Napamulat ka sa tunog na gawa ng iyong smart phone alarm, kahit tulog pa ang diwa ay pinilit mong kapain ito sa ilalim ng iyong unan para i-off ang alarm. Iniangat mo ang iyong ulo para sulyapan ang natutulog mong anak, hinawi ang kanyang buhok at hinalikan sa noo. Pagkatapos ay bumangon ka na't lumabas sa kwarto at nag-inat-inat ng kaunti.
"Good morning kuya!" masiglang bati sayo ng iyong kasambahay na kakatapos lang magluto ng agahan niyong mag-ama, nginitian mo siya't binating pabalik.
Sunod kang nagtungo sa kusina't nagtimpla ng sariling kape, naupo sa harap ng hapagkainan at nagsimulang kumain. Hinatid ng iyong paningin ang kasambahay papasok ng kwarto habang ninanamnam ang natitirang kape, ilang sandali pa'y kasama na niyang lumabas ang isang batang lalaki. Nginitian mo ang bata't agad itong napatakbo sa'yo na agad mong sinalubong ng yakap.
"Antok pa ko eeh!" paglalambing niyang saad habang nakasubsob ang ulo niya sa balikat mo. Hinimas-himas mo ang kanyang buhok at sinabihan na kailangan na niyang kumain sapagkat siya'y may pasok pa sa eskwelahan.
Nakinig naman ito at umupo sa katabing upuan. Iyong inutusan ang kasambahay na ihanda na ang pampaligo ng iyong anak habang abala ka naman sa pagsubo ng pagkain sa napapapikit pang chikiting.
Nagpresinta kang ikaw na ang magpapaligo at naaninagan mo ang galak sa mukha ng iyong anak, ang kanyang malapad na pagngiti at tila kinikilig na galaw.
Napuno ng tawanan at lambingan ang bawat buhos at kuskus mo sa katawan ng iyong anak, hindi maitago sa iyong mukha ang mapangiti habang binabalutan mo ng tuyong tuwalya ang hubad niyang katawan. Tinawag mong muli ang inyong kasamabahay at inutusang bihisan na iyong anak. Sumunod ka na ring naligo at nagbihis ng isang presentableng kasuotan angkop sa iyong trabaho.
Mahigit trenta minutos ang kinaing oras bago kayo nakarating sa tapat ng pinapasukang pribadong paaralan ng iyong anak dahil sa abalang dulot ng ginagawang kalsada't dagsa rin ng mga taong may kanya-kanyang pakay.
May mangilan-ngilang bata ang nagsisipasukan hatid ng kanilang mga magulang at tagapangalaga. Humalik ka muna sa pisngi ng munti mong anghel bago siya tuluyang lumabas ng sasakayan. Pinagmasdan mo munang makapasok ito sa gate bago mo pinaandar ang sasakayan para tahakin ang daang papunta sa iyong klinika.
"Good morning sir," malumanay na bati ng iyong assistant. Binigyan mo lang siya ng ngiti at agad kang tumuloy sa iyong desk para ilapag iyong gamit at silipin ang nakaschedule na pasyente para sa araw na ito.
Jona Santos, 9:00 a.m. operation for impacted tooth ang iyong nabasa. Tiningnan mo ang oras sa nakasabit na wall clock, 8:35 a.m. ang nakita.
Ipinahanda mo na sa iyong assistant ang lahat ng kailangan instrumento at nagsimula ka na rin mag-aksikaso ng ilang bagay.
Narinig mong tumunog ang ang wind chimes na nakasabit sa pinto ng klinika, napatingin ka sa gawi ng pinto at inalam kung sino man ang pumasok.
"Hello po, sorry kung medyo napaaga ako," banggit nito.
Napangiti ka't tinugon ang mga katagang kanyang binanggit.
"Walang anu man ho."
At pinapwesto na siya ng iyong assistant at nagsimula ka ng magprepara. Sunod na binuksan ng iyong assistant ang telebisyon para malibang kahit papaano ang inyong kliyente.
At sabay na hinawi ng iyong assistant ang kurtinang naghihiwalay sa isang bahagi ng receiving area at sa iyong work place ng hindi makaabala kung mayroon mang papasok.
Nginitian mo muna ang iyong pasyente bago mo itinapat ang pabilog na ilaw palapit sa kanyang bibig para ineksyunan ng pampamanhid ang parte ng operasyon. At habang naghihintay kang tumalab ang pampamanhid ay napatingin ka sandali sa screen ng telebisyon, kasalukuyang nabalita rito ang patungkol sa dalawang magkasintahan na biktima ng hit and run kamakailan. Pinagpasiyahan mong patayin ang telebisyon sapagkat hindi mo nagustuhan ang napanood at nakaramdam ka ng pag-irita ukol dito.