Chapter 9

314 8 0
                                    

"NGITI nang konti, Chay."

Sumunod naman siya sa utos ni Ian. Dalawang araw na siya sa resort. Nagpaalam lamang siya sa mga magulang at kay Lolo Vito nang araw na paalis na siya. Ayaw niyang kulit-kulitin na naman siya ni Jet. Baka masira lang ang kanyang mood sa pagbabakasyon. Gayunman, habang nasa biyahe siya patungo roon ay panay ang tawag nito sa cellphone niya. Naninita ito.

"Why do I have this feeling na sinadya mong hindi ipaalam sa 'kin ang bigla mong pagbabakasyon?" sumbat pa nito matapos niyang sagutin ang cellphone.

"Kung natatandaan mo, hindi naman talaga ako nagpapaalam sa 'yo kung may gagawin o pupuntahan man ako, ah. Nalalaman mo lang dahil sinasabi ng mga kakutsaba mong si Manang Pining, sa pagbibigay-alam sa 'yo ng lahat ng mga lakad ko."

Sandali itong hindi nakakibo. "Ayaw mo ba n'on, pinoprotektahan kita?"

"Pinoprotektahan saan? Goodness, Jet, you are overreacting." Hindi na niya pinahaba pa ang pakikipag-usap dito. At kagaya noong pumunta sila ni Sandy sa resort, maya't maya ang tawag sa kanya nito, checking on her.

"Lubayan mo na 'ko, puwede ba?" aniya rito sa bandang huli. Pinatay na lang niya ang end button niyon kahit na labag man sa kanyang kalooban.

Kaya naroon siya nang mga sandaling iyon at tahimik na ine-enjoy ang pagbabaksyon sa The Strands.

"Relax lang ang ulo, Chay," sabi na naman ni Ian. "There, hayaan mo lang na galawin ng hangin ang buhok mo. Huwag mong hahawiin."

Nangiti siya sa seryosong pagpipinta ni Ian. No wonder na maging mahusay ito. "Pumayag na ba ang daddy mo na may magturo sa 'yong art instructor?"

Nagkibit lang ito ng mga balikat. "Ayaw niya, eh. I guess maghihintay na lang ako till I reach high school. Sa Manila na 'ko mag-aaral n'on. Kahit ako pa ang gumastos sa pag-aaral sa art school kung ayaw pa rin ni Daddy."

"Ano ba talaga ang inaayaw ng daddy mo sa pagkakaroon mo ng formal training sa painting?" Muli lang itong nagkibit-balikat. "Ewan ko."

Matagal-tagal na sila sa tabing-dagat nang lumapit si Elvin. "O, break muna kayo. Kanina pa 'yan, ah."

Ibinaba naman ni Ian ang paintbrush. "Okay. Daddy, puwede ba 'kong maglaro muna ng play station?"

"Sige."

"Bukas ulit, Chay," paalam ni Ian bago tawagin ang isang maid para ipaligpit ang gamit sa pagpipinta.

"Why don't we go swimming?" yaya sa kanya ni Elvin.

"Kaliligo lang natin sa dagat kanina, ah. Baka naman tubuan na 'ko ng palikpik niyan," pagbibiro niya.

"Okay, mag-jet-ski na lang pala tayo."

"'Yan pa, interesado ako. Sasandali lang kaming nakapag-jet-ski ni Jet no'ng una akong pumunta rito sa resort. Medyo bitin pa ang pagsakay namin dahil nga sa pagkahulog ko."

"Pagsasawain kita ngayon," sabi nitong nakangiti. "Sige na, magpalit ka na ng damit at hihintayin kita rito."

Sumunod nga siya at ilang sandali pa ay nakaangkas na siya sa jet-ski motor nito. Daring itong magpatakbo. Sinasadyang magpaese-ese sila sa ibabaw ng tubig. Sinasadya ring sagupain ang malalaking alon. Nagugulat siya ngunit iwinaksi na lang ang takot. Subalit habang tumatagal, napapagod na siya sa pagkapit sa baywang nito. Nahihilo na rin siya dahil nga sa paese-ese nilang takbo. Sa minsang pagsalpok nila sa mga alon at pagtagilid nang husto ng sasakyan, nakabitiw siya rito at pumaimbulog sa tubig.

"TUMAWAG na ba sa inyo si Chay?" kinakalag ang kurbatang tanong ni Jet sa abuelo nito. Kagagaling lang niya sa opisina.

"Hindi pa. 'Di ba't ikaw ang tumatawag sa kanya?"

Jet Josefino - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon