Chapter 7

680 13 1
                                    

Nalulungkot man si Chat para kay Camille dahil sa sinapit ng pag-ibig nito kay Justin, nakatutuwa namang isiping ang sarili nitong love story ay nagkaroon ng magandang wakas.

"Ngayong malaya na ako, Chat, puwede kayang ligawan kita ulit?" tanong ni Meynard nang dalawin siya nito sa Aklan. "Wala na si Bella, mag-iisang taon na. Pero walang guilt sa dibdib ko dahil naging mabuting asawa ako sa kanya. Sa iyo ako maraming pagkukulang, sa inyo ni Camille."

"Hindi naman sa idinasal ko ang maagang pagkawala ni Bella, pero naghintay pa rin ako kahit walang katiyakan."

Ginagap ni Meynard ang kamay niya. "I'm sorry, Chat, if I had caused you so much pain. Alam kong naging unfair ako sa iyo, sa inyo ng anak natin. Kung pupuwede lang sigurong dalawa kayong naging pamilya ko... kung hindi lang nakialam ang Kuya Jerry mo."

"Of course nasaktan ako. Pero kahit kailan, hindi ako nagalit sa iyo, Meynard."

Kinabig ni Meynard si Chat. "It's not too late para magsimula tayo ulit, Chat. Bigyan n'yo ako ng chance na punan ang mga pagkukulang ko sa inyo ni Camille."

"Ipagbili n'yo na ang minana n'yo, 'Nay, dahil sa Manila na tayo mag-i-stay. Nandoon ang trabaho ko at maganda naman yung apartment na nakuha ko," sabi ni Camille kay Chat nang umuwi siya sa Kalibo. "Ang isusunod ko ay ang pagpupundar ng sariling bahay."

"Wala akong balak ibenta ang lupang minana ko, Camille. Darating ang araw na iiwan ko rin iyon sa iyo," sabi nito habang hinahainan ang anak. "Ipagkakatiwala ko na lang sa Tata Ponso mo na pinsan ng tatay ko."

"Bahala kayo," sabi niya sa ina. Naka-graduate na siya at maganda na ang trabaho sa isa sa pinakamalaking ospital sa bansa.

Naging mabagal man para sa kanya ang nakalipas na tatlong taon pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Justin, masasabi naman niyang naging successful na rin siya sa buhay. Si Justin, kumusta na kaya ito?

Wala na siyang nabalitaan pa rito kundi ang pagpunta nito sa States matapos ang kasal nito kay Mikee Dela Cruz. Kapag itinatanong niya sa sarili kung nasaan na si Justin sa puso niya, nakakaramdam pa rin siya ng sakit. Dahil hindi pala ganoon kadaling kalimutan ang first love.

Maraming nanligaw, pero hindi niya naramdaman sa sinuman sa mga iyon ang naramdaman niya kay Justin noon.

"Matagal ko na ring gustong manirahan sa Manila. Kaya lang, hindi ko rin maiwan ang trabaho ko rito," sabi ni Chat sa anak habang magkaharap sila sa dining table. Naghahapunan si Camille samantalang nagkakape ito.

"Kahit hindi na kayo magtrabaho, 'Nay." Nang mapagmasdan niya ang ina, may napansin siya rito. Parang bumata ito. Nagpagupit at kapansin-pansin din ang pagiging pustoryosa. "In love kayo, 'Nay, 'no?" panghuhuli niya rito kasama ng isang nanunuksong tingin.

Isang makahulugang ngiti ang isinagot nito. "Iyon nga ang gusto kong ipagtapat sa iyo, anak."

Ibinaba niya sa gilid ng plato ang mga kubyertos para makinig sa sasabihin ng ina. "Mukhang kinakabahan ako sa gusto n'yong sabihin, 'Nay, ah. Mag-aasawa na ba kayo ulit?"

Matagal bago sinagot ni Chat ang tanong niya. Umunat ito sa pagkakaupo at sumeryoso ang ekspresyon ng mukha. "May mga nangyayari sa akin na hindi mo alam, anak. Hindi ko kasi alam kung papaanong bubuksan sa iyo dahil baka mabigla ka."

"Balak n'yong mag-asawa ulit?"

"O-o."

"Wala kayong maririnig na pagtutol sa akin, 'Nay. You deserve to be happy. Ilang taon na rin kayong nag-iisa. At alam kong malungkot kayo. Kung hindi pa kayo mag-aasawa ngayon, kailan pa? Nagkakaedad na kayo. E, sino ho ba ang masuwerteng matandang-binata o biyudo?"

The Man Who Used To Be Mine - Cora ClementeWhere stories live. Discover now