CHAPTER THREE: MIGUEL's POINT OF VIEW ★
"Saan na naman pupunta ang paborito kong anak?"
"May kakausapin ako 'Nay, bagong work, dagdag kita, dagdag ipon para sa pang-japan ko." Sagot ko habang nag-aayos ng damit.
"Iiwan mo ba talaga kami? Ang layo layo ng Japan anak, mas okay na nandito ka kasama ang Tatay mo at ng Lola mo." Sabi ni Nanay na nangingilid na naman ang luha.
"Ang aga aga iiyak na naman kayo. Hindi ko kayo iiwan dahil isasama ko kayo, kaya nga kumakayod ng malala itong unico ijo ninyo." Sabi ko sabay halik sa pisnge ni Nanay, "Sige na 'Nay, mag-iingat kayo sa pagbebenta ng kakanin. Si tatay sabihin ninyo na tigilan na ang kakainom ng gin lalo na kapag nagmamaneho, masama 'yon sa kalusugan. Si Lola po, huwag na masyadong mag-gantsilyo, lalabo ang mata. Aalis na po ako."
Lumagok lang ako ng kape at lumabas na ng bahay, dumeretso muna ako sa bahay ni Kapitan para pinturahan ang kabinet ng anak niya bago ako pumunta sa restaurant sinabi ni Ma'am Shiela kagabi.
"‘Tol, saan ang lakad? Raket ba 'yan? Pasama naman."
"Sa akin na lang muna 'to 'Tol, maghanap ka ng sa iyo." Tumatawa kong sagot kay Justin, may buhat siyang isang sakong bigas galing sa bodega.
Sumilip muna ako sa loob ng restaurant, mukhang mayayaman ang mga tao.
"Pangalan Sir?" Tanong ng lalakeng sumalubong sa akin.
"Miguel Bartolome po."
"Kayo po ang hinihintay ni Miss de Guzman, iyong dalawang babae po doon sa gilid."
Isinulat ko muna ang pangalan ko, address at signature bago ko pinuntahan ang tinuro nung lalake.
Hindi yata nila napansin na kanina pa ako nakatayo sa gilid nila, may tinitingnang papel ang babaeng nakaitim.
"Parang ako yata 'yan ah."
Nagulat yata siya, nabitawan niya ang papel.
Tumayo ang babaeng naka-salamin. "H-Hi, I'm Tonette, ako 'yong kausap mo kagabi." Siya yata 'yong sinasabi sa akin ni Ma'am Shiela na nagbibigay sa akin ng trabaho.
"Good morning Ma'am, pasensya na po, may tinapos pa kasi ako kaya medyo late ako." Sinenyasan niya akong maupo kaya umupo ako.
"Wala 'yon, kakarating lang din naman namin."
Tiningnan ni Ma'am Tonette ang katabi niya at may ibinulong, sumagot ang babae pero hindi ko narinig, nakatingin lang ako sa kanya.
"Bakit po? Kailan po ba ako magsisimulang magpintura ng bahay ninyo?" Tanong ko, napabuntong hininga ang babae.
"Ahm, hello.. I'm Darlene." Tumambad sa akin ang malinis niyang kamay.
"Miguel po, Miguel Bartolome." Sabi ko habang nakipag-kamay sa kanya.
"Tungkol sa sinabi ni Tonette, hindi 'yon ang magiging trabaho mo sa amin."
Hindi taga-pintura? Napakunot noo ako, sabagay lahat naman ay trabaho ang kaya ko. "Eh ano po? Driver? Hardinero? Taga-linis ng tubo? Security guard? P'wede rin pong asawa." Biro ko at nagkatinginan sila, "Ay nagbibiro lang po, joker po kasi ako." Baka hindi nila gusto ang biro ko at ipakulong pa ako.
Kinuha ni Darlene ang nahulog na papel. "Ganito kasi 'yon. Ahm, Miguel 'di ba?" Tumango ako.
"Hindi ka naman siguro masamang tao?"
"Hindi po Ma'am." Mabilis kong sagot.
"Ito kasing best friend ko, may drawing siya na kamukhang-kamukha mo." Iniabot niya sa akin lahat ng papel at parang ako nga 'yon.
YOU ARE READING
I FOUND THE BEAT IN YOUR HEART
Romance"Sa mundong magulo at walang sigurado, makakahanap rin tayo ng taong pipili sa atin kahit sa mata ng iba ay hindi tayo kapili-pili." Sobrang suwerte ni Darlene sa kanyang matalik na kaibigan na si Tonette, tinutulungan siya nitong mag-alaga sa anak...