ISANG BUWAN NA ANG LUMIPAS pero hindi pa rin gumagaan ang pakiramdam ni Gerard. At kahit subsob na ang kanyang sarili sa trabaho, mas lamang pa rin ang oras na ginugugol niya sa pag-iisip kay Fatima. Sa kabila ng iniisip niyang masamang pagkatao nito, nasa puso pa rin niya ang labis na pangungulila sa dalaga.
"Gerard, mabuti at narito ka," bungad ni Dinah habang nagmumukmok ang binata sa terasa. "May gusto akong bilhin. Samahan mo naman ako, o."
"Wala ako sa mood, Dinah," walang ganang tugon niya.
"Hmph! Lagi ka namang wala sa mood, eh," kunwa ay nagtatampong sabi nito.
Tumingin siya sa malayo. "Ganoon na nga."
"Ano ba'ng pinag-iisip mo?"
"Wala."
Hinawakan siya nito sa braso at idinikit ang katawan sa tagiliran niya. "Gerard, huwag mo nang isipin si Fatima," turan nito sa malambing na tinig. "Masama siyang babae, di ba? Maglibang ka, lumabas tayo... mamasyal tayong magkasama."
Hindi binigyang-malisya ng binata ang pagdikit na iyon sa kanya ng kinakapatid. "Wala talaga ako sa mood, Dinah. Some other time na lang, okay?"
Nakasimangot na lumayo ito. "Ganyan ka naman kapag ako ang humihiling sa iyo, eh. Pero noong narito pa si Fatima, kahit hindi niya hilingin ay sinasamahan mo siya. Lagi kang nakadikit sa kanya," pagmamaktol nito.
"Aaminin ko sa iyong may dahilan iyon," aniyang napapabuntung-hininga. "At iyon din ang dahilan kung bakit iniisip ko pa rin siya hanggang ngayon."
Napaangat ang kilay nito. "At ano naman ang dahilan?"
"I love her," pag-amin niya. "At mas napatunayan ko iyon ngayong wala na siya rito."
"Hindi mo siya dapat mahalin!" angil nito. "Masama siyang babae, hindi ba? Hindi siya bagay sa iyo. Humanap ka ng iba. Makakatulong iyon para makalimutan mo siya."
Umiling siya. "Hindi iyon ang solusyon. Mas gugustuhin kong umuwi na lang sa Bacolod."
Lalo itong nanggigil sa yamot. "Sira-ulo ka pala, eh! Dapat nga kayong magsama ni Fatima!" bulyaw nito at saka padabog na umalis.
Noon lang napagtuunan ng pansin ng binata ang inasal ng kinakapatid. Dumagdag iyon sa napuna niyang pagbabago rito. Matigas at may pagkagarapal na itong magsalita. Hindi ito ganoon nang dumating sa bahay na iyon.
Siguro ay iyon ang natutunan nito mula kay Fatima, naisip niya.
Pero si Fatima ay hindi naman garapal, biglang bawi ng isip niya. Moderna ito at maliksing kumilos pero hindi garapal kumilos at magsalita.
Kunsabagay, pino nga siyang kumilos at magsalita pero ang laman ng kanyang isipan at gawa... Napailing-iling siya.
"PLANO MO NANG UMUWI NG BACOLOD?" sambit ni Doña Margarita. Nag-aalmusal sila ni Gerard nang umagang iyon sa komedor. "Paano'ng negosyo mo rito?"
"May mapagkakatiwalaan naman ho akong tao na puwede kong pag-iwanan niyon pansamantala," sagot ng binata. "At saka sandali lang naman ho ako sa probinsya. Bibisitahin ko lang si Mama dahil matagal na rin kaming hindi nagkikita."
Tumangu-tango ang matanda, pagkatapos ay namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
Mayamaya ay tumikhim ang doña. "Nabanggit sa akin ni Dinah ang tungkol sa damdamin mo kay Fatima," derechong saad nito. Hinawakan siya nito sa braso. "Nalulungkot ako sa iyo, Hijo. At nanghihinayang. Kung maayos sana ang lahat, masasabi kong bagay kayo ni Fatima sa isa't isa."
Hindi siya nakasagot nang gulatin sila ng ingay ng nabasag na plorera sa di-kalayuan.
Napatayo ang matanda. "Yolly, ano ba 'yan?" usisa nito nang makita ang katulong.
![](https://img.wattpad.com/cover/372696828-288-k509837.jpg)
BINABASA MO ANG
My Heart Belongs To You - Estrella Montenegro
RomanceNapahumindig si Fatima nang makapa niyang may kasiping siya sa kama. Napamulagat siya sa nakita-lalaki! Katabi niya sa kama ang isang lalaki! Oo nga't lasing siyang umuwi kagabi pero wala siyang natatandaang may nakita o nakilalang lalaki sa bridal...