Chapter 10

932 12 0
                                    

KINAILANGAN nang dalhin sa ospital si Mikee upang maobserbahan. Nagdamdam si Camille sa ginawa nito, pero sa huli ay na-realize din niyang abnormal ang sitwasyon nito kaya nagawa iyon sa kanya. Mas gusto niyang maawa kay Justin. Noon niya na-realize na hindi naman pala ito totoong maligaya sa piling ni Mikee.

Gusto niyang isipin ngayon na posibleng pinakasalan lamang ni Justin si Mikee dahil sa pagtanggap ng utang-na-loob sa pagtulong ng babae na malinis ang pangalan nito noon. O posible ring naawa ito sa kalagayan ni Mikee. Posible ring gusto siyang pasakitan nito.

ISANG gabi ay napansin niyang nasa terrace si Justin at malalim na nag-iisip. Isang bahagi ng isip niya ang nagdidiktang lapitan ito. "Justin, may maitutulong ba ako?" Matagal bago siya nilingon nito. At nang gawin iyon, isang pares ng malungkot na mga mata na tila nanunumbat ang tumitig sa kanya. "Ano'ng nararamdaman mo, Camille?" Mabigat ang tinig nito. "Ano'ng nararamdaman mo ngayong nalaman mong hindi ako totoong maligaya kay Mikee?"

"Justin..."

"Kung minsan, gusto kitang sisihin sa nangyaring ito," patuloy nito na hindi nakatingin sa kanya. "Nagkulang ka sa pagpapadama ng pagmamahal mo sa akin. Kaya nakasilip ng pagkakataon si Mikee, si Mikee na nakaabang lang."

"Don't blame me for that, Justin. Desisyon mo ang lahat ng nangyari sa buhay mo. Bakit magkasama kayo ni Mikee nang gabing iyon hanggang umaga noong mapatay si Dwight?"

"Katulad ng sinabi ko sa iyo, nalasing ako. Ewan ko, pero nagising na lang ako na magkasama kami ni Mikee. Natatandaan ko, may nangyari sa amin. But I thought it was you I made love to dahil sa epekto ng alak."

"Sisihin mo ang alak na ininom mo. Enough reason na ba iyon para pakasalan mo si Mikee?"

"Iniwasan ko na siya pagkatapos ng insidenteng iyon. Napokus ang isip ko sa kasong kinakasangkutan ko at sa pagtitimbang kung mahal mo nga ba akong talaga. Then, isang araw, sinabi niyang buntis siya at ako ang ama. Hindi ko pinansin noong una, pero ang parents na niya ang kumausap sa akin. Nag-attempt daw ng suicide si Mikee nang hindi ako maniwalang buntis siya at ako ang ama. Ipinaliwanag nila sa akin ang kondisyon ni Mikee at ipinakita sa akin ang pregnancy test niya. Totoo ngang buntis siya."

Napakagat-labi si Camille. "God knows, kung gaano ang pagtutol ng kalooban kong pakasalan siya. Kung meron man akong gustong pakasalan, it was you. Pero nasaan ka no'ng mga time na iyon?"

Damang-dama ni Camille ang pamimigat ng puso nito. "K-kung ginusto mo, ay puwede mong tanggihan ang pagpapakasal kay Mikee..."

"Hindi ko puwedeng talikuran ang responsibilidad ko sa kanya. May prinsipyo ako at hindi tumatakas sa obligasyon. Pinakasalan ko siya para sa magiging anak ko sana sa kanya. Pinakasalan ko siya dahil kailangan. Ganoon naman, hindi ba? May mga pagkakataong ginagawa natin ang isang bagay, hindi dahil gusto nating gawin, kundi dahil kailangan. Gaya ng ginawa ng daddy mo noon nang pakasalan pa rin niya ang mommy ni Mikee."

May mga luhang nagpainit sa sulok ng mga mata ni Camille. Ngayon niya na-realize na hindi naging unfaithful si Justin sa kanya. Naging fair lang ito kay Mikee. At kung tutuusin, ang pagiging duwag niya noon ang naging mitsa para maitulak si Justin palayo sa kanya.

Bigla na lamang ay nayakap niya ito. Hindi na niya nagawang kontrolin ang damdaming nagpapahirap sa kanya. Kung may magagawa lang siya para ibalik ang mga pangyayari, kung puwede lang niyang bawiin si Justin ngayon kay Mikee. "I'm sorry, Justin. I loved you, pero nagkulang nga siguro ako ng pagpapatunay. I'm sorry..."

Ni hindi ito tuminag. Hindi ito tumugon ng yakap. Pinakinggan lamang nito ang mahinang paghikbi niya. Mayamaya'y naramdaman niyang binaklas nito ang yakap niya. "Hindi man ako naging maligaya kay Mikee, hindi ko pa rin siya kayang talikuran."

Sa sinabi nito, para na rin nitong tinuldukan ang kaliit-liitang pag-asa niyang mababawi niya ito mula kay Mikee. "Justin!" tawag niya rito bago ito makalayo.

Sa blangkong ekspresyon ay nilingon siya nito. "Minahal mo ba si Mikee?"

"She's still my wife." Napakagat-labi siya. Saka muling nangislap sa luha ang kanyang mga mata.

SUMAMA ang lagay ni Mikee. Dahil lingid pala sa kanila, nagte-take ito ng drugs na lalong nagpanumbalik sa dati nitong sakit at lalo pang nagpalala. Nagpasya sina Meynard at Justin na dalhin ito sa States para doon ipagamot. Nang araw na nakaalis na ang mag-asawa, saka lumabas ang hold-departure order para kay Mikee.

"Hindi siya dapat nakalabas ng bansa. May warrant of arrest kami para sa kanya."

"Ano ang kaso ni Mikee?" tanong ni Meynard sa mga taga-NBI na nagpunta sa kanila.

"Nahuli na si Roden Feriones, ang lider ng tatlong pumatay kay Dwight pagkatapos nitong makalabas ng bansa at makaiwas sa batas sa loob ng kulang apat na taon. Kaibigan siya ng anak n'yo. At nagtapat na siya. Ang anak n'yo ang mastermind ng lahat."

Na-shock din sina Camille at Chat. "Baka nagkakamali kayo. Hindi 'yan ang magagawa ng anak ko."

"May matibay kaming ebidensya, Mr. Dela Cruz."

"P-paanong nagawa iyon ni Mikee?"

"Hindi sinadyang nalaman ni Mikee na si Feriones ang nagsu-supply ng shabu sa mga estudyante sa university. At iyon ang ginamit ni Mikee na pang-blackmail sa kanya. Kapalit ng pananahimik ni Mikee ay ang pagpatay kay Dwight. At alam n'yo bang si Mikee rin ang nagsulsol kay Dwight na abangan si Camille dahil alam nitong may gusto ang kapatid ko kay Camille?"

Gustong manghina ng tuhod ni Meynard sa narinig. Para namang sasabog ang dibdib ni Camille sa nabuksang katotohanan. Nagpatuloy ang imbestigador ng NBI na kuya ni Dwight. "At nang mag-away sina Dwight at Justin Dela Rosa dahil sa ginawa ni Dwight kay Camille, nakasilip ng pagkakataon si Mikee. Inutusan niyang patayin ni Feriones at ng dalawa pang barkada nito ang kapatid ko," mahabang paliwanag ng kuya ni Dwight.

Hindi makapaniwala si Meynard, ngunit malinaw ang mga narinig nito. Hindi masasangkot si Mikee kung wala talaga itong kinalaman sa kasong iyon. Mahirap paniwalaan, pero sa karakter ni Mikee, alam ng lalaki na kayang gawin iyon ng anak dahil sa pag-ibig kay Justin. "God..."

Noon din napagtagni-tagni ni Camille ang mga pangyayari. Kaya dumating si Mikee sa buhay ni Justin sa panahong naiipit ito sa kaso ng pagkakapatay kay Dwight ay dahil naiplano na nito ang lahat. Lahat-lahat... para lamang maagaw si Justin sa kanya. Nagawa iyon ni Mikee... at nasira sila ni Justin dahil lang sa baluktot na isip at sakim na pag-ibig ni Mikee.

Si Mikee na nasanay na nakukuha ang lahat ng bagay... "Kasalanan namin ni Bella..." paninisi ni Meynard sa sarili. "Pati si Justin... pati buhay ni Justin ay nasira. Camille, hija, I'm sorry. Hindi ko alam na ikaw ang nasaktan nang pakiusapan namin si Justin na pakasalan si Mikee."

Ngumiti si Camille. Dahil ngayon niya natiyak ang isang bagay—siya lang ang minahal ni Justin.

The Man Who Used To Be Mine - Cora ClementeWhere stories live. Discover now