Aeleia
Hindi ko namalayan ang oras dahil sa ginagawa. Nakita ko na madalim na sa labas ng bintana. Itinigil ko muna saglit ang pagpinta at kinuha ang yakult na nasa tabi ko at inisahang inom 'yon. Binalikan ko ng tingin ang canvas na nasa harapan.
Naroon ang imahe ng isang lalaki. Ilang gabi na nasa panaginip ko ang lalaking ito, hindi ko alam kung bakit. Doon ay may relasyon daw kami at dinadala niya ako sa kung saan, typical couples would do to their partner for their date.
Normal lang naman sa 'kin ang ganoong eksena lalo na sa panaginip. Ang hindi lang normal ay mahigit tatlong linggo na siyang nasa panaginip ko. Ganoon na ba ako ka-hopeless romantic? Sa panaginip nalang ba talaga ako magkaka-boyfriend? Hays.
Hindi blurred ang mukha niya at malinaw kong nakikita ang bawat detalye ng kaniyang mukha. Mula ulo hanggang paa. Nasisiguro kong walang ganoong nilalang ang may kagandang mukha na naninirahan sa lugar namin. Kahit marami na akong napaginipan na lalaki ay siya lang ang nakapukaw ng aking atensiyon. Siguro naiiba siya sa lahat. Pero hindi ko pa mawari sa ngayon. Ni isa sa mga napaginipan kong lalaki ay hindi ko pa nakikita o nakakasalubong man lang sa labas. Kahit siya.
Inayos ko ang mga art materials bago pumunta sa kusina para kumain ng hapunan. Tahimik ang buong bahay, tanging maririnig lang ay ang kalansing ng mga kubyertos na tumatama sa aking plato.
Mukhang malungkot pero sanay na ako. Simula noong namatay ang nanay ko sa car accident noong labinwalong taong gulang ako ay hindi na muling sumaya ang bahay. Maingay man gabi-gabi pero hindi iyon dahil sa halakhak sa tuwa, mula iyon sa tatay kong palaging nauwing lasing. Palaging maririnig ang pagkabasag ng mga gamit at ang pagsigaw niya.
Malay ko ba kung bakit pinili pa niyang libangin ang sarili sa alak at sugal sa pagkawala ng asawa niya, hindi na siya muling pumasok para magtrabaho simula noon.
Nagresulta iyon sa pagkapatong ng utang niya. Umabot ang isang taon na ganoon siya at nabalitaan kong may pinatay sa lugar namin. Tatay ko. Binaril. May limang tama ng bala, dalawa sa dibdib at tatlo sa ulo. Mukhang sinigurado na hindi na siya mabubuhay pa.
Walang CCTV sa pinangyarihan at wala ring bakas ng ebidensiya na iniwan ang suspek. Malinis at pulido ang paggawa nila ng krimen kaya nahirapan ang mga pulis na hanapin ito. Ang lead lang nila kaya binaril ang tatay ko ay dahil sa sugal at mga utang na hindi binayaran. Case closed.
Hindi pa ako tapos magluksa sa pagkawala ng nanay ay nadagdagan pa iyon ng mawala ang tatay. Sa panahong iyon ay tila parang nawalan ng saysay ang buhay ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kung paano magpapatuloy. O kung magpapatuloy pa ba.
Matagal akong liban sa klase at napag-isipan kong ihinto na nang tuluyan ang pag-aaral. Wala akong sapat na pera dahil naubos iyon sa sugal at alak. Walang tinirang pera ang tatay ko. Wala akong ibang choice noon kung hindi maghanap ng trabaho para suportahan ang sarili.
Dumaan sa isip ko na manghingi ng tulong sa relatives ng magulang ko pero hindi ko na ginawa. Mas pinili ko nalang na huminto sa pag-aaral at unahin ang pagtatrabaho kaysa humingi ng tulong sa mga kamag-anak kong isusumbat lang ang tulong sa 'kin sa huli. Mabuti nalang ay nasa malayong lugar din sila nakatira.
Nakahanap ako ng trabaho sa fast food chain na malapit sa amin. Maliban doon ay suma-sideline rin ako ng ibang trabaho kapag natapos ang shift ko. Doon ay nag-ipon ako ng pera para sa gusto kong itatayong negosyo.
Wala na akong balak na bumalik sa pag-aaral dahil hindi naman kaya ng katawan ko na pagsabayin ang dalawa. Kahit mabagal ang proseso at lumipas ang dalawang taon ay nagawa kong makapag-ipon ng sapat na pera para sa panimulang capital. Sa munting espasyo mula sa siyudad ng Makati na puno ng abalang tao ay nagrenta muna ako at doon nagpatayo ng Cafe. Leia's Cafe.

YOU ARE READING
Eternal Devotion
Romanceeternal series #1 His love and devotion for her seem endless, a constant flame that never fades. But underneath this deep affection lies a hint of obsession, a powerful and almost unsettling fixation. Languages used: TagLish. Mixed of Tagalog and En...