TANGHALI NA nang makapagluto ng agahan si Fatima. Inuna kasi niya ang paglalaba ng marurumi niyang damit.
Malapit nang maluto ang piniprito niyang tocino nang makarinig siya ng katok sa pinto. Inilapag niya ang ginamit na siyanse at ipinunas ang mga palad sa suot na apron bago tinungo ang pinto. Nagulat siya at hindi agad nakakibo nang mabungaran kung sino ang naroroon.
"H-hi," bati ni Gerard.
"B-bakit ka naririto?" tanong niya. "Ano'ng kailangan mo sa akin?"
"Gusto kitang makausap."
Nabuhayan siya ng loob. Handa na kaya itong makinig sa kanya? At maniwala kaya ito sa sasabihin niya?
"Puwede bang pumasok?"
Nilawakan niya ang bukas ng pinto at binigyan ito ng puwang para makapasok.
"P-pasensya ka na, simple lang itong bago kong tirahan. Hindi kasi ako puwedeng kumuha ng mamahaling apartment dahil wala pa akong nakikitang bagong trabaho," halos mag-stammer na sabi niya. Bigla siyang na-conscious nang maalala ang kanyang hitsura. Magulo ang pagkakaipit ng mahaba niyang buhok at ni wala siyang pulbos sa mukha.
Napapatungan pa ng apron ang suot niyang t-shirt at walking shorts. "Pasensya ka na rin sa ayos ko, katatapos ko lang kasing maglaba, eh."
Dala ng awa, hindi nito napigil ang sarili. Hinawi nito ang buhok na nakasabog pa sa mukha ng dalaga. Paulit-ulit siyang hinaplos nito sa pisngi.
Gustong mapahikbi ni Fatima. Parang hindi na galit sa kanya ang binata. Halos gusto niyang simulan ang pagpapaliwanag ngunit tila ayaw bumukas ng kanyang bibig.
"Fatima..." usal nito.
Bigla niyang naamoy ang pinipritong tocino. Iyon ang ginamit niyang dahilan para makalayo sa haplos ni Gerard na labis niyang pinananabikan. Wala siyang nagawa nang sumunod ito sa kanya sa kusina.
"Paano mo natunton itong tinitirahan ko?" tanong niya habang nakaharap sa gas stove.
"Itinanong ko kay Libby. Pinuntahan ko siya sa office."
Napalunok siya. "B-bakit mo ako hinahanap? May kailangan ka ba?"
"Ipinahahanap ka ni Ninang," saad nito.
Na-disappoint siya nang marinig iyon. Ang akala niya ay kusang-loob siya nitong hinanap.
Ngunit ang sunod nitong sinabi ay nagpalundag sa kanyang puso.
"Ginawa ko ang utos niya hindi lang para sa kanya kundi higit para sa akin."
May bumikig sa lalamunan niya. Ilang beses muna siyang lumunok bago nakapagsalita. "Hindi ba galit kayo sa akin?"
Umiling ito. "Alam na namin ang totoo. Si Dinah ang may kagagawan ng lahat."
Saglit siyang napahinto sa ginagawa. Hindi siya nagkamali ng suspetsa. "Ano pa'ng importansya niyan?" turan niya pagkaraan ng ilang sandali.
"Gusto naming humingi ng tawad dahil nawalan kami ng tiwala sa iyo."
"Kaya kong tanggapin ang sa iyo. Hindi mo ako talagang kilala, eh," sabi niyang may hinanakit sa tinig. Bumuntung-hininga siya nang malalim. "Ang ikinasasama ng loob ko ay ang pagkawala ng tiwala sa akin ni Tita Margarita. Nakakasama ng loob dahil siya ang higit na nakakakilala sa akin. Alam niya na hindi ko siya magagawang pag-isipan ng masama."
Nang muling magsalita ang binata, bakas ang hinanakit sa tinig nito. "Bale-wala pala sa iyo ang tungkol sa akin. Hindi mo lang alam kung gaano akong pinahirapan ng pangyayaring iyon."
Nagtaas siya ng kilay. "At bakit ka naman nahirapan, aber?"
"Dahil mahal kita."
Gusto sana niyang matuwa sa narinig, pero siya naman ngayon ang may pagdududa. Bigla niyang hinarap ang lalaki. "How can you say that you love me gayong hindi ka nagtitiwala sa akin? Magkasama iyong ibinibigay, Gerard. Kapag nagmahal ka ng isang tao, kailangang kaakibat niyon ang pagtitiwala sa kanya."
"Can you blame me? Masyado akong naapektuhan ng nabasa kong sulat," mapait na turan nito. "Hindi ko matanggap na narito ako, hinihintay ang pagbabalik mo... samantalang naroon ka at ibang lalaki ang hinihintay."
"Hindi totoo 'yon! If only you gave me a chance to explain myself..."
Lumapit ito sa kanya at tinanganan siya sa magkabilang balikat. "Pareho tayong biktima ng kapangahasan ni Dinah. Pero dahil nawalan nga ako ng tiwala sa iyo, I owe you an apology. I'm sorry, Fatima. Forgive me, please," pahayag nitong punung-puno ng pakikiusap ang mga mata.
Dinampot niya ang siyanse at akmang ihahataw iyon sa binata. "Ah! Kung hindi lang kita mahal, hindi kita patatawarin!" saad niyang tila ibig pang mapahikbi.
Mabilis nitong kinabig ang ulo niya at isinandal sa dibdib nito. "Thank you, Fatima. I swear, hindi na ako muling mawawalan ng tiwala sa iyo." Itinaas nito ang kanang kamay na parang nanunumpa. "I promise to trust and love you forever..." Pagkabigkas niyon ay ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito bago yumukod upang abutin ang kanyang mga labi.
Bahagya niyang iniatras ang mukha. "Sandali, nakakahiya sa iyo. Mukhang amoy tocino ako...."
Lumipat ang kamay nito sa baywang niya. "I don't care. Hindi ba masarap papakin ang tocino," nangingiting sabi nito.
At hindi na siya nakahuma nang tuluyan nitong angkinin ang kanyang mga labi.
![](https://img.wattpad.com/cover/372696828-288-k509837.jpg)
BINABASA MO ANG
My Heart Belongs To You - Estrella Montenegro
RomanceNapahumindig si Fatima nang makapa niyang may kasiping siya sa kama. Napamulagat siya sa nakita-lalaki! Katabi niya sa kama ang isang lalaki! Oo nga't lasing siyang umuwi kagabi pero wala siyang natatandaang may nakita o nakilalang lalaki sa bridal...