8. 'Till Death Do Us Part

339 20 1
                                    

Ang maglakad sa harap ng altar, suot ang pinakamagandang trahe de boda'y maituturing mong isa sa mga pinapangarap ng isang babae.

Nakangiti kang pinagmamasdan ang isang babaeng buong galak na pababa sa bride's car. At 'di mapatid ang ngiti nito habang palakad patungo sa altar.

Pero mas labis kang natuwa ng makarating ang babae sa altar ay wala roon ang pakakasalan.

Bulong-bulungan ang nagsimulang umikot sa simbahan.

Nakakabingi.

Nakakalunod.

Napaluha ang babae. At pinipilit na maghihintay siya.

Lumipas ang mahigit tatlumpong minuto.

Isang oras.

Ngunit walang dumating.

Labis na nadurog ang puso ng babae't 'di mapigil sa pag-iyak.

Napatakbo siya sa ikatlong palapag ng simbahan na agad mo naman sinundan.

At pumasok siya sa tore kung saan naroon ang kampana.

Nakasilip siya sa malaking bintana habang tinatanaw ang ibaba nito.

Rinig mo ang malakas na sigawan at hiyawan ng mga tao na pilit siyang pinapababa.

Ang mga magulang niya'y humabol ngunit 'di makapasok sa gawing iyon ng simbahan dahil sinara mo ang pinto't kinandado.

Napangisi ka't muling ibinalik ang tingin sa babae.

Hindi ka nagdalawang isip at nagagalak kang itinulak siya.

* * *

Masaya ka habang tinatanggap ang isang singsing na simbolo ng pag-ibig. Natawa ka din habang pinakikinggan ang utal na pagkakasabi ng kabiyak.

"Will you marry me?"

Mabilis kang sumagot ng "oo" at agad siyang niyakap ng mahigpit.

Sa pagharap mo sa kanya'y para kang tinamaan ng kidlat. Nanginig ang labi mo't di maipinta ang nararamdaman.

Ang iyong irog na kanina'y masaya mong kapiling ay isa ng naagnas na bangkay.

* * *

Napasinghap ka sa masamang bangungot at agad na hinanap sa kwarto ang iyong kabiyak. Isinagaw mo ang kanyang pangalan sa labis na paggapang ng kaba. Sa pagbukas ng pinto'y bumungad ang iyong hinahanap at dali-dali kang niyakap.

Hinaplos niya ang iyong buhok at humalik sa iyong noo. Nakaramdam ka ng kaginhawaan at nawala lahat ng agam-agam na kanina'y bumabagabag.

Niyaya ka niyang magtungo sa kusina sapagkat nagluto na siya ng almusal. Napangiti ka sa narinig at agad tumayo't sumama.

Isang pangkaraniwang araw, para sa dalawang magsing-irog. Naghanda kayo't sabay na pumasok sa kanya-kanyang trabaho.

Masaya ka sa buong araw habang tinuturuan ang iyong mga estudyante. At tuwing bakanteng oras ay napapatitig ka lang sa bigay nitong singsing na simbolo ng inyong pagmamahalan.

Bawat araw na dumadaan ay may napapansin kang pag-babago. Malayo sa dalawang taon na ginugol kasama siya.

Nakaramdam ka rin ng panlalamig, malayo sa lagi niyang pinadadama sa'yong init.

Isang araw ay inabangan mo siya sa kanyang pinagtratrabahuhan at doon ay nasagot lahat ng iyong hinala.

Umuwi kang sawi't luhaan. Naghihinagpis at tinatanong sa sarili kung anong mali o kulang sa nagawa.

Masasamang salita ang namutawi sa'yong bibig. Lahat iyon isinumpa mo sa singsing na suot. Ang simbolo dapat ng pag-ibig ay naging simbolo ng kasawian, pagkasukmal at trahedya.

Sa sobrang tuliro ng iyong isipan ay dumiretso ka sa pinakamataas na palapag ng condominium na inyong tinutuluyan.

Nilasap ang malakas na hangin habang ibubulong ang mga kasuklam-suklam na mga salita.

At nakangiti kang nagpatihulog.

* * *

Nakangiti kang pinagmamasdan ang isang lalaking namimili ng singsing sa isang botique. Sa kanyang paghahanap ay pumukaw sa atensyon nito ang isang singsing na hugis puso na may diamante sa gitna.

Kitang-kita mo na bakas sa mukha nito ang labis na kasiyahan. Nag-atubili siyang bilhin ito't lumabas ng botique habang ika'y nakasunod.

Sa isang restaurant nagkita ang dalawang magkasintahan at doon ay inalok ng lalaki ang babae na magpakasal.

Mabilis tumugon ng "oo" ang babae hanggang planuhin nila ang napipintong pagpapakasal.

Dumating ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib. Masaya ang lalake't todo ang porma. Papunta na itong simbahan habang ika'y nakaupo sa tabi niya.

Napangisi ka't napahalakhak ng malakas, hanggang sa masagasaan kayo ng humahagibis na truck.

* * *

Sa tuwing magsing-irog na napapasuot sa dating pinagmamay-ari mong singsing ay trahedya ang kanilang sinasapit.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ka sa paghahasik ng lagim.

At buong ngiting nakamasid.

Nag-aabang ng may ngiti sa labi.

VividTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon