Chapter 1

1.4K 13 0
                                    

DEAR Inay, okay lang ako rito... simula ng letter na ginagawa ni Camille para sa inang si Chat na nasa Aklan. Kasalukuyan siyang nasa library ng pinapasukang university kasama ang mga close friends at classmates na sina Hershey at Sandra. Isang linggo pa lamang nakapagsisimula ang semester.

Afternoon session, nakuha kong schedule:

Pagpapatuloy ni Camille sa sulat na ginagawa. Hanggang 6:00 ang klase ko kapag TTH at hanggang 5:30 naman kapag MWF. Kaklase ko pa rin ang dalawa kong bruhang kaibigan, sina Sandra at Hershey. May mga bago akong kasama sa boarding house at mababait din sila. Natigil si Camille sa ginagawang sulat dahil hindi siya makapag-concentrate sa naririnig na usapan ng dalawang kaibigang katabi sa mesa.

"Nakita mo na ba yung bagong crush ng bayan, ha, Sandra?" tanong ni Hershey na kunwari ay reference book ang binubuklat. Pero ang totoo'y may ibang librong nakaipit doon, at iyon ang binabasa niya—ang biography book ng idol nitong si Leonardo Di Caprio.

"Ah, si Justin Dela Rosa? Oo naman, ako pa? Basta't guwapo, kelan ba naman ako nahuli?" sagot ng tinanong, na kinikilig habang pocketbook ang nakaipit sa librong hawak nito.

"Uhurm, lalaki na naman 'yang pinag-uusapan n'yo," sabad ni Camille. "Kayo talaga, basta guwapo, ang tatalas ng pang-amoy n'yo. At sino na naman ang kinahahabaan ng leeg n'yo?"

"Ang hina talaga nitong si Camille sa balita," kantiyaw ni Hershey. "May transferee kasi, galing daw Ateneo. Ang guwapo, 'Day. Don't tell me hindi mo pa siya nakikita."

"Walang panahon," pa-snob na sabi ni Camille.

"Ang manhid talaga ng babaeng ito. Parang walang pakialam sa mundo," ingos ni Sandra. "Puwede ba, hindi makakataas ng grades ko kung makikita ko man siya," sabi ni Camille, na muling ibinalik ang pansin sa paggawa ng sulat. "Saka hindi ako nagpunta dito sa Manila para maghanap ng guwapo, 'no?"

"Kaya ang dry-­‐dry ng buhay mo, eh. Dahil walang boys," sabi ni Hershey.

"Oo nga," second the motion ni Sandra. "Pero baka kapag nakita mo ang Justin Dela Rosa'ng 'yon, malaglag din ang mga mata mo."

"Excuse me, istorbo lang sa pag-aaral at pangarap ang boys."

"Amen," duweto nina Sandra at Hershey, na sabay pang nag-bow at nagtawanan. Sabay ding nanlaki ang mga mata ng dalawa nang mapansin ang lalaking papasok sa library.

"Speaking of the devil..." anas ni Hershey sabay bunggo sa siko ni Camille. "Here he is, yung sinasabi naming bagong crush ng bayan, si Justin Dela Rosa."

Nang mag-angat ng ulo si Camille, agad lumanding ang paningin niya sa lalaking kapapasok lang sa library. For one breathless moment, napako ang tingin niya sa matangkad na lalaking naghahanap ng table na mapupuwestuhan.

Hindi nga nagsisinungaling ang dalawa kong bruhang kaibigan. Guwapo nga pala ang transferee na ito. Pero hindi na niya isinalin sa salita ang paghanga. Para bang napakalakas ng personality nito na sa unang tingin pa lamang ay makatawag-pansin na. Isama man siguro ito sa karamihan, ito pa rin ang unang tatawag ng atraksyon ninuman. Nang madaan ito sa gawi ng table nila, natahimik sina Sandra at Hershey. Samantalang si Camille ay palihim na sinundan ng tingin ang dumaang binata.

Moreno ito, may Spanish features. Mapormang magdala ng damit, tama lang ang tangos ng ilong. At hindi lamang ang height ang sapat dito kundi ang built ng katawan. Sa tingin niya'y hindi ito lalampas ng twenty, pero hustong-husto na ang katawan.

"O, ano'ng say mo, Camille?" halos bulong lang ang tanong na iyon mula kay Sandra. "Sa scale ng one to ten, hindi ba nasa ten siya?"

"Exaggerated naman kayong magkuwento. Sa scale na one to ten, seven lang ang ibibigay ko sa kanya. Saka mukhang sobra sa porma," sabi niya, saka ibinalik ang pansin sa isinusulat. Naiiling na ibinalik na niya ang concentration sa ginagawa. Paraan niya iyon para disimulahin ang paghanga kay Justin Dela Rosa. Hindi siya dapat mag-entertain ng ganoong klase ng emosyon sa ngayon.

The Man Who Used To Be Mine - Cora ClementeWhere stories live. Discover now