CHAPTER 15

737 19 0
                                    

CHAPTER 15

"I told you na huwag ka nang lumapit kay Gelo, Theo," sabi ni Adonis. Bakas sa mukha niya ang kanyang pagkairita. "Pagsasamantalahan niya lang yung pagiging mabait mo," saad ni Adonis na patuloy lang sa paglakad at paghila sa akin papalayo sa lugar ng mga trabahador.

Pagpasok namin sa bahay ay nakahanda na ang pagkain. Naupo si Adonis sa dati niyang inuupuan habang naupo naman ako sa kanyang tapat. "He was saying something," sabi ko kay Adonis. Malinaw pa rin sa akin kung ano ang sinabi niya. "Adonis, hindi aksidente ang nangyari sa stepfather at stepbrother ko. Sabi niya, may nag-utos sa kanya na sunugin yung bahay nila uncle," dagdag ko sa kanya.

"At sino naman? Theo, gagawin niya lahat para sirain kami sa'yo para siya ang piliin mo," wika ni Adonis at sinimulan nang kumain. "Or maybe he was telling the truth na sinunog niya yung bahay ng uncle mo but no one asked about that," dagdag niya, dahilan upang mapaangat ako ng tingin sa kanya.

"Imposible yun, wala siyang alam about my past, Adonis," sabi ko sa kanya. Walang nakakaalam ng nangyari sa'kin noon.

Wala akong pinagsasabihan — maliban kay... Apollo... It could be Apollo? Siya ba ang nagpagawa nun? Did he kill them?

"Kumain ka na, Theo. Isa pa, kahit ano pa ang totoo, ang mahalaga patay na ang mga nang-abuso sa'yo," wika ni Adonis sa akin.

Natigil ako sa aking pagkain at dahan-dahang tumingin muli kay Adonis. Gulat ko siyang tinitigan at hindi makapaniwala — hindi ko naman 'yun nasabi pa sa kanya! I only told it to Apollo!

"How... how did you know about that?" tanong ko sa kanya. "Did... did you kill them?! Ikaw yung nag-utos kay Gelo kaya ba ayaw mong lumapit ako sa kanya?!" gulat na tanong ko.

Nakita ko ang pagkabigla sa mukha ni Adonis! I can't believe it! Is he really the one who killed them?

"Relax! I heard you and Apollo, kinukuwento mo sa kanya 'yan. Hindi ko na 'yun inungkat pa dahil alam kong hindi ka pa komportable ikuwento 'yun sa akin," paliwanag ni Adonis sa akin.

He said a lot of things to convince me and I guess it worked. Nagpaalam na rin siya na aalis na siya at pupunta sa opisina nang matapos kami kumain. Tanging ako, mga kasambahay, at trabahador na lang ang naiwan sa bahay dahil sabi ng mga kasambahay ay maagang umalis ang Tatay dahil may inaasikaso ito, habang si Apollo ay hindi pa rin hanggang ngayon umuuwi. Saan naman kaya siya nagpunta at bakit tila hindi 'yun inaalala ng mga kasama ko sa bahay?

"Kuya Oscar, pwede niyo po ba ako samahan sa bahay-ampunan?" tanong ko sa driver namin.

Balak kong bumisita kay Sister Beth, kay Sister Beth lang at wala nang iba dahil wala naman akong pakialam sa ibang tao na nandoon.

Ilang sandali lang ay iginayak na ni Kuya Oscar ang sasakyan. Inabot din kami ng ilang oras bago makarating sa bahay-ampunan. Kahit halos isang buwan pa lang na wala ako dito, pakiramdam ko ay marami na ang nagbago. Agad naman akong nagtungo sa simbahan dahil batid ko namang andoon lamang si Sister Beth at nananalangin.

Hindi nga ako nagkamali at andoon siya sa loob ng simbahan at nagdarasal. Wala pa rin siyang pinagbago. Naglakad ako at luminga-linga sa paligid ng simbahan, walang bago at nanatiling ganoon pa rin katulad kung paano ko ito nilisan.

"Mabuti naman at naisipan mong dumalaw," sabi ni Sister Beth na hindi ako nilingon ngunit batid na ako ang taong naglalakad patungo sa kanya.

"Paano mong nalaman na ako ang kausap mo?" tanong ko sa kanya at malapad na ngiti ang sumilay sa kanyang mukha nang siya ay tuluyang humarap.

Nagtungo ako sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Si Sister Beth ang itinuring kong ina sa loob ng mahabang panahon. Siya lang at wala nang iba simula noong namaalam na sa mundo ang tunay kong ina.

"Akala ko ay lilipas ang buong buwan na hindi mo ako dadalawin dito," saad niya sa akin.

Halos isang minuto ko siyang niyakap bago ako tuluyang bumitiw sa kanya. Nagtungo kami sa isang upuan at naupo. Nagkuwentuhan sa kung anong nangyari sa buhay namin. Nakuwento ko sa kanya sina Apollo at Adonis, gayundin ang Tatay. Natutuwa raw siya na sa wakas ay nahanap ko na ang tunay kong pamilya.

"Ngunit, may nais po akong itanong, Sister," pagputol ko sa katahimikan. Nais kong sa kanya itanong ang bagay na 'to lalo pa at matagal na akong binabagabag nito. "Kasalanan po ba ang magmahal?" tanong ko sa kanya.

Lumingon sa akin si Sister Beth bago magsalita. "Hindi kasalanan ang magmahal—" hindi ko agad siya pinatapos at pinutol ko siya.

"Kahit po ang magmahal sa parehong kasarian?" agap na tanong ko. Hindi agad nakasagot si Sister Beth kaya iniwas ko ang aking tingin at tumingin sa aming harapan. "Kasalanan po bang ituturing kung umiibig ako sa kapwa ko lalaki?" tanong ko muli.

Batid kong malaman ang kasagutan niya. Huhusgahan niya ba ako at pauunahin niya ang kanyang paniniwala o tatanggapin niya ako na parang tunay na anak niya?

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Sister Beth bago niya kunin ang kamay ko. Tiningnan ko siya ngunit nakatitig lamang siya doon. "Noon pa man ay iniisip ko na kung anong klase ng taong iibigin mo o kung bubuksan mo nga ba ang puso mo para sa mga taong handang magmahal sa'yo," panimula niya at tiningnan ako. "Marami ang magsasabi na kasalanan ang umibig ng kaparehong kasarian, ngunit tandaan, ang tunay na kasalanan ay ang matang mapanghusga at ang mga taong hindi tumatanggap sa kanya," aniya at niyakap ako.

Hindi ko maiwasang lumuha sa kanyang sinabi. "Makasalanan pa rin po pala ako kung ganoon," saad ko sa kanya. Kumalas siya at hinawakan ang aking mga balikat.

"Isa sa aking panalangin ay ang matutunan mo ang magpatawad, Theo. Hindi ako nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na tatanggapin mo rin siya. Mas payapa ang buhay kapag kasama mo siya," aniya at tinuro pa ang aking puso.

"Huwag na po natin 'yan pag-usapan at baka masira pa ang moment natin," saad ko at bahagyang tumawa. "Nais ko po sanang bumisita sa mga bata sa loob bago ako umalis," sabi ko at tumayo at pinahid ang luha.

"Ay, may nais din akong ipakilala sa'yo. Isang linggo pa lamang noong ikaw ay umalis, dumating naman siya. Nakikita kita sa kanya, hindi ko alam kung bakit, o baka dahil kagaya mo, naging biktima din siya ng mapupusok na tao," sabi ni Sister Beth.

Parang may kung anong kumirot sa puso ko nang sinabi iyon ni Sister Beth. Parang nais ko siyang makita at maiparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa at may mga taong katulad at nakakaunawa sa kanya. Ngalang ay huwag nawa siyang tumulad sa akin na naging pakawala sa loob ng bahay-ampunan.

Nagtungo na kami patungo sa bahay-ampunan ngunit ang isip ko ay nandoon sa bagong pasok dito na kinuwento ni Sister Beth.

"Ikaw na ba 'yan, Theo?" dinig kong wika ng isang lalaki. Batid ko kung sino iyon dahil hindi ko makakalimutan ang boses na iyon.

Lumingon ako sa lalaking iyon at matamis na ngumiti sa kanya. "Nice to see you again, Kiyo," wika ko sa kanya at inilahad ang aking kamay.

"Grabe, pa-English-English ka na ngayon, samantalang dati..." makahulugang saad niya sa akin kaya tinaasan ko siya ng kilay. "Ikaw naman, minsan naman ay ilibre mo ako sa isang mamahaling restaurant. Balita ko mayaman ang pamilya mo. Tutal naman napasaya din kita dito sa bahay-ampunan," aniya at kumindat sa akin.

"Kung ililibre ko lahat ng mga nagpasaya sa akin dito sa ampunan, mauubos ang yaman ng aking Tatay," makahulugan ko ding saad na nagpaalis ng ngiti sa kanyang mukha.

Sa hindi kalayuan, tanaw ko ang isang pamilyar na lalaki at masama ang tingin niya sa akin. Hindi ako natatakot doon dahil alam kong hanggang doon lamang ang kayang gawin sa akin ni Florence.

"Asan si Philo?" tanong ni Sister Beth.

Nabigla ako nang may isang batang lalaki na nagtatago sa likod ng isang madre ang nasa aking harapan. Takot na takot siya na nakatago sa likod ng isang madre na para bang maililigtas siya nito. Parang may kung anong kumurot sa aking puso nang makita ko siya!

Agad akong bumaling kay Sister Beth. "Hindi ho ba natin maaring kasuhan ang nang-abuso sa kanya?" tanong ko kay Sister Beth.

"Patay na ang tito ni Philo," sagot sa akin ni Sister Beth. "Dinala siya dito sa amin ng mga pulis at sinabi na ulila na raw siya."

"Aampunin ko siya," agap kong sagot.

Nakita ko ang pagkagulat ni Sister Beth sa sinabi ko, maski ang mga nasa paligid namin ay bakas ang kanilang pagkabigla.

Sinful AffairWhere stories live. Discover now