9. Doll House

174 13 4
                                    

Araw ng sabado. Namamasyal kaming mag-anak sa isang mall sa Fairview, Quezon city at dahil sa kabila-kabilang sales at walang pasok ang mga estudyante'y marami ang gaya naming na gustong magpalamig, makatipid at maglibang kahit papaano.

Kaya naman inisa-isa namin ng asawa kong si Queen, kasama ang munti naming anghel na si Danica, pitong taong gulang ang mga stall at botique at nagbabakasaling makatiyempo ng mura para sa nag-uumpisa naming pamilya.

Sa tagal ng pag-iikot ay sa isang antique shop kami huling napadpad. Sumakto rin na sale sila kaya naenganyo kaming pumasok at tumingin. Marami kaming nagustuhan mula sa mga kabinet, tokador at kama ngunit hindi pasok sa aming budget.

Paalis na sana kami ng biglang mawala sa tabi namin ang anak naming si Danica. Naghanap kami kasama ng mga sales agent sa loob ngunit hindi namin siya talagang makita. Hindi na mapatid ang pag-iyak ni Queen sa paghahanap at 'di malaman ang aming gagawin.

Hindi naman kasi pwedeng makalabas siya basta-basta sa shop gawa ng iisang daan lang ang maaari niyang labasan kung saan may nagbabantay na tauhan na namimigay din mga flyers. Napakabilis ng pangyayari sapagkat hawak lang siya ng asawa ko at may sinabi lang ako sa kanya at bigla na lang siyang nawala sa paningin namin.

Magrereport na sana kami sa security office ng mall nang makarinig kami sa isang sulok ng tawanan at mga agik-gikan. Dali-dali namin itong pinuntahan at nakita namin doon si Danica na nasa loob ng 'di ko matukoy kung doll house ba o pet house dahil sa sobrang kalumaan.

"Anak, kanina ka pa ba diyan?" nag-aalalang tanong ko.

Ngumiti't tumango lang ang bata at mabilis siyang kinuha ng kanyang ina saka niyakap.

"Ba't bigla-bigla ka na lang umaalis, alalang-alala si mommy sa'yo!" kabadong wika ni Queen.

"Tinawag po kasi ako ng bata eh maglaro daw kami," masayang tugon niya.

Napasilip ako sa loob ng kahon ngunit walang bata ang nandoon. Napag-isip-isip ko'y marahil gawa lang iyon ng mapaglarong imahinasyon ng bata. Nagpasiya na lang kaming hindi na ipaalam sa security ng mall at napagpasalamat sa mga trabahador at humingi ng paumanhin sa kaunting komusyon.

"Daddy, pwede ba natin bilhin yon?" malambing na wika ni Danica sabay turo sa doll house na pinagkitaan namin sa kanya

Tiningnan ko muna ang presyo at napag-alaman na nakasale ito ng halos 90% off, na parang pinamigay na nila. Ayon sa sales agent matagal na raw ang doll house na iyon at hindi mabenta-benta.

At kung mabenta man ay ilang araw lang ay isinasauli na ito at 'di na nag-aabala pang kunin ang perang binayad. Kaya naman nagpasiya na ang may-ari na paluging ibenta ito, maialis lang. At dahil sa pakiusap ng anak at sobrang murang presyo nito ay pinatos ko na rin ang naturang doll house pala.

Tuwang-tuwa si Danica at 'di mapatid ang kanyang ngiti. Humalik siya sa pisngi ko sabay wika, "Thank you daddy, hindi na siya malulungkot!"

Panandalian akong napaisip sa sinabi niya't pilit na napangiti na lang. Isinawalang bahala ko na lang iyon basta ang importante masaya si Danica. Inilagay iyon sa maayos na kahon at napagpasiyahang bitbitin papuntang parking area hanggang makarating sa kotse, saka ko lang napuna na may kabigatan din pala ito.

Pagdating sa bahay ay nilinisan ko muna ito bago pinasok sa loob ng kwarto ni Danica katabi ng iba pa niyang mga laruan. Hinayaan muna naming siyang mag-asawa na makapaglaro at nagpunta muna sa kusina para ayusin din ang iba pa naming pinamili.

Tinulungan ko sa pagluluto si Queen at nakipagkwentuhan tungkol sa trabaho at ilang mga bagay. Nang maluto ang menudo ay naghain na siya't pinuntahan ko na ang anak sa kwarto niya. Papihit na ako sa saradora ng makarinig ng mga hagikgikan. Ngunit ikinataka ko na hindi lang kay Danica galing ang boses kaya naman dali-dali kong binuksan ang pinto.

At nakita ko si Danica sa harap ng doll house kaharap ang mga manika niya. Napangiti na lang ako't lumapit.

"Halika na anak, kakain na tayo," aya ko.

"Mamaya na lang," wika niya sabay kaway at nakatingin sa doll house.

Kumakain na kami ng makarinig nang malakas na kalabog sa kwarto ni Danica. Noong una'y hinayaan na lang muna namin dahil baka hangin lamang iyon, ngunit naging sunod-sunod ang mga kalabog na para bang may tao sa loob ng kwarto niya.

Sinilip ko ang loob ngunit walang sinu man ang nandoon. Wala ring nahulog na gamit o anu man. Sunod kong tiningnan kung bukas ang mga bintana ngunit nakasara iyon ng maigi. Hindi ko na lang pinaalam sa aking mag-ina at sinabing may nahulog lang dahil ayaw ko silang matakot.

Matapos kumain at makapagligpit ng pinagkainan ay sa sala namin pinalipas ang oras. Nanood kami ng paboritong movie ni Danica na makailang ulit na naming napanood.

Nang makatulog ang bata ay kinarga ko na siya sa kanyang kwarto para makapagpahinga. Patulog na kaming mag-asawa ng makarinig ulit ng kalabog na may kasama pang hagikgikan mula sa kwarto ni Danica.

Inakala kong nagising siya ngunit pagtingin ko sa kwarto'y mahimbing pa rin siyang natutulog. Hindi na lang ako nag-isip ng kung anu at marahil guni-guni ko lang iyon. Bumalik na ako sa pagtulog at hinayaan na lang. Lumaon ang mga gabi na ganoon ang aming naririnig kaya nagpasiya na akong matulog kasama si Danica sa kwarto niya, ngunit wala naman akong narinig o napansing kakaiba.

Hanggang sa isang gabi, ginising ako ng asawa ko't sinabing nakarinig daw siya ng sigaw sa kwarto ni Danica. Sa sobrang antok at pagod gawa ng maraming nakabinbing trabaho sa opisna'y 'di ko siya gaanong naintindihan at napaidlip. Kaya naman kahit natatakot ay mag-isa niyang tiningnan ang kwarto ni Danica. Maya-maya pa'y nakarinig na ako ng malakas na sigaw. Boses galing kay Queen.

Naalimpungatan ako't dali-daling bumangon saka napatakbo sa kabilang kwarto. Pagbukas ng ilaw ay walang tao ang naroon. Wala ang mag-ina ko. Naguluhan ako sa sitwasyon. Binuksan ko agad ang mga cabinet at sumilip sa ilalim ng kama dahil baka pinaglalaruan lang nila ako, ngunit wala silang dalawa roon. Nasaan sila?! malakas na sigaw sa isipan.

Pinagpapawisan na ako ng malamig at kumakabog ng malakas ang dibdib. Anu bang nangyayari?! tanong sa sarili. May kung anung nag-udyok sa'kin na mapatingin sa doll house. Tinitigan ko iyon at nilapitan. Binuksan ko ang bubungan noon at tumambad sa'kin ang isang batang duguan na nakangiti sa'kin.

Napabalikwas akong paatras at nanlaki ang mata ng patayo siya't humakbang palabas ng doll house. Doon ko lang napansin na baligtad ang ulohan niya kasabay ng pagbulwak ng maitim at mapula niyang dugo sa kanyang bibig. Sumigaw ako ngunit walang boses na lumalabas sa aking bibig. Hindi rin ako makatayo na parang napako ang mga kamay at paa sa kinasasadlakan.

"Lagi na akong may kalaro ngayon," aniya.

Ang makatindig balahibo niyang boses animo'y galing sa pinakamalalim na hukay. Nakakakilabot.

Dumoble pa ang tibok ng puso't pagpapawis ng malamig. Hindi maipinta ang nararamdaman ng makita kong lumabas din sa loob ng doll house sina Danica at Queen. Nakangiti sila pagkatapos ay papiking lumapit sa'kin ng nakabaligtad ang kanilang mga ulo.

"Marvin, gising!"

Napahabol ng hininga't nagising ako sa isang bangungot. Hindi ko mawari ang sarili dahil parang totoo ang lahat. Napadasal muna ako bago binuksan ang ilaw ng lamp shade at napatingin sa asawang katabi. Sa nakita'y mistulang ako nawalan hininga, sapagkat baligtad na ang kanyang ulo't nakangiti sa'kin ng labas ang ngipin sabay sabi, "Dito sa loob ay lagi na tayong magiging masaya ni Danica at bago niyang kapatid."

* * *

"Mommy, Daddy! pwede niyo bang bilhin ang doll house na iyon, pa-birthday gift niyo na sa'kin please!

Napangiti naman ang magulang ng bata ng lumapit sila sa antique store upang silipin ang kalagayan at presyo ng doll house.

"Sige, anak bibilhin namin ito sa'yo ng mommy mo. Sa isang kondisyon... dapat be a good girl lagi at dapat mag-aral mabuti, promise?" wika ng ama ng bata.

"Opo!"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 24, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

VividTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon