Palabas na si Helena mula sa kanyang kwarto ng biglang makarinig siya ng malakas na sigaw galing sa unang palapag ng dormitoryo kanyang tinutuluyan. Sa pagkataranta ay agad siyang napatakbo at kamuntikan pang madapa sa sobrang pagmamadali. At pagkababa niya'y halos hindi magkandaugaga ang iba pang tenant at kasamahan na halos nagkakatulakan at tila may pinagkakaguluhan.
Agad siyang pumasok sa nagsisiksikang mga tao. At nanlaki ang mga mata niya ng masaksihan ang kaibigang niyang si Louie na nagwawala habang hawak ng iba pa niyang mga kaibigan. Nanlilisik ang mga mata nito't namumula animo'y naputakan ng ugat. Nangangatal din ang mga ngipin nito na para bang handang sumunggab at manglapa.
"Anong nangyayari sa kanya?!" mariing tanong ni Helena. Ngunit walang makapagbigay ng kasagutan at bulong-bulungan lang ang umikot sa paligid.
"Dali tumawag kayo ng doktor?!" sigaw ni Elise na sobrang tagatak na ang pawis.
"Hindi doktor ang kailangan natin. Albularyo o kaya pari ang tawagin niyo!" sigaw ni Luj na siyang humahawak sa kaibigang nagwawala.
Maya-maya pa'y huminto bigla sa pagwawala si Louie at tila natutulog na lang na nakaratay sa sahig. Agad siyang inilipat sa sofa saka tinapatan ng electric fan. Sa pagkakataong iyon ay bahagyang humupa ang tensyon sa loob at ang lahat ay may kanya-kanyang espekulasyon sa nangyari. Halos maubos din ang supply ng purified water sa domitoryo sa dami ng nainom ng mga tao roon dahil sa halu-halong emosyong idinulot ng binata.
"Okey na kaya siya?" nag-aalalang tanong ni Helena.
"Walang makakapagsabi, mas maigi na hintayin na lang natin yong pinatawag na pari ni nanay Ness," wika ni Chamaine habang pinupunasan ng basang bimpo ang mukha ng kasintahang si Louie.
"Bakit pari?! mas maigi kung dadalhin natin siya sa sa ospital baka inaatake lang siya ng seizure, epilepsy o what so ever!" may mataas na tonong sambit ni Elise.
Napatitig ng masama sa kanya si Chamaine at pinagtaasan ng kilay ang dalaga saka nagwika, "Walang sakit si Louie kaya pwede ba kung wala kang matinong sasabihin manahimik ka!"
"Anong mali sinabi ko?! huwag mong sabihin naniniwala ka pa sa kababalaghan? hello 2016 na!" mariing saad ni Elise habang nakapamewang at may kasama pang pag-irap ng mga mata.
Agad napatayo si Chamaine at susugurin na sana si Elise ng mapigilan siya ni Helena sabay bulong ng mga katagang, "Huwag mo na lang patulan, alam mo naman yan."
Dahil doon ay pinalayo na lang si Elise dahil sa tensyon sa pagitan nila. Mahigit trenta minutos na ring tulog si Louie kaya naman ay minabuti na nilang ipasok ito sa kanyang kwarto para makapagpahinga ng maayos. Balik sa ayos ang lahat at parang walang nangyaring kakaiba kanina. Dumating ang pari sa dormitoryo at nag-alay ng dasal. Benindisyunan niya rin ang buong lugar kasama ang iba pang naroon.
* * *
Naalimpungatan si Chamaine buhat sa pagbabantay sa nobyo. Madilim sa kwarto ng kanyang libutin iyon ng paningin, hinimas pa niya ang ulohan ng nobyo na sa wari niya'y mahimbing pang natutulog. Agad niyang inabot ang kanyang smart phone sa katabing lamesita para magsilbing ilaw at silipin ang rumehistrong oras; ala-sais y medya ng gabi.
At ng kanyang mahawakan ito'y nakaramdam siya ng may tila may malamig na kamay ang dumampi sa kanyang balat. Nabitawan niya ang hawak at napasigaw. Unang pumasok sa isip niya ang tumakbo sa switch ng ilaw para buksan ito.
Tumagaktak ng todo ang pawis ng dalaga habang nakahawak sa dibdib ng mapag-alaman niyang nag-iisa pala siya sa kwarto. Pakiramdam niya'y hihikain siya sa labis na pagkaubos ng hangin sa kanyang baga. Hindi malaman ang gagawin sapagkat ang buong akala niya'y katabi ng dalaga ang nobyo. At muli nanaman siyang napasigaw ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto.
