HINDI nagawang mag-concentrate ni Camille sa lecture dahil lumilipad ang isip niya, pabalik doon sa muntik nang pagkakabundol ng kotse ni Justin Dela Rosa sa kanya. Hindi dahil masakit pa iyong balakang niyang nasagi, kundi mukhang mas malakas ang impact sa kanya ng pagkakalapit nila ng binata kanina. Buhay na buhay pa sa pang-amoy niya ang suwabeng amoy ng cologne nito. Nakapagkit na sa isip niya ang magagandang pares ng mga mata nito.
Ipinilig niya ang ulo, inilapat ang likod sa sandalan ng silya, at saka itinuon ang pansin sa professor na nakatayo sa platform at nagle-lecture. Para bang ang tingin niya sa nakakalbo nang professor ay si Justin Dela Rosa.
"Camille, okay ka lang?" tanong-pabulong sa kanya ng katabing si Hershey na tila nakapansin sa pagiging balisa niya.
"Ha? O-oo naman. Okay lang ako. Medyo masakit nga lang itong hips ko. Nasagi kasi ako ng kotse ni Justin Dela Rosa kaninang papasok ako."
"Ha? Talaga? Ang suwerte mo naman!"
"Gaga. Muntik na akong madisgrasya, masuwerte pa!" Pinigil ni Camille ang matawa, saka binunggo ang siko ng kaibigan para muli nitong ituon ang pansin sa professor.
"MAY GUSTO raw makipag-usap sa iyo," bulong ni Sandra kay Camille habang nakasubsob ang ulo ng dalaga sa binabasang anatomy book. Nasa library silang magkakaibigan.
"Sino raw?" Ni hindi siya nag-angat ng ulo.
"Siya, s-si Justin."
"Hi!" Ang nakangiting binata nga ang nakita ni Camille nang mag-angat siya ng tingin. Nakatayo ito sa harap ng table na kinaroroonan nila. "Can I talk to you, Camille?"
Lumayo sina Sandra at Hershey para makapag-usap ang dalawa. Kunwa'y kumuha ang mga ito ng libro sa bookshelf.
"Puwedeng maupo rito?" paghingi ng permiso ng binata. Inginuso nito ang silyang inalisan ni Sandra.
"Sure, hindi naman sa akin 'yan, eh. Property iyan ng university," pabiro niyang sagot habang pilit itinatago ang kaba sa tinig.
Medyo nangiti si Justin sa mababaw na joke, saka ito naupo. "Actually, gusto kitang makausap dahil doon sa nangyari kanina," sabi nito. "Hindi ko talaga sinasadyang muntik ka nang mabundol. Nagmamadali ako dahil late na ako sa first subject ko."
"Nag-apologize ka na kanina, hindi ba?"
"Baka 'kako nasaktan ka o nagalit sa akin."
"Hindi naman ako gaanong nasaktan. At ano naman ang dapat kong ikagalit sa iyo?"
"I was so worried about you. Dapat ay sinamahan kita sa clinic para nakasiguro akong wala kang pinsala."
"Kagaya nga ng sinabi ko na kanina, kung nabundol mo ako, kasalanan ko rin. Nagmamadali rin kasi ako."
"Hindi ko pa nga pala nai-introduce ang sarili ko sa iyo." Inilahad nito ang kamay. "I'm Justin Dela Rosa. Transferee." Lumitaw ang natural at pantay-pantay na ngipin ng binata.
Pinaunlakan naman ni Camille ang pakikipag-kamay nito. "I'm Camille Arevalo."
"Kilala na kita. Kanina pa kita tinatawag sa pangalan mo, hindi ba?" sabi ni Justin matapos niyang bawiin ang kanyang kamay mula rito.
"Sinabi na sa iyo nina Sandra ang pangalan ko?"
"I know you bago pa man sabihin sa akin ng friend mo. Sino ba naman ang hindi magkakakilala sa campus figure na katulad mo?"
Nag-blush si Camille. "Marami akong pinakokopya kaya marami akong kaibigan," pabirong pakli niya.
"Sikat ka 'kamo sa campus dahil bukod sa maganda ka'y matalino pa. Dalawang competition na raw iyong sinalihan mo na ikaw ang nanalo. No wonder, dean's lister ka. Pero sa tingin ko, may isa pang competition na puwede mong ipanalo, ang Miss Campus Queen."
YOU ARE READING
The Man Who Used To Be Mine - Cora Clemente
Romansa"Kung meron man akong gustong pakasalan, it's you. Pero nasaan ka no'ng mga time na iyon?"