INI-ENJOY ni Tiare ang pagkakaroon ng sariling kotse, it was a red Toyota RAV4 XLE. Marunong na siyang magmaneho dati pa. Tinuruan siya noon ng kanyang ama sa family van nila na ngayo'y nasa pinsan nitong si Elmer, pinapaupahan nila iyon.
Umuwi siya sa kanilang bahay nang araw na iyon at naglinis. Twice a month siya bumibisita para i-check iyon. So far, okay naman ang lahat. Walang bakas ng panloloob. Wala namang makukuhang importanteng mga gamit doon. Iyong malaking TV nila ay ibinigay na niya kay Elmer. Masyadong malaki naman siguro ang double door na refrigerator at washing machine para mabitbit ng magnanakaw? Isa pa, safe naman ang lugar nila, may mga nagrorondang tanod gabi-gabi.
Dumaan siya sa grocery sa bayan upang bumili ng toiletries. Nasa bath section siya nang may nakita siya sa 'di-kalayuan. Napangiti na lamang si Tiare.
It was Cole, nakahawak ito ng dalawang bar soaps, inaamoy ang mga iyon.
May nag-init sa kanyang kalooban at bigla siyang hindi mapakali. Pagpapawisan pa yata siya nang 'di-oras. Ano ba namang reaksiyon 'to?
Inilayo niya ang tingin mula sa lalaki at pasimpleng pumili sa mga bote ng shampoo. Pero lalo lamang siyang nataranta. Nanginginig pa ang kamay niyang dumampot ng clarifying shampoo. Why, she could feel Cole's eyes all over her, sending her tiny, delicious electric bolts.
She gasped when she felt him right on her back, breathing on her nape.
"Hi. I need help with the soaps if it's okay," sabi nito sa baritonong boses.
Pilit niyang pinakalma ang sarili saka nilingon ang lalaki. "I don't work here," nakangiting sabi niya.
"I know. I just want to know your soap preference," nakangiti ring sabi nito, itinaas ang dalawang hawak na sabon, pinaamoy sa kanya.
"I like this one, Mister," sabi ni Tiare, itinuro ang nasa kaliwang kamay ni Cole.
"Thank you."
"What are you doing here? Malayo ito sa beach house mo, ah."
"I was on my way in there, tapos nakita ko itong grocery store, parang hinahatak ako sa loob. Might as well buy some stuff, I thought. Iyon pala, nandito ka."
Sinundot niya ito sa tiyan. "Nambobola ka na naman. Hindi mo naman ako tinawagang nandito ka na pala."
Sa gulat niya'y gumanti si Cole, sinundot din siya sa tiyan. "Wala pa ako sa beach house. Apurado ka naman."
Ang lakas ng tawa ni Tiare. Nahampas niya pa ng shampoo bottle ang balikat ng lalaki.
Niyaya siya nitong mag-lunch sa katabing restaurant ng grocery store. Pumuwesto sila sa pinakadulong booth.
"Day off mo ngayon?" tanong sa kanya ni Cole nang maka-order sila ng pagkain.
"Not really. May English tutorial ako ng mga three PM then iyong isa pang job ko."
"Remote work din iyong isang job mo?"
"Yes, pero hindi naman masyadong matrabaho iyon. Magpa-process lang ako ng online payments, sasagot din minsan sa concerns ng customers."
"I see."
"Bukas, day off ko."
"Hindi ko tinatanong."
"Colberto!" Inirapan niya ito.
Tumawa naman ito, hinuli ang kamay niya at hinawakan iyon. Pagkuwa'y tumingin ito sa kanya na parang humihingi ng pahintulot na panatilihin sa mga kamay nito ang palad niya. Ngumiti siya rito bilang pagpayag.
