Amana's Point of View
Malayo pa lang ako sa bahay namin, rinig ko na ang sigawan nina Mama at Papa. Hindi na ito bago sa akin—sa amin. Isang normal na eksena, pero hindi pa rin nawawala ang kaba ko tuwing nangyayari ito.
"Naknampucha naman, Esteban! Ibalik mo na 'yung pera! Pang-bayad pa natin sa renta ng bahay 'yon!" sigaw ni Mama, na maririnig kahit sa labas.
Nagmadali akong tumakbo papasok sa bahay, baka kasi magkasakitan na naman sila tulad ng dati. Pagdating ko sa loob, nadatnan kong si Papa ay kalmadong nakahiga sa sofa. Halatang kakagamit lang niya, habang si Mama naman ay nasa harap niya, umiiyak, halos tuluyan nang bumigay sa sakit at pagod.
"Ma, tumayo ka na riyan," sabi ko habang tinutulungan siyang bumangon mula sa pagkakaluhod. Hinarap ko si Papa, umaasang makakausap ko siya nang maayos. "Pa, maawa ka naman kay Mama. Ibalik mo na 'yung pera, hindi lang ikaw ang may kailangan non. Tayo lahat dito sa bahay ay nangangailangan."
Tumayo si Papa nang may bahagyang ngiti, pero alam kong hindi ito ngiti ng pagsang-ayon. "Ano? Nagagaya ka na rin sa Mama mo? Mahina, laging dinadaan sa awa ang lahat ng bagay," malamig niyang sabi habang humithit ng sigarilyo. Inilabas niya ang pera mula sa bulsa at inabot sa akin. "O, mga walang kuwenta," dagdag niya bago lumabas ng bahay.
Humarap ako kay Mama at iniabot sa kaniya ang perang binalik ni Papa. "Ma, ito na po oh, nakuha ko na 'yung pera. May pambayad na po tayo," pilit kong nginitian siya kahit alam kong hindi ito sapat para tanggalin ang bigat sa dibdib niya.
Gusto ko nang sabihin kay Mama na iwanan na si Papa, na kaya na namin ni Ate Debs ang buhayin ang pamilya kahit wala siya. Pero lagi kong naririnig sa isip ko ang sagot ni Mama: "Masyado ka pang bata para sa mga ganitong bagay."
Pero kung masyado pa akong bata, bakit nararanasan ko na 'to? Bakit naiisip ko na ang mga ganitong bagay?
Ngumiti si Mama sa akin, pero kita kong pilit ito. Pinunasan niya ang mga luha niya bago niya ako tinanong, "Kumain ka na ba? Kamusta ang eskwela?"
Napaisip ako. Nakapag-enroll na nga pala ako, salamat kay Tita Shils. Pinautang niya si Mama para makabayad kami ng tuition. Dito kasi sa lugar namin, walang public school, kaya doble hirap ang mag-aral. Pero kahit mahirap, sinisikap naming magkakapatid na maging consistent with honors.
"Okay lang po, Ma. Nag-introduce yourself kami kanina, tapos..." Kwento ko, umaasang kahit papaano ay malibang si Mama. Habang naghahanda siya ng pagkain para sa akin, nakita kong unti-unti siyang aliw sa mga sinasabi ko. Paminsan-minsan, sumasabat pa siya kapag nakaka-relate siya sa kwento ko.
Nang sumapit na ang hapon, gumayak na ako para pumunta sa bahay ni Tita Shils. Ako kasi ang pinagbabantay niya kay Daniella tuwing wala ang asawa niya. Bumaba ako mula sa attic at nadatnan ko si Ate Fi na nag-aayos ng buhok. Mukhang aalis siya.
"Ate, una na 'ko. Pupunta pa 'ko kina Tita Shils," sabi ko habang inaayos ang tali ng jogging pants ko.
Tumingin lang siya sa akin, may halong taray ang boses, "Sige, mag-ingat ka sa asawa niyang pedo," natatawa pa siyang sabi. Grabe talaga, walang preno sa bunganga.
"Oo na, wala naman si Tito Joseph doon ngayon. Bye, bilat!" pabiro kong sagot habang tumatawa, at mabilis na tumakbo palabas ng bahay. Narinig ko pang sinigawan ako ni Ate Fi ng mura, pero 'di ko na lang pinansin at nagpatuloy sa paglakad palabas ng village.
Habang naglalakad, naisip ko ang mga sinabi ni Ate. Laging ganyan si Ate Fi, puro biro at wala masyadong sineryoso. Kahit na minsan nakakainis, alam kong ganun lang talaga siya. Pero hindi ko rin maiwasang isipin na sana, sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa bahay, magkaroon kami ng mas normal na usapan—yung seryoso kahit papaano.
YOU ARE READING
The Price of Being Last
RandomAmana is the youngest daughter in the family. Lucky, right? Everyone says that if you're the youngest, you're spoiled with toys, food, and attention. You're the favorite, the one who gets all the love and none of the responsibilities. It sounds like...