Chapter 1

1.1K 16 0
                                    

"SIPSIP ka talaga sa lolo ko, 'no?" Inirapan lang ni Chay ang nakasalubong sa pintuang si Jet. Tumingin ito sa dala niyang oval casserole na wala nang laman. Bago muling tumingin sa kanya.

"Hindi na ako magtataka kung pati ikaw, pamanahan din niya."

Ngiti lang ang tugon niya sa sinabi nito. Ngiting nang-iinis. "Baka gusto mo 'kong paraanin?"

Hindi naman ito natinag sa pagkakatayo sa pintuan. "Ano ba talaga ang ulterior motive mo't lagi ka na lang nagpapalakas kay Lolo Vito?"

Lalong naging mapang-asar ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi. "Bakit ko naman sasabihin sa 'yo?"

"So, may ulterior motive ka nga?"

"Oh boy," aniyang pinatirik ang mga mata. Mahaba ang kanyang pasensiya ngunit madali iyong nasasagad kapag ito ang kadiskusyon niya. "Okay." Idinikit niyang payakap ang bahaging sisidlan ng kaserola sa sikmura na tila mapahahaba pa niyon ang kanyang pagtitiis. "Biyudo ang Lolo Vito mo at dalaga naman ako. Walang masama kung maging kami, 'di ba?"

Nanlaki ang mga mata nito bago humagalpak ng tawa.

"O loko, di na-shock ka sa kauusisa mo. Cool na cool siyang ngumiti rito habang pinagmamasdan ito sa pagtawa. 'You've had your fun. Puwede mo na siguro akong paraanin?'

"Goodness, Chay, seryoso ka ba sa sinabi mo?"

"What if I am?"

Humagalpak na naman ito ng tawa. "Ganyan ka na ba kadesperada? I mean, hindi ka naman pangit. At kung wala kang date, madali kitang maihahanap. Marami akong barkada na match sa age mo."

Gustong magpanting ng kanyang mga tainga. Pinigilan na lang niya ang sarili. "Hindi ako desperada. Ayoko ng date lalo na kung magmumula sa 'yo. At kung hindi mo pa nakikita o nababalitaan, marami akong suitors na puwede kong i-date." Pagkasabi niyon, pinilit niyang isingit ang sarili sa maliit na puwang sa pintuang kinatatayuan pa rin nito.

Umurong naman ito ngunit hinawakan siya sa braso. "Hey, mukhang asar ka na, ah."

"Naku, hindi. Tuwang-tuwa nga ako sa 'yo, eh," aniyang nang-uuyam. Binitiwan siya nito nang pahaltak niyang inilayo ang kanyang sarili. Malalaki ang hakbang nang tunguhin niya ang daan palabas ng bahay ng mga Josefino.

"Chay, sandali!" habol na tawag nito ngunit hindi na siya lumingon pa.

Kapitbahay at kababata niya si Jet. Matanda lang ito nang tatlong taon sa kanya, kaya nagisnan nang bahagi na ng buhay niya ito. Noon ay close na close sila nito. Kakampi niya ito. Sumasang-ayon sa mga katwiran niya at kakutsaba sa kalokohan. Nagtataka lang siya dahil magmula nang magdalaga siya ay naging mapang-asar na ito. Madalas na siya nitong salungatin sa kanyang mga desisyon. Malilit o malaki mang bagay iyon. Lagi itong kumokontra. Laging nakakahanap ng dahilan para siya inisin.

"O, bakit na naman mukhang pasan mo ang mundo?" puna ng kanyang ina nang makauwi siya.

"Wala ho, Mommy," sagot niya habang hinuhugasan ang kaserola.

"Anong wala? Si Jet na naman ba?"

Inilagay muna niya sa cupboard ang kaserola na hinugasan bago niya ito sinagot. "Bakit gano'n, Mommy? Hindi naman ako pikon. Hindi rin ako nagpo-provoke para asarin niya pero lagi na lang siyang nakakahanap ng dahilan para ako inisin."

"Pinapatulan mo kasi. Sakyan mo na lang nang sakyan ang pagbibiro niya. Mabait naman si Jet, ah."

Hindi na lang siya umimik. Para sa kanyang ina ay napaka-childish naman kung didibdibin niya ang pang-aasar ni Jet.

"NOONG araw, ang mga kabataan ay hindi sumasagot sa mga magulang nila kapag pinagsasabihan. Samantalang ngayon, hindi mo na mapagsabihan. Matitigas na ang mga ulo. Walang pangingimi kung magsisagot sa matatanda."

Jet Josefino - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon