ANG KATANGIAN NG IDEAL GIRL ni Gerard na hindi niya nakita kay Fatima at sa iba pang babaeng nakilala ay waring nakita niya kay Dinah. Kimi ito, mahinhing kumilos, palaging nakatungo at hindi halos ngumingiti. Kung pagbabasehan iyon, para tuloy ayaw na niyang maniwala sa mga naunang nalaman tungkol dito.
"Ngayong alam mo nang buhay ang iyong mama at hinahanap ka niya, ano'ng masasabi mo, Dinah?" tanong niya.
"Ewan ko, hindi ko alam," anitong mas nagpakatungu-tungo pa. Halos tumabing na ang mahaba nitong buhok sa mukha nito. "Hindi ko kasi inaasahan na makikita ko pa siya."
"Sinabi ba ng papa mo sa iyong patay na ako?" Ang doña na mismo ang nagtanong. Nang hindi kumibo si Dinah ay kumilos na ang matandang babae. Lumapit ito at hinawakan ang kamay ng anak. "Buhay pa ako, Anak. At matagal kitang hinanap..."
"Saksi ako sa bagay na iyan," pagpapatotoo ni Gerard. "Matagal na inasam ng iyong mama na makita ka at makasamang muli."
"Kung ganoon, bakit ninyo ako pinabayaan?" May panunumbat sa tinig ng dalaga.
Napahikbi ang matanda. "Hindi ko iyon gustong gawin. Pero hindi ako binigyan ng pagkakataon ng papa mo," pahayag nito. Wala itong balak na sabihin ang totoong dahilan ng kanilang pagkakalayo. Ayaw nitong sirain ang asawa sa paningin ng anak.
Tumayo si Dinah at dumungaw sa bintana ng bahay na yari sa pawid na siyang tirahan nito. "Ganoon lang ba iyon sa akala ninyo? Hindi n'yo alam ang hirap na dinanas ko.
Noong una maraming pera si Papa, natatandaan ko. Pero nang tumagal, nawala iyon. Naghirap ako nang husto sapul sa pagkabata, samantalang kayo..."
"Kaya nga gusto kitang makita, Hija. Bago ako mawala sa mundong ito, gusto kong maibigay ang lahat ng dapat ay naibigay ko sa iyo."
Saglit na natahimik ang dalaga. "Kukunin ninyo ako rito at iluluwas ng Maynila?" pagkuwa'y tanong nito.
"Oo, Hija. At sana'y sumama ka."
Muling tumungo si Dinah. "Wala kong alam sa Maynila. Ni minsan mula nang magkaisip ako, hindi pa ko nakarating sa lugar na iyon."
"Oo, dahil sanggol ka pa lang nang umalis kayo ng papa mo roon. Pero huwag kang mag-alala. Narito naman ako. Poprotektahan kita."
Nagtaas ng tingin ang dalaga na anyong nag-iisip kaya nagkaroon ng pagkakataon si Gerard na sipatin ang mukha nito. Kung maaayusan ito nang tama, maaaring gumanda rin ito na tulad ni Fatima, naisip niya.
"Hija, sumama ka na sa akin," pakiusap ng doña. "Hindi ka dapat na mamuhay nang nag-iisa. Mayroon kang pamilya. Narito ako, ang iyong ina."
Rumehistro ang pag-aalinlangan sa mukha nito. "P-paano itong bahay? Iniwan ito sa akin ni Papa."
"Aanhin mo ito? May bahay ka sa Maynila, malaki at maganda. Doon ay magiging maayos ang buhay mo," pangungumbinsi pa ng ginang.
Sa isang taong dumanas ng hirap, ang pangako ng maalwang buhay ay talagang nakakaakit. Iyon ang nasa loob ni Dinah kaya dagli itong pumayag sa mungkahi ng ina.
"HI, BABY!" nakangising bungad ni Julius sa opisina ni Fatima. Isang pumpon na naman ng bulaklak ang bitbit nito. This time, sinamahan na rin nito iyon ng imported chocolates.
Lihim na napabuntung-hininga ang dalaga.
"Flowers and chocolates for you," anito habang iniaabot sa kanya ang mga dala.
"Thanks," walang ganang turan niya. "Hindi ka na sana nag-abala."
"Hindi pag-aabala 'yan."
Sa iyo siguro, sa loob-loob niya, pero ako ang inaabala mo. Tumayo siya at lumabas mula sa likuran ng kanyang desk. "Ano'ng balita?"
BINABASA MO ANG
My Heart Belongs To You - Estrella Montenegro
RomanceNapahumindig si Fatima nang makapa niyang may kasiping siya sa kama. Napamulagat siya sa nakita-lalaki! Katabi niya sa kama ang isang lalaki! Oo nga't lasing siyang umuwi kagabi pero wala siyang natatandaang may nakita o nakilalang lalaki sa bridal...