NAKAKAPASO ang sitwasyon. O mas tamang sabihing nanunukso. Hindi nabawasan ang kapangyarihan ng mga mata ni Justin na humigop ng damdamin ng sinumang titigan nito. Sa pagmamadali ni Camille na takasan ang nakaiilang na titig na iyon, lumigwak ang mainit na gatas sa basong hawak niya. Pumaso ang mainit na likido sa hita at binti niya. Nag-aalalang napayuko si Justin sa harap niya.
"Napaso ka. Mainit pala ang gatas mo." Wala-sa-loob na nahawakan nito ang laylayan ng robang suot niya, at gumiyagis ang palad nito sa makinis na binti niya. Daig pa niya ang nakuryente. Napapiksi siya sa pagdadaiti ng kanilang mga balat.
Umakma siyang tatalikod, pero naramdaman niya ang matigas na kamay na pumigil sa braso niya. Na-freeze siya sa kinatatayuan. Naibalik niya ang tingin kay Justin. May sinasabi ang mga mata nito na kung babasahin pa niya'y baka magkasala siya kay Mikee. Kung hindi lang niya alam ang kaibhan ng tama sa mali, kanina pa siya yumakap dito at humingi ng halik na dating ibinibigay sa kanya ni Justin. Dati namang kanya ang mapupulang labing iyon.
"There are nights na ikaw ang niyayakap at hinahalikan ko, Camille. Remember that night sa Lake Paradise? We almost made love there, hindi ba?" Halos bulong lang iyon mula kay Justin. Huwag mo 'kong tuksuhin, Justin, please, samo ng isip ni Camille. Saka siya napapikit. Para maramdamang kinabig siya ni Justin palapit sa dibdib nito. Salamat sa muling tumapong laman ng tasang hawak niya; para siyang nagising sa pangangarap.
"B-baka magising ang asawa mo," aniya nang magdilat muli ng mga mata, pinatatag ang tinig. "Sayang, Camille... akala ko, minahal mo ako nang one hundred percent no'n. Pero hindi pala..." Kusa siyang binitiwan nito. Iyon pala ang natanim sa isip ni Justin, na kulang ang pagmamahal niya rito dahil dalawang beses niya itong tinanggihan. Kung hindi siya tatalikod dito, baka kung ano pa ang masabi niya. Kaya mabilis siyang tumalikod at ikinulong ang sarili sa kuwarto niya.
Heto na naman si Justin, binubulabog ang puso niyang sinaktan nito noon. At nahihirapan siyang awatin ang puso niya sa pagsagot. Dala pa rin ni Mikee ang dating ugali, ang hilig nito sa nightlife at barkada. Kaya may mga pagkakataong dumarating si Justin na wala ang asawa.
"Day-off ko kaya nalambingan ako ni Daddy na magluto ng seafood kare-kare," bati niya sa dating nobyo na pumasok sa dining room para kumuha ng maiinom. "G-gusto mong ipaghain kita?" alanganin niyang presinta dito. Tinitigan siya nang malamlam nitong mga mata. Walang nasabi. Pagkuwa'y ngumiti, saka humila ng isang silya sa six-seater na dining table.
Magaan ang pakiramdam na ipinaghain ni Camille si Justin. Nang mapansin niyang sinusundan nito ng tingin ang bawat galaw niya habang naghahain siya'y para siyang teenager na ninerbiyos sa harap ng kanyang crush. Isa sana iyon sa gusto niyang gawin para kay Justin kung sila ang nagkatuluyan—ang pagsilbihan ito at gawin ang lahat para maging ideal wife para dito.
Kahit alam niyang wala na siya sa posisyon para gawin iyon, gusto pa rin niyang mag-ilusyon paminsan-minsan. "Huwag mong sabihing ako lang ang kakain," untag nito. "Tapos na 'ko, eh." "Mas masarap kumain nang may kasalo." Ngiti lang ni Justin ay napapasunod na siya. Kumuha rin siya ng sariling plato at sinabayan ito.
"I didn't know you're a great cook," komento nito. "Coming from you, I'll take it as a compliment," nakangiti pati pusong sagot niya. "Sana pala, makakatikim pa ako ng mas maraming masarap na luto mo..." Medyo nangulap ang magandang mga mata ni Justin. "Kung tayo ang nagkatuluyan."
Napalunok si Camille. May tama sa puso niya ang huling linya nito. Nang mag-angat siya ng tingin, nakatitig ito nang tuwid sa mukha niya. "I was so disappointed then, alam mo ba 'yon? Nang malaman kong mas mahal pala ako ni Mikee? I thought you really love me. Naisip ko tuloy, baka gusto mo lang daigin si Mikee sa ibang bagay kaya—"
"No, Justine, I—" Natigilan si Camille. I love you. Mahal na mahal kita. Hindi totoo ang iniisip mo. Hindi ako papayag na sabihin mong mas minahal ka ni Mikee. No, hindi ko matatanggap ang maling akala mo, sigaw ng isip niya, pero hindi na siya nagkaroon ng lakas ng loob na isatinig. "I—I don't think this is the right time para ungkatin ang tungkol do'n," sabi na lang niya.
YOU ARE READING
The Man Who Used To Be Mine - Cora Clemente
Romance"Kung meron man akong gustong pakasalan, it's you. Pero nasaan ka no'ng mga time na iyon?"