "Sweetheart..."

"Hmm...?"

"Will you marry me?"

Nilukob ng hindi mai-describe na kaligayahan ang puso ni Fatima sa narinig. "G-Gerard..."

"I won't take no for an answer," kunwa'y banta nito.

Napangiti siya. "At sino namang nagsabi na 'no' ang makukuha mong answer?" nanunudyong turan niya.

Punung-puno ng kaligayahang hinalikan siya ng kasintahan sa bibig.


Wakas

My Heart Belongs To You - Estrella MontenegroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon